Kabanata 25

32 2 0
                                    

UNFINISHED TALE
Ika-Labing Dalawang Kabanata

Filipinas 1820

Alas syete pa lamang ng umaga ngunit may nagtungo nang mga hindi inaasahang panauhin sa mansyon ng mga Fonseca. Hindi naman nakapaghanda sina Don Paciano at Donya Jacinta sa pagdating ng mag-asawang Hernandez na minsan lamang nilang nakakadaupang palad. Ngunit kilalang-kilala nilang dalawa si Don Diego Hernandez na namamayagpag sa larangan ng medisina at nagmamay-ari ng limang kilalang pagamutan sa San Fernando.

"¡Buenos días, Paciano at Jacinta!" nakangiting pagbati ni Don Diego sa dalawa. Ang asawa naman nitong si Donya Antonia ay ganoon din ang ginawa ngunit mahiyain ito at tahimik lamang.

Hindi naman magkamayaw ang dalawang kasambahay sa paghahanda ng apat na tasang kape na siyang iniutos sa kanila ng kanilang mga amo.

Nakangiti namang bumati pabalik ang mag-asawang Fonseca. Pasimple namang napataas ang kilay ni Donya Jacinta nang ituon ang atensiyon kay Donya Antonia na nakayuko lamang at tila hindi nahihiya silang harapin. Naningkit ang kaniyang mga mata saka ay naalala ang kuwento noon na ang napangasawa ni Don Diego ay babaeng nagmula lamang sa mahirap na pamilya. Pinili at sinunod daw nito ang kaniyang puso kaysa sundin ang mga magulang nito na ikasal siya sa isang mayamang dalaga.

Naiisip ni Donya Jacinta na hindi niya ito magiging kaibigan dahil ayaw nitong magkaroon ng amiga'ng mahirap na hindi nakaiintindi ng wikang espanyol. Ikinumpas niya na lamang ang abaniko at nagpaypay habang nakatingin pa rin kay Antonia na nakatingin na ngayon sa asawa. Doon niya napansin na hindi halatang nagmula sa mahirap na pamilya ang babae dahil ito at mestisa. Natanto niyang isa itong mestisa de sangley dahil sa singkit nitong mga mata.

"Ano pala ang inyong sadya, Diego?" nakangiting tanong ni Don Paciano. May parte sa kaniyang nananabik dahil baka kaugnayan ito sa negosyo.

Tumikhim naman si Don Diego at saglit pang tumingin sa asawa bago muling ibinalik ang tingin kay Don Paciano. "May binata kaming anak na nais mapangasawa ang isa sa mga babae niyong anak. Ang aming bunsong anak."

Gulat na reaksiyon ang namutawi sa mukha ni Donya Jacinta nang magkatinginan sila ni Don Paciano na katulad niya ay natigilan din.

"Dalawa lamang ang babae naming anak at ang isa ay nakatakda nang ikasal. Kumalat na sa buong San Fernando ang tungkol sa pamamanhikan ng pamilya Acosta sa anak naming si Amaia. Hindi niyo ba iyon nababatid?" turan ni Donya Jacinta na nangungutya ang tingin kay Donya Antonia na nakatingin na sa kaniya ngayon.

Nasabi iyon ni Donya Jacinta dahil nakasisiguro siyang si Amaia ang sadya ng mga ito. Maghihintay pa marahil siya na pumuti ang uwak bago may mag-aalok ng kasal kay Isabella na tinuturing nilang kahihiyan sa pamilya.

Dahan-dahang napangiti si Donya Antonia. "Hindi naman si Amaia ang aming tinutukoy. Si Maria Isabella, Jacinta."

Muntik nang mapairap si Donya Jacinta dahil sa pagtawag nito sa kaniya ngunit pinilit niyang ngumiti. Hindi niya rin naikubli ang gulat nang marinig ang mga salitang iyon na matagal na niyang inaasam na marinig.

Napakurap naman nang ilang beses si Don Paciano nang marinig iyon. Nagkatinginan sila ng asawa pagkatapos at magkatulad sila ng reaksiyon.

Tumikhim si Don Paciano, pinipilit na kinukubli ang gulat, "Hindi ba kayo nagbibiro?" Natawa ito. Naiisip niyang baka pinagkakatuwaan lamang siya ng mag-asawa dahil marahil ay naulinagan na rin ng mga ito ang mga usap-usapan tungkol kay Isabella na walang lalaking hihingi sa kamay nito.

Nakisabay naman ng tawa si Don Diego upang hindi hayaang mag-isa ang Don sa pagtawa. "Wala sa aming bokabularyo ang salitang 'biro' kapag tungkol na sa kasal ang pag-uusapan, Paciano. Sa panganay at gitna nga naming anak na naikasal na ay walang halong biro ang aming pamamanhikan sa kanilang mga naibigang pakasalan."

Unfinished Tale (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon