UNFINISHED TALE
Ika-sampung KabanataFilipinas 1820
Sabay-sabay na bumaba mula sa karwahe ang pamilya Fonseca nang huminto na ito sa hacienda Delgado. Nakakapit si Donya Jacinta sa bisig ng asawa at parehong ngumingiti nang magbulungan sa isa't-isa habang nakatingin sa bulwagan ng mansyon. Hindi naman mapigilan ni Isabella na maramdaman ang masuka dahil umaakto silang maayos at puno ng pagmamahal kahit noong isang gabi ay halos durugin ni Don Paciano ang asawa sa galit.
Bumuntong hininga na lamang si Isabella nang nagpahuling bumaba sa karwahe. Hindi pa rin maayos ang kaniyang pakiramdam. Mabigat pa rin ang kaniyang kalooban, iyon din ay dahil may dulot ding panghihina sa kaniya ang pagguhit ng linya sa kaniyang pulso. Sumasakit nang literal ang kaniyang dibdib. Napapikit siya nang maalala ang nangyari kagabi. Nais niyang ibaon sa limot ang lahat at umaktong tila walang nangyari.
Madali lang naman kalimutan ang muling pagsugat ng kaniyang mga magulang sa kaniyang damdamin sapagkat sanay na siya mula noong bata pa lamang siya ngunit... ang tagpo nilang dalawa ni Lucas kagabi ay tila gabi-gabi siyang hindi patutulugin.
"Ayos ka lamang ba, Isabella?" Hinawakan ni Amaia ang braso ni Isabella at nag-aalala itong tiningnan dahil napansin niya mula kanina pagbangon nito sa umaga na putlang-putla ito.
Tumango lamang si Isabella. Hindi naging kumbinsido si Amaia at hinawakan pa ang noo nito. Hindi naman mainit ngunit nakikita niya ang pagiging matamlay nito.
"Maaari naman nating sabihan sila ama at ina na huwag ka nang tumuloy kung hindi mo kaya."
Mariin na umiling lamang si Isabella. Batid niyang wala namang pakialam sa kaniya ang mga magulang niya kung kaya't sigurado na siyang hindi siya papayagan. Ang totoo ay wala rin talaga siyang balak sumama sa salo-salo para sa kaarawan ni Donya Laura dahil batid niyang naroon ang anak nitong si Lucas. Hindi siya handang muling makita ang binata dahil sa mga nakakahiyang nangyari kagabi. Kung maaari niya lamang balikan ang oras ay gagawin niya at hindi niya hahayaang mangyari iyon.
"Ate, anong nangyari sa iyo?" Naunang maglakad si Lucio ngunit bumalik siya sa likuran nang mapansin ang pagiging matamlay ni Isabella. Napansin din niyang hindi ito malamig kung tumingin gaya ng nakasanayan kung kaya't nahahalata niyang hindi maayos ang pakiramdam nito.
"Ayos lamang ako, Lucio. Huwag niyo na akong alalahanin dahil kaya ko naman," pahayag ni Isabella at kahit matamlay at mahina ang boses nito ay makikitaan pa rin na tinutuldukan na niya ang kanilang pag-uusap tungkol sa kaniyang kalagayan.
Wala namang nagawa sina Amaia at Lucio at magtinginan na lamang dahil batid nilang hindi maayos ang kalagayan ni Isabella ngahon. Hindi na lamang sila nagsalita at pinagitnaan na lamang si Isabella nang maglakad na sila papasok sa mansyon ng mga Delgado.
Alas sais ng gabi ginanap ang selebrasyon para sa kaarawan ni Donya Laura dahil ito ang nais na oras ng Donya para sa kaniyang selebrasyon. Napuno ng nakakakaindak na musika ang buong mansyon na nagmumula sa mga orchestra. Marami ding palamuti ang bawat dingding ng mansyon. Sa pinakagitna ng kisame ay naroon ang pinakamalaking aranya ng mansyon, at may mga lamparang nakasabit din sa dingding ang nagbibigay liwanag sa buong mansyon.
Naghari din ang halakhakan mula sa mga mayayamang panauhin na kasalukuyang nag-u-usap-usap at nakaupo sa malaking salas ng mansyon na maraming upuan. Ilang saglit pa'y nagpunta na ang mga ito sa malaking bulwagan ng mansyon kung saan nakahanda ang dalawang lamesang mahahaba na tinakipan ng mamahaling puting tela na may disenyo ring kulay ginto.
Ang pamilya Fonseca ay papasok pa lamang sa mansyon kung saan agad na nilang nakita sa bulwagan ang nagsiupo nang mga panauhin. May kasabayan din silang mga panauhin na kararating pa lamang kaya hindi napansin ng pamilya Fonseca ang pag-iba ni Isabella ng landas dahil natuon ang atensyon nito sa isang malaking aklatan sa gilid ng mansyon. Namangha rin siya sa maraming obra na nakasabit sa dingding. Pupunta na sana siya roon ngunit napatingin siya sa harap kung saan hagdan pala nang may marinig na mga yabag.
BINABASA MO ANG
Unfinished Tale (✔️)
Historical FictionWhenever Cleotha falls into deep slumber, strange and vague dreams haunt her. Vague faces of people. Vivid old places. Familiar heartbeats. Familiar euphoria. Familiar heartaches. And the familiar love that she shares with the man in her dreams. She...