Chapter Five

5.5K 151 1
                                    


"PANAY ang ngisi nitong si Revo, parang nakakaloko!" Kumakain silang tatlo nina Clint sa may Golf Course sa loob ng Camp Aguinaldo. Cheese sticks, chicken sandwich at pasta- meryenda nila pagkatapos maglaro ng golf. "Ano ba talaga ang nangyari sa date ninyo ni Giselle?"


"Dinaan na naman niya sa pagiging chick boy yan, malamang. Ano, girlfriend mo na?" tanong ni Clint.


Uminom muna siya ng pineapple juice bago umiling. "Negative. Nagdinner lang kami. Ni hindi nga ako nakapagpa-cute. Ni hindi ako nakabihis ng maayos. Paano naman kasi, anong oras na natapos ang training kasi nagpa-extend si Coach. Tapos grabe pa ang traffic. Bad trip nga."


"Hala, ano pala ang itsura mo nang sinundo mo siya?" Halos mapanganga pa si Gael.


"Ano pa e di naka-sports attire! Hassle talaga. Ni hindi ako nakapagpalit ng pantalon kasi nga hindi naman ako nakapagbaon. Imagine, naka-shorts ako saka naka-rubber shoes! Hiyang-hiya nga ako. Ang jologs ko!"


Napahalakhak sina Clint at Gael sa sinabi niya. Gusto niya tuloy pagbabatukan ang dalawa.


"Oo na. Kayo na ang magagaling. Buti sana kung ninja ako di ba?"


"Sana dumaan ka na lang ng mall!" wika ni Gael na halos mabilaukan sa katatawa. "Ikaw naman brod, parang di ka nag-Ranger course o."


Di na kumibo si Revo dahil alam niyang asar-talo talaga siya sa mga kasama. Iniisip na lang niya ang gagawing invitation kay Giselle mamaya. Balak niyang ipasyal sa Antipolo ang babae at mag-dinner sa isang restaurant sa may overlooking. Kaya naman kanina pa siya medyo napapangiti. Excited nga kasi siya.



PERO kinagabihan ay higit pa sa gumuhong sand castle ang pakiramdam ni Revo dahil ang excitement niya ay napalitan ng pagkalungkot. Deadmahin ba naman siya ni Giselle- to be exact ay naka-sampung tawag na siya— lahat ay hindi sinagot ng babae. Limang beses na rin siyang nagpadala ng text messages pero ni ha, ni ho ay wala siyang natanggap na reply. Kahit jejemon text na lang sana pero talagang nada! Di tuloy siya mapakali. He decided na tawagan ang hotel kung saan nakatira ang babae— much to his surprise— nagcheck out na daw si Giselle! As in ganun-ganun lang.


Ni hindi man lang nagsabi, sa loob-loob niya. Hindi sa may obligasyon sa kanya ang babae na magpaalam or what- pero sana ay naisip man lang nitong sagutin ang mga calls and text messages niya.


"O, saan ka pupunta?" tanong ni Gael nang makita siyang naka-shorts at training shoes. Kapag kasi ganun ang ayos niya ay alam na ng room mate na tatakbo siya. "Alas-otso ng gabi, magjo-jogging ka?"


"Gusto kong mag-isip," sagot niya. Bakit ba siya iniisnab ni Giselle? Dahil ba sa isang mumurahing barbecuehan niya dinala ang babae? O dahil naka-sports shorts lang siya nang makipagkita? Tinext niya si JD kung puwedeng tawagan si Peachy. Baka sakaling matulungan siya ng babae.


"Pre, di ba puwedeng mag-isip dito sa quarters? Kelangan ba tumatakbo talaga?" Natatawang wika ni Gael. "Sa totoo lang, ikaw na ang pinaka-adik sa sports dito sa kampo! Kung hindi rowing, running, tennis, swimming, golf..."


Hindi na niya pinatapos ang litanya ng lalake. "Eto lang ang stress buster ko."


"Stress? E nasa opisina na tayo ah! Wala naman tayo battlefield."


"Ah basta," aniya saka lumabas na. Kapag pinatulan pa niya ang pakikipag-usap kay Gael ay baka lalo lang siyang maasar.


Paglabas ng officers' quarters ay agad na tumakbo si Revo. Imbes na baril ay iPod ang nakakabit sa kanyang beywang. Hindi na niya namalayan ang oras. Almost ten na ng gabi nang makabalik siya sa quarters. Mabuti na rin ang ganun dahil agad siyang nakatulog.




"SO HINDI mo alam na nasa Zambales?" Nasa boses ni JD ang pagkagulat. Ito ang unang tinawagan ni Revo kinabukasan.


"Bok, kung alam kong nandun, hindi na ako magtatanong di ba?"


"Well, akala ko kasi alam mo since.... lumabas daw kayo according to Peachy."


"Lumabas nga kami. Okay naman kami..." Inisip niya kung may sinabi ba siyang ikinagalit ng babae pero wala talaga e. "Sa pagkakaalam ko nag-enjoy naman siya."


"Baka busy lang kaya hindi ka pa kinokontak," ani JD. "Malay mo magtext sayo mamaya... o kaya bukas."


"Bok, tanungin mo naman si Peachy kung may sinabi pa sa kanya si Giselle." Napakamot siya ng ulo ng wala sa oras. "Pasensiya ka na ha..."


Natawa si JD sa kabilang linya. "Okay lang bok. Napagdaanan ko na rin yan." Natawa na rin siya. Bakit ba ang hirap ng lovelife? Buti pa ang math, may tamang formula para ma-solve ang X.


Matapos makipag-usap sa mistah ay ginawa muna niya ang ilang paperworks saka umalis na patungong Roxas Boulevard. At least kapag nasa training siya- wala siyang naiisip na iba kundi ang mag-sagwan ng mag-sagwan.



Mag-paddle man ako ng mag-paddle, at least alam kong may patutunguhan.

The Cavaliers: REVOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon