Orihinal na Wakas ng Ika-Dalawampu't Tatlong Kabanata
"Ate Liliana, papabagsak na po ang ulan. Sigurado po kayong hihintayin pa ninyo si Señorita?" tanong ni Juana kay Liliana na nakatulala lamang sa tarangkahang nakasara na matapos lumakad paalis si Isabella.
Bumagsak ang mga luha ni Liliana nang lumingon kay Juana. "Juana... maaari mo bang sabihin kung anong nangyari kay Isabella? Tila... w-wala na siya sa sarili. Bagama't nakilala niya ako, pakiramdam ko... hindi na siya iyong dati."
Napaiwas naman ng tingin si Juana at nanikip ang dibdib nang maisip lahat ng masasakit na naranasan ni Isabella, maging ang mapapait na katotohanang kaniya ring nalaman tungkol kay Leandro mula nang tutukan siya nito ng baril. Nais nitong sabihin ang lahat kay Liliana upang dahan-dahan ay magkaroon ng hustisya si Isabella, ngunit naduduwag siya dahil sa takot na baka siya'y ipapatay ni Leandro pati na ang buong pamilya niya.
"H-Hindi ko na rin po batid... Isang umaga nadatnan ko na lamang po siyang wala na sa dating sarili... tila nakalimot na." Hindi napigilan ni Juana ang mga luha.
Napatakip si Liliana sa bibig upang pigilan ang paghikbi.
"Ang sabi po ni Señorita, bukas na lamang po kayo mag-usap. Marahil kailangan niya rin munang bigyan ng kapayapaan ang sarili nang mag-isa sa paboritong ilog niya. Bukas na lamang po sa eksaktong kaarawan niya," ani Juana saka ngumiti nang kaunti.
Sa huli ay tumango si Liliana at nagpunas ng luha. Ngumiti itong pilit kay Juana. "M-Marahil ay bukas na nga lang talaga... Salamat, Juana. Papabadya na ang ulan, mas mabuti kung sunduin mo na siya ngayon."
Tumango si Juana. "Opo, susunduin ko na siya ngayon. Mag-ingat po kayo sa pag-uwi... Pumunta po kayo ulit dito bukas sapagkat maghahanda kami para sa kaarawan ni Señorita."
Nakangiting tumango si Liliana saka mabigat sa loob na tumalikod. Sa huling beses ay lumingon siya upang suriin ang mansyon, pagkatapos ay nailipat din ang mga mata sa kalangitan na dumidilim at papaiyak. Hindi niya batid kung bakit siya kinakabahan dahil ang hitsura ng kalangitan ngayon ay tila may binibigay na senyales. Sa huli ay pinilit niyang pawiin ang kakaibang naramdaman saka nagpatuloy na sa paglalakad.
Nang makitang nakaalis na si Liliana, naglakad na si Juana patungo sa mansyon upang kumuha sana ng payong ngunit napatigil siya sa paglalakad nang makita ang isang basurahan na puno na at hindi pa natatapon. Nagdesisyon siyang itapon muna ito. Kinuha niya ito ngunit habang naglalakad ay hindi sinasadyang nabitawan niya ito kaya napahawak siya sa sentido dahil nagmamadali na siya.
Wala siyang nagawa kundi ang ibalik ang mga natapon. Habang nagbabalik ng mga basurang natapon, napatigil siya nang mahawakan ang pamilyar na papel. Napalunok siya nang maalalang ito ang papel na sapilitang ipinatapon sa kaniya ni Leandro nang tutukan siya nito ng baril. Ang liham na may pangalan ni Matias.
Napatingin siya sa paligid. Nakita niyang walang tao at naalala niya ring nasa Maynila pa rin ngayon si Leandro kaya naisip niyang hindi manganganib ang kaniyang buhay kapag binasa niya ngayon ang nakapaloob sa liham.
Isabella,
Kailangan mong malaman ang lahat ng ito kapag hindi mo pa man nababasa ang liham ni Solana. Marahil ay una pa man, iniisip mong ako ang kontrabida sa inyong kuwento ni Lucas ngunit isang pagkakamali ang iyong iniisip sapagkat ang hindi inaasahang tao ang utak ng lahat ng ito. Bago pa man mangyari lahat ng ito ay napagdesisyunan ko nang tanggapin ang lahat. Iyo bang natatandaan ang panahon kung kailan mula kayo sa ilog Pahimakas ni Lucas at humarang ako sa inyo nang papalabas na? Wala akong intensiyon sa araw na iyon na guluhin kayo sapagkat ang aking sadya ay sabihin sa inyo ang lahat sa kabila ng kaniyang mga pagbabanta.
BINABASA MO ANG
Unfinished Tale (✔️)
Historical FictionWhenever Cleotha falls into deep slumber, strange and vague dreams haunt her. Vague faces of people. Vivid old places. Familiar heartbeats. Familiar euphoria. Familiar heartaches. And the familiar love that she shares with the man in her dreams. She...