Kabanata 8

49 2 0
                                    

UNFINISHED TALE
Ikalawang Kabanata

Filipinas 1820

Walang kurap pa ring nakatingin si Lucas sa dalaga na nanatili rin ang tingin dito. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin sapagkat bigla-bigla ay namamawis siya kahit na nakakaginhawa naman ang ihip ng hangin mula sa nagtatayugang mga puno sa paligid. Ang pagbilis din ng tibok ng kaniyang puso ay nagpapahilo sa kaniya.

Samantala, si Isabella ay malamig lang na ipinukol ang mga mata rito, may munting pagtataka dahil sa paraan ng pagtingin ng binata sa kaniya. Hindi niya naman maalala kung nagkita na ba sila rati sapagkat lahat ng nakakadaupang palad niya ay kinakalimutan ng kaniyang memorya.

Bukod pa rito, hindi nag-iiwas ng tingin si Isabella sapagkat indikasyon iyon ng pagkatalo. Kahit sa titigan, ayaw niyang matalo ng isang lalaki.

Naputol lamang ang kanilang titigan nang sinimulang patakbuhin ng kutsero ang kalesang sinasakyan nila Lucas at ng kaniyang kapatid na si Leandro. Agarang hindi mapakali si Lucas sapagkat nais niya pang makita ang dalaga. Sinilip na lamang ni Lucas mula sa loob ang kalesang sinasakyan ni Isabella at nakitang malayo pa ito kaya nanghinayang siya.

"Lucas, ano bang nangyayari sa iyo? Hindi mo ako sinagot sa aking tanong at tila ikaw rin ay nakakita ng multo," tanong ni Leandro na napahilot na lamang sa kaniyang matangos na ilong.

"Wala iyon, Kuya." Nag-iwas ng tingin si Lucas sapagkat ayaw niyang makita siya ng kapatid na ngumingiti. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang kaniyang tama sa babaeng iyon na tila hindi naman siya naalala.

Kumunot naman ang noo ni Leandro habang sinusuri ang mukha ng kapatid. Sa kanilang dalawa, siya ang mahilig at magaling mang-obserba ng tao kung kaya't alam niyang ilang minuto pa lamang mula ngayon ay magkakaroon na siya ng hinuha kung ano ang nangyayari sa kaniyang kapatid.

Makikita sa loob ng kalesa ang dalawang magkapatid na Delgado. Si Leandro Delgado ay dalawampu't apat na taong gulang at isa nang ganap na abogado. Siya ay nagtapos ng abogasya sa bansang Alemanya (Germany) sa Europa. Mahahalata na agad sa kaniyang tindig ang pagiging ma-prinsipyo at ang kagalingan sa debate at talastasan. Nakakuha nga siya ng maraming parangal nang siya'y nag-aaral pa lamang. Ang katangian niya bilang ginoo ang siyang dahilan kung bakit maraming kababaihan ang nahuhumaling sa kaniya.

Siya ay matalino, tahimik na nag-iingay lamang ang bibig kapag siya'y nakikipag-argumento sa usaping may saysay, minsan ay istrikto, magalang, at higit sa lahat, ang panlabas na anyo nito na siyang palaging nagpapatili sa mga kababaihan. Kapansin-pansin din dito ang palaging nakaayos na buhok. Ito ang mas nahahawig sa kanilang ama na si Don Roberto, na nagmamay-ari ng mukha at tindig na pormal na pormal at istrikto, mahahalatang may prinsipyong hindi magigiba.

Samantala, si Lucas Delgado ay kabaliktaran ng kaniyang kapatid sapagkat siya ay palabiro at pilyo. Minsan din ay naiinis si Leandro sa walang saysay na usaping lumalabas sa bibig nito. Ito rin ay may kadaldalan. Kung may parangal lamang sa kung sino ang pinakamadaldal at maloko sa mundo ay tiyak na maraming medalya na ang nasungkit nito. Naging lapitin din siya ng mga babae sa Alemanya dahil sa angking ka-gwapuhan din nito. Mas nahahawig ito sa kanilang ina na si Donya Laura.

Magulo ang buhok ni Lucas dahil tinatamad siyang ayusin ito ngunit nakakadagdag pa rin naman ito sa kaniyang hitsura. Makapal ang kilay nito na halos nagsasalubong na, malalalim ang kulay brown na mga mata at natural na matalas kung tumingin kung hindi nakangiti, matangos ang ilong, maganda ang hubog ng panga, at manipis ang labi na palaging naka-plastar ang nakakalokong ngisi. Magkatulad sila ni Leandro na may maputi at makinis na balat.

May mga babae rin siyang naging karelasyon doon ngunit hindi rin nagtatagal dahil mabilis magsawa si Lucas. Hindi niya rin alam dahil sa tuwing nakikipaghiwalay siya sa nagiging karelasyon ay naaalala niya ang umiiyak at galit na mukha ni Isabella na nababasa ng ulan sa huling gabi niya sa Pilipinas bago siya pumunta sa Europa.

Unfinished Tale (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon