Kabanata 9

39 2 0
                                    

UNFINISHED TALE
Ikatlong Kabanata

Filipinas 1820

Nakatanaw pa lamang si Isabella sa malawak nilang hacienda sa labas ay nasasabik na siyang puntahan muli ang payapang tahanang pinagawa niya sa malaking puno ng narra na medyo malayo sa mansyon ngunit nasa loob pa rin ng hacienda. Napakagat siya sa pang-ibabang labi nang hawakan nang mahigpit ang kaniyang kuwaderno.

Mahangin naman sa kaniyang silid ngunit nais niya ng mas payapang lugar upang makapagsulat dahil naririnig niya sa labas, mula sa kusina ang boses ng kaniyang ina na pinapagalitan ang isang kasambahay. Mukhang mainit na naman ang ulo ni Donya Jacinta kaya't kung magpapaalam siya rito, tiyak na hindi siya papayagang lumabas dahil wala siyang tiwala rito.

Matunog na lang na napabuntong hininga si Isabella at napapadyak sa paa. Tinapunan niya ng tingin ang baro na hindi niya pa natapos burdahin. Ang pagbuburda ng baro't saya gamit ang nabiling mamahaling tela ang nagsisilbing takdang aralin niya ngayong araw, at kung hindi niya ito matatapos ay paparusahan na naman siya. Pinag-isipan niya ito habang nakatanaw sa nagsasayawang mga bugambilya sa malawak na hardin sa labas. Hindi na niya nais pang masugatan muli ang ang kaniyang mga tuhod dahil ang dami na niyang peklat dito.

'Wala na ba talagang ibang parusa bukod sa pagpapaluhod sa asin?' kunot-noo niyang sambit sa isipan. Napapikit siya. Baka kung isatinig niya ito sa kaniyang ina ay tiyak na bibigyan siya ng parusang mas malala pa rito. Ngunit bakit naman siya matatakot sa mas malala pang parusa kung sa kamatayan nga'y hindi siya takot?

Bumuntong hininga na lamang siya nang malalim at labag sa loob na itinuloy na lang ang pagbuburda sa baro'ng hindi natapos tahiin. Bawat galit niya sa mundo ay ibinuhos niya sa kaawa-awang tela sa tuwing tinutusok ito. Nagkasugat na nga rin siya sa mga daliri dahil wala siyang pakialam sa kaniyang ginagawang pagbuburda dahil wala rito ang isip niya. Naglalakbay ito sa panibagong paksa ng tula na nais niya na sanang isulat ngayon din.

Napadaing siya nang bago niya lang naramdaman ang sakit dulot ng pagtusok ng sinulid sa kaniyang daliri. Doon niya lang din nakita ang bahid ng dugo sa baro'ng tinatahi mula sa kaniyang daliri.

Napapikit siya sa irita dahil sa kaniyang katangahan. Ginamot niya ang sariling sugat at pinunasan niya nang marahan ang dugong nakadikit na sa baro. Pinagpatuloy niya rin ang ginagawa na tila walang nangyari. Ganoon naman talaga palagi sapagkat sanay na sanay na siyang umaktong parang walang nangyari matapos masugatan.

Matapos niyang tahiin ang baro ay sunod niyang tinahi ang natitirang tela upang maiporma bilang isang saya. Hindi niya na lang muna iniisip ang pagsusulat sapagkat may gabi pa naman upang gawin iyon.

"Senorita?" Kumatok ang tagapagsilbi niyang si Juana dala-dala ang ginawa niyang meryenda para dito.

Dahil sa katok ni Isabella, napatingin siya bigla sa orasan na nasa kaniyang silid. Hindi niya namalayang alas tres na pala ng hapon kung kaya't oras na ng siyesta. Malapit na rin niyang matapos ang tinatahing saya. Natitiyak na niyang nagdala na si Juana ng meryenda para sa kaniya.

Tumayo siya at pinagbuksan ng pinto si Juana. May dala itong meryenda para sa kaniya na agad nitong nilagay sa pabilog na mesa ng dalaga kung saan may plorera na ang laman ay bugambilya.

"Gracias," mahinang tugon nito at pinagpatuloy ang ginagawang pagtahi, hindi man lang tinapunan ng tingin ang tagasilbi at ang meryendang dala nito para sa kaniya.

Nag-angat siya ng tingin nang marinig ang tikhim ni Juana. Nakita niyang nakanguso ito kung kaya't kumunot ang kaniyang noo. Tila nagtatampo ito sa kaniya.

"Porque?" tanong nito sa wikang espanyol. Sa dalawang taong pananatili ni Juana sa mansyon ng mga Fonseca bilang tagasilbi ni Isabella, may alam na siyang mga salitang espanyol dahil minsan ay tinuturuan siya ni Isabella kapag ito ay kinukulong sa kaniyang silid ng kaniyang mga magulang.

Unfinished Tale (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon