Kabanata 15

40 2 0
                                    

UNFINISHED TALE
Ikalimang Kabanata

Filipinas 1820

Tuluyan nang nilamon ng dilim ang kalangitan at ang buong paligid. Ang kaninang kulay kahel na naghahari sa mga ulap ay niyakap na ng kadiliman. Ang hangin din na sumasayaw sa mga puno at bulaklak sa hardin ng hacienda Fonseca ay nagpapahayag na oras na ng paghahari ng dilim sapagkat alas sais na ng gabi base sa pag-aagawan ng rahan at rahas nito.

Bago umandar ang kalesa ay tinanaw pa ni Lucas ang paglalakad ni Isabella papasok sa hacienda. Hindi mawala-wala ang ngiti nito sa labi dahil sa hindi inaasahang pangyayari ngayong araw. Sa kabila ng kasiyahan, nababahala pa rin siya sa dalaga dahil sa nangyaring paglapastangan ng dalawang mayayamang lalaki sa kaniya kanina. Batid niyang kahit wala mang sabihin si Isabella, hindi pa rin nawawala sa isip nito ang nangyari kanina dahil nagsusumigaw ang maaamong mga mata nito. Hanggang sa umandar na ang kalesa, nanatili pa rin ang mga mata ni Lucas sa hacienda Fonseca.

Samantala, maingat ang ginawang mga yabag ni Isabella nang maglakad siya papasok sa hacienda. Tila tinik ang tinatapakan niya sa bawat hakbang niya dahil batid niyang parusa na naman ang sasalubong sa kaniya. Ang ikinatatakot niyang lalo ay baka makita ng kung sino man sa kaniyang mga magulang ang kaniyang ayos ngayon. Paniguradong ikukulong na naman siya ng mga ito sa kaniyang silid.

Dali-dali siyang nagtago sa isang matangkad na halaman na malapit sa bintana ng kaniyang silid nang may naramdamang presensiya mula labas ng mansyon. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang si Juana lamang ito na nababahala ang tingin.

Dahan-dahang naglakad si Isabella patungo sa likuran ni Juana dahil balak niyang humingi ng tulong mula rito. Hinawakan niya ito sa balikat mula sa likuran. Nagulantang naman si Juana at sisigaw na sana ito sa takot ngunit natakpan agad ni Isabella ang kaniyang bibig.

"Makinig ka sa akin, Juana."

Nakahinga naman nang maluwag si Juana nang marinig ang pamilyar na boses ng kaniyang señorita. Lumingon siya at tiningnan ang dalaga ng nababahalang tingin.

"Señorita!" mahinang sambit nito at hinawakan ang mga braso ng dalaga. "Kanina pa nagsisigaw sa loob si Donya Jacinta at hinahanap ka. Kausap niya ngayon si señorita Amaia sa sala na pilit siyang pinapahinahon. Mabuti na lamang at hindi pa dumarating si Don Paciano dahil abala ito."

Napapikit naman si Isabella at bumuntong hininga. Ito na nga ba ang sinasabi niya. Paniguradong madadamay rin si Juana dahil sa mga pinaggagawa niya.

Tiningnan niya nang diretso si Juana. "Makinig ka sa akin. Buksan mo ang bintanang iyan sa aking kuwarto, at kunin mo ang lubid na inihanda ko sa ibabaw ng tukador. Ibaba mo ito at aakyat ako gamit ang lubid." Tinuro niya ang bintanang nakasara. Ito ang unang beses na may katulong siya sa pag-akyat mula sa baba patungo sa bintana ng kaniyang silid sa ikalawang palapag.

Sanay naman na siyang gawin ito mag-isa ngunit sa ngayon na talagang nanghina ang kaniyang kalooban at katawan dahil sa muntik nang mangyari sa kaniya kanina sa pamilihan ay sa tingin niya, babagsak siya sa panghihina kung walang kaagapay na taong tutulong sa kaniyang iangat ang sarili.

Tumango si Juana. Wala itong sinayang na oras at agad na pumasok sa loob ng mansyon. Pasimple lamang siyang dumaan at dahan-dahan sapagkat alam niyang kung makita man siya ni Donya Jacinta, tiyak na ibubuhos din sa kaniya ang galit nito. Nakita niya sa sala ang pilit na pagpapahinahon ni Amaia sa ina.

"Hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin diyan sa kapatid mo, Amaia! Palagi na lamang niyang pinapasakit ang aking ulo!" Umalingawngaw ang boses ni Donya sa lahat ng sulok ng mansyon. Napapayuko na lamang ang mga tagapagsilbi sa takot na madamay sa galit nito.

Unfinished Tale (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon