UNFINISHED TALE
Ika-Labing Siyam na KabanataFilipinas 1820
Tumingala si Isabella sa pangalawang palapag ng Casa de Suarez kung saan naroon nakasilip si Lucas sa maliit na uwang ng bintana. Binigyan ng dalaga ng malungkot na ngiti ang katipan dahil sa bukang-liwayway mismo nararapat makauwi si Isabella sa hacienda Fonseca. Napakagat ng labi si Lucas dahil papabadya na naman ang kaniyang mga luha. Nais niyang yakapin muli ang dalaga nang mahigpit at huwag nang pakawalan pa ngunit wala silang magagawa kapag oras na ang kalaban.
"Tayo'y humayo na, Isabella," mahinang sabi ni Amaia at hinila na ang kamay nito. Maaga itong nagpunta sa Casa upang sunduin ang kapatid dahil wala pang masiyadong tao na maaaring makapansin sa kanila.
Sa huling pagkakataon bago lumakad ay nagtama ang mga mata nila Lucas at Isabella, ngiting pamamaalam. Hindi naman mapigilan ni Amaia ang malungkot din para sa kapatid dahil naiintindihan niya ang nararamdaman nito.
Mahigpit ang hawak ni Isabella sa tampipi na dinala ni Amaia para sa kaniya nang makasakay na sila ng kalesa. Tulala lamang ang mga mata nito sa kumikinang na pulseras sa kaniyang pulso. Kumunot nang kaunti ang noo ni Amaia nang mapansin ang pulseras. Pamilyar sa kaniya ito kaya wala sa sariling kinuha niya ang kamay ni Isabella at pinagmasdan ito. Umawang ang kaniyang labi nang maalalang nakita niya ito sa pamilihan. Balak niya sanang bilhin ito noon ngunit hindi hindi natuloy dahil sa sinabi ng matandang tindera tungkol dito na hindi niya pinaniniwalaan.
"Si Ginoong Lucas ba ang nagbigay sa iyo nito?" Mababakasan ang ka-seryosohan sa boses ni Amaia kaya agad nagising ang diwa ni Isabella mula sa pagkatulala.
Walang kibong tumango lamang si Isabella.
"Nababatid n'yo ba ang kahulugan ng pagbibigay ng isang lalaki sa pulseras nito sa kaniyang katipan? Kayo ba ay sinabihan ng tindera?"
Napatingin na ngayon si Isabella sa kapatid dahil sa tono ng boses nito na tila nangangamba.
"Sinabi sa amin ng tindera."
"Bakit binili pa rin iyan ng iyong nobyo at bakit mo tinanggap? Batid mong salungat sa ating paniniwala ang tila paniniwala ng lola ng tinderang iyon, Isabella. Isang beses lamang tayong nabuhuhay rito sa mundong ibabaw."
Nag-iwas ng tingin si Isabella at tumingin sa labas ng kalesa kung saan nakikita niya na ang pagdagsa ng mga taong umaga pa lang ay abala na.
"Paano kung totoo ang sinabi ng kaniyang lola, Ate? Paano kung posible pala talaga ang pagkabuhay muli sa ibang panahon lalo na kung ang naging wakas mo sa panahong ito ay isang trahedya? Batid kong may kinagisnan tayong paniniwala mula pagkabata ngunit hindi ko naman maiwasang magtanong kung ano nga ba'ng nangyayari sa isang tao matapos nitong pumanaw? Napupunta ba talaga sila sa langit, purgatoryo, o sa impyerno? O nabibigyan muli sila ng pagkakataong mabuhay muli sa ibang katauhan at ibang panahon?"
Napasinghap si Amaia. "Dios mío, Isabella! Huwag mo sanang iparinig iyan kina ama at ina kundi ay malalagot ka."
Hindi na lamang nagsalita pa si Isabella dahil batid niyang sumasalungat sa kaniyang pananaw ang kapatid. Nang makarating ay walang gana siyang naglakad patungo sa mansyong dalawang linggo niyang nilayasan. At sa dalawang linggong iyon ay nakahanap siya ng tahanan. Sa dalawang linggong iyon, naramdaman niya ang pag-ibig at pagmamahal na hindi niya kailanman naramdaman sa tahanang ito na tinatawag lamang na tahanan ngunit hindi maramdaman. Sa dalawang linggong iyon, natuto siyang ngumiti at tumawa nang totoo dahil iyon ang unang beses na siyang naging masaya. Sa dalawang linggong iyon, nawalan ng kakayahan ang puso niyang makaramdam ng poot.
BINABASA MO ANG
Unfinished Tale (✔️)
Historical FictionWhenever Cleotha falls into deep slumber, strange and vague dreams haunt her. Vague faces of people. Vivid old places. Familiar heartbeats. Familiar euphoria. Familiar heartaches. And the familiar love that she shares with the man in her dreams. She...