Tw: Violence, Miscarriage, Suicide
UNFINISHED TALE
Ika-Dalawampu't Tatlong KabanataFilipinas 1820
Umagang-umaga kinabukasan, basag na vase na nagdulot ng hindi mabilang na bubog, nalalantang bugambilya, at nagkalat na mga damit at kagamitan ang makikita sa sahig ng silid ni Isabella. Sa kama, gising na si Isabella na tulalang nakalapat ang walang buhay na mga mata sa kisame. May puting kumot na nakatakip sa hubo't hubad niyang katawan. Wala na siyang kasama sa silid dahil kanina pa lumabas si Leandro.
Ilang saglit pa'y mga hagulgol niya ang naririnig sa apat na sulok ng silid nang maalala niya ang panghahalay ng asawa sa kaniya. Ang mga rebelasyong nalaman kagabi bago siya nito pinagsamantalahan. Ang paglabas ng tunay na kulay nito. Lahat ay kasalukuyan niyang pinagluluksaan.
Nakatulala pa rin siya sa kisame habang patuloy sa pagluha. Naliligo siya ngayon ng pawis na sumasabay ang pagtulo sa kaniyang mga luhang hindi na matigil. Niyakap niya ang kaniyang sarili dahil pakiramdam niya... marumi na siya. Mas lalo niyang tinakip sa kaniyang katawan ang kumot dahil sa panlulumo. Dahan-dahan ay bumangon siya.
Napadaing siya nang maramdaman ang hindi maipaliwanag na sakit sa gitna ng mga hita. Tila binugbog din ang kaniyang katawan sa labis na sakit, kung kaya't naalala niya ang pananampal at panununtok ng asawa kagabi dahil sa sapilitang panghahalay nito. Hindi niya rin maiwasang manginig nang maalala ang sinabi nito matapos nitong samantalahin ang kaniyang kahinaan...
"Nais ko lamang din na mailigtas ka mula sa kahihiyan at usap-usapan sa kadahilanang hanggang ngayon ay wala pa ring senyales na tayo'y magkakaroon ng supling, kung kaya't para din sa iyo ito, mahal kong asawa. Batid mo kung paano hinuhusgahan ng mga tao rito ang mga babaeng kasal ngunit hindi pa nagdadalang-tao. Kalimutan mo na ang aking kapatid sapagkat asawa na kita at pagmamay-ari na kita. Hindi ka na makakatakas pa mula sa akin mula noong inilagay mo ang iyong palad sa aking kamay sa harap ng altar."
Bumangon siya't tumayo. Animo'y tinusok nang ilang beses ang kaniyang puso nang makita ang maraming dugong bumakas sa puting kama na batid niyang galing sa kaniya... ang senyales na nakuha na ni Leandro ang kaniyang pagka-birhen.
Walang tigil sa pagbuhos ang kaniyang mga luha nang pilitin ang sariling maglakad upang makapag-ayos at upang hindi mahuli ng kahit na sino ang kaniyang nakakahabag na sitwasyon. Hindi niya na hinihiling pa na may nakaalam sa nangyari sa kaniya dahil para saan pa? Huli na ang lahat. Kagabi siya nangangailangan ng tulong ngunit walang nakarinig.
Wala nang saysay pa kung may makaalam man o kung magsumbong siya sa nakakataas dahil posibleng sasabihin lamang nila na normal sa mag-asawa na may mangyari upang magka-anak. At isa pa, makapangyarihan si Leandro. Hindi lamang ito isang magaling na abogado dahil may nasimulan na rin itong negosyo na nakatulong karamihan sa mga manggagawa sa San Fernando kaya madaling lumago.
Wala na rin siyang ibang matakbuhan pa na pamilya. Ang mga magulang niya'y walang pakialam sa kaniya. Marahil nga ay sang-ayon pa ito sa ginawa ni Leandro sa kaniya kagabi dahil ididiin ng mga ito na sila'y mag-asawa at normal lamang na may mangyari sa kanilang dalawa. Mag-isa lamang siya. Mula pagkabata ay mag-isa lamang siya kung kaya't hindi na siya magtataka pa kung walang palad ang mag-aalok na siyang tulungang makamit ang hustisya.
Iniwan na siya ng mga kapatid, samantalang ang mga magulang ay nariyan ngunit wala namang mga puso pagdating sa kaniya. Mismong sa sariling pamilya ay wala siyang kakampi, kung kaya't hindi na siya magtataka pa kung wala ring kusang maglalahad ng kanilang palad upang siya'y tulungan.
Napaluhod na lamang si Isabella habang nakasandal sa kama dahil mas lalo siyang napahagulhol. Nanginginig ang kaniyang mga kamay nang kinuha ang pulseras sa sahig na inalis ni Leandro kagabi sa kaniyang kamay. Mas lalo siyang nadurog habang niyayakap ito sa kaniyang dibdib nang maalala ang lalaking sinisinta. Halos mahalikan niya na ang sahig dahil sa labis na paghagulgol nang malinaw na nanumbalik ang lahat nang nangyari kagabi na naging dahilan upang siya'y muling pumanaw.
BINABASA MO ANG
Unfinished Tale (✔️)
Historical FictionWhenever Cleotha falls into deep slumber, strange and vague dreams haunt her. Vague faces of people. Vivid old places. Familiar heartbeats. Familiar euphoria. Familiar heartaches. And the familiar love that she shares with the man in her dreams. She...