UNFINISHED TALE
Ikaapat na KabanataFilipinas 1820
Matalim na tingin ang iginawad ni Isabella sa ngumingisi pa ring si Lucas. Hindi niya batid kung bakit pinagtagpo ulit sila gayong alam naman marahil ng tadhana na kumukulo ang dugo niya rito. Pasimple siyang humawak sa kaniyang saya sapagkat gumagapang sa kaniyang loob ang labis na irita. Samantala, si Lucas ay tuwang-tuwa na makita ang nakabalot na irita sa mukha nito. Sa kabila kasi ng katalasan ng tinging iginagawad nito ay nagmumukha pa rin itong anghel.
"Nagagalak akong makita kang muli, Binibining... Isabella." Nakangiting inalis ni Lucas ang kaniyang sumbrero mula sa ulo at itinapat ito sa kaniyang dibdib bilang pagbati sa dalagang nagbabaga pa rin ang inis.
"Ako hindi," tipid nitong sambit at agad nang tumalikod dahil baka kung ano pa ang masabi niya. Nababahala siyang isumbong siya nito sa kaniyang mga magulang sapagkat malapit na magkaibigan ang kanilang mga pamilya kaya hindi niya na lamang ito papatulan na mukhang gagawa na naman ng kalokohan.
"Binibini!" tawag ni Lucas dito at sinimulan itong habulin habang hindi pa rin natatanggal ang ngiti nito sa labi. Hindi niya maintindihan ang magkahalong emosyon na namumukadkad sa kaniyang puso ngayon. Mukhang binigyan siya ng senyales ng langit na habulin ang dalaga.
Kahit anong gawing pagmamadali ni Isabella ay naabutan pa rin siya ng binata dahil sa matulin ito kung maglakad kompara sa kaniya na mas maliit ang mga binti. Napapikit na lamang siya sa sobrang inis. Nais niyang sumigaw ngayon sa galit dahil plano niyang manatili lamang dito sa pamilihan sa maikling oras at babalik agad sa mansyon dahil baka mahuli na naman siya ng kaniyang mga magulang na tumatakas.
Napapagod na tumigil na lamang si Isabella sa pagmamadaling lakad nang maabutan na siya ni Lucas at mapantayan kung saan siya nakatayo ngayon. Inis na lamang siyang napabuntong hininga at tiningala ang matangkad na binata. Hanggang leeg lamang siya ni Lucas kung kaya't kinakailangan niya pang tumingala. Kahit ang kaibahan ng kanilang kataasan ay nagbibigay rin ng inis sa kaniya.
Normal naman na mas matangkad talaga ang mga kalalakihan sa mga kababaihan ngunit para kay Isabella, indikasyon din iyon ng hindi pagkakapantay-pantay ng estado ng dalawang kasarian. Na mas matangkad ang mga lalaki kung kaya't madali nilang nasusungkit ang mga nais, hindi kagaya ng mga babae na walang magagawa kundi ang manibugho habang nakatanaw kung paano sungkitin ng mga lalaki ang kanilang mga pangarap.
"Layuan mo ako," mariing sambit ni Isabella habang diretso at walang kurap na nakatitig sa mga mata ni Lucas. Sa paraang ito, umaasa siyang makikinig ito.
Hindi naman malaman ni Lucas kung mag-iiwas ba siya ng tingin o mananatiling nakatitig sa dalaga dahil nagsimula na namang umahon ang ilang sa kaniya. Hindi niya maiwasang masilaw sa kagandahan nito. Hindi kaaya-aya ang ginawa ni Isabella bilang isang binibini ngunit may parte sa kaniyang gustong manatili na lamang ang mga mata ng dalaga sa kaniya.
"Ano ang iyong sinasabi? Hindi kita marinig, Binibini." Kunwaring kinukunot ni Lucas ang kaniyang noo upang magpanggap na wala siyang naririnig. Kung pag-uusapan ang metapora, wala nga siyang naririnig bukod sa malakas na kalabog ng kaniyang puso.
Inirapan siya ni Isabella nang hindi na ito makatiis sa kalokohang pinaggagawa ng binata. Umabante na lamang ito at nagpatuloy sa paglalakad, nagpapanggap din na wala siyang nakikitang binata na sumusunod sa kaniya na tila isang buntot na hindi mapakali. Sa isip niya, nagpanggap nga itong walang naririnig na salita mula sa kaniya kung kaya't gagayahin niya na lang din upang patas ang labang hindi naman sana nangyari.
Natatawa namang nakasunod lamang si Lucas kay Isabella na parang isang munting bulkan na sasabog at lilikha ng munting apoy. Nahahalata niyang tuluyan na siya nitong hindi pinapansin kaya sumimangot siya. Nais niyang pansinin pa siya nito kaya't may naisip na naman siyang kalokohan. Pagdating talaga sa kalokohan, siya ay matalino.
BINABASA MO ANG
Unfinished Tale (✔️)
Historical FictionWhenever Cleotha falls into deep slumber, strange and vague dreams haunt her. Vague faces of people. Vivid old places. Familiar heartbeats. Familiar euphoria. Familiar heartaches. And the familiar love that she shares with the man in her dreams. She...