Kabanata 33

48 1 0
                                    

UNFINISHED TALE
Ika-Labing Pitong Kabanata

Filipinas 1820

"Ina, lalabas po sana muna ako. Hahanapin ko lamang si... Isabella," mahinang sambit ni Amaia kay Donya Jacinta na tulalang nakatingin ngayon sa labas ng bintana ng silid nila ng asawa. Bukas ang pintuan kaya malayang nakapasok si Amaia upang magpaalam.

Hindi nagsalita si Donya Jacinta. Naglalakbay ang isip nito sa kung saan habang nakatulala pa rin sa labas. Mababakasan din ng natuyong luha ang mga mata nito dulot ng nangyari kagabi. Kagabi nang habulin nila ni Don Paciano si Lucio sa loob ng mansyon ay bumagsak lamang ang kanilang mga balikat nang makapasok na ito sa silid nito at binagsakan sila ng pintuan. Naging dahilan iyon upang magwala si Don Paciano sa kanilang silid, tinapon nito ang iilang gamit at sinigawan pa ang asawa upang pagbuntuan ng galit dahil wala na roon si Isabella.

Ngayon ay naglalasing ang Don sa opisina at ginawang umagahan ang alak. Hindi pa rin kumakain ng umagahan si Donya Jacinta, maging si Lucio na patuloy na nagkukulong sa silid nito. Si Amaia lamang mag-isa ang kumain na inanyayahan ang mga kasambahay na sabayan siya dahil malungkot ang mag-isa. Ngunit magalang itong tinanggihan ng mga kasambahay.

"Ina, kumain na po kayo..." Marahang hinawakan ni Amaia ang mga balikat ng ina mula sa likuran. Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata dahil ang kaniyang buong pamilya maliban sa kaniya ay wala sa kanilang mga sarili. Ngayon ay inaalala niya pa kung saan pa naparoon si Isabella.

Huminga nang malalim si Donya Jacinta at doon lumingon sa anak nang maramdaman niya ito. "Mag-ingat ka."

Napakurap si Amaia sa gulat. "Papayagan niyo po ako?"

Wala sa sariling tumango si Donya Jacinta. Nanghihina siya at naglalaho ang kaniyang poot sa dibdib dahil kapighatian lamang ang namamayani. Bukod sa kalungkutan dahil alam na ni Lucio ang totoo, nahahabag din ang kaniyang puso dahil sa pagbubuntong muli ng galit ng asawa sa kaniya kagabi kahit wala naman siyang kasalanan. Nagbabalik ang lahat ng sakit sa kaniyang dibdib na ilang taon niya nang kinikimkim.

"Kung matunton mo si Isabella ngayong araw, iyong sabihin sa kaniya na kung hindi niya pa nais umuwi rito, huwag siyang lumabas-labas at magpahalata sa mga tao dahil palalabasin namin ng inyong ama na siya ay nagbakasyon sa tahanan ng inyong lolo't lola sa Tayabas. Wari ko'y magtataka ang mga tao kung bakit hindi na nila nakikita pa si Isabella rito," walang ganang turan ni Donya Jacinta habang nakatulala na ngayon sa labas. Walang kabuhay-buhay ang kaniyang mga mata. Namamanhid na siya, halos wala nang nararamdaman kaya hindi niya nahanap ang galit na nararamdaman para sa pangalawang anak.

Mas lalong nagulat si Amaia sa sinabi nito. Akala niya'y magagalit ito, hindi siya papayagan, at tuluyan nang itatakwil at palalayasin si Isabella ngunit ibang-iba ang kaniyang narinig.

"S-Sige po, ina. Aalis na po ako," nakayukong sabi ni Amaia at tumalikod na. Lumabas na siya mula sa silid at huminga nang malalim. Marahil ay malaki talaga ang epekto ng pagbunyag ni Isabella sa katotohanan kagabi.

Malapit na sa hagdan si Amaia nang makita si Lucio na kakalabas lamang mula sa silid nito at magulo pa ang buhok. Unang beses niyang nakita ang kapatid na walang kabuhay-buhay ang dating. Nang mapatingin si Lucio sa kaniya ay wala ring buhay ang mga mata nito, tila nakikita niya ang lalaking bersiyon ni Isabella. Kamukhang-kamukha kasi talaga ito sa kanilang ama. Kamukhang-kamukha rin ni Isabella si Don Paciano maliban sa mata nito ngunit malaki pa rin ang kanilang pagkakahawig ni Lucio.

"Lucio..." mahinang sambit ni Amaia saka ngumiti siya nang maliit dito. "Kumain ka na sa baba. Natitiyak kong gutom ka na."

Nag-iwas naman ng tingin si Lucio at hindi nagsalita. Nakatayo lamang siya roon habang nakatulala sa baba. Naglakad papalapit si Amaia sa kaniya. Nangingilid na naman ang luha sa mga mata nito dahil ang kapatid nilang kilala niyang palaging nakangiti at minsan ay pilyo ay napuno na ng kapighatian ngayon.

Unfinished Tale (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon