Kabanata 38

55 1 0
                                    

UNFINISHED TALE
Ika-Dalawampung Kabanata

Filipinas 1820

Umalingawngaw sa buong selda ang paghampas ng palad ni Isabella sa kaniyang paa upang mapatay ang mga lamok na nagtutulungang sumipsip sa kaniyang dugo. Hindi niya namalayang naitaas niya na pala ang dulo ng kaniyang saya dahilan upang magkaroon ng pagkakataon ang mga lamok. Halos namamanhid na ang buo niyang katawan ngunit naramdaman niya pa rin ang talas ng pangil ng mga lamok.

Puno ng kapighatian ang kaniyang mga mata nang ibaba ang dulo ng saya at sumandal sa malamig na sandalan ng selda. Nakatingin ito ngayon sa ibabaw ng selda na puno ng alikabok. Napakalamig sa loob na tila binabalutan siya ng yelo.

Mahina na naman siyang napahikbi habang nakahawak sa kaniyang dibdib nang maalala ang dahilan kung bakit siya nadakip. Dalawang araw na ang nakararaan nang ikinulong siya sa Fort Santiago ng Maynila  dahil sa Maynila gaganapin ang paglilitis sa mababang hukuman. Dalawang araw na rin na halos hindi siya kumakain sa mga pagkaing binibigay ng mga guardia sibil sa selda kung saan siya nakakulong dahil tanging tubig lamang ang kaniyang ginagalaw.

Sumisikip ang kaniyang dibdib dahil dalawang araw na rin na siya ay mag-isa. Hindi pa siya binibisita ng kaniyang mga magulang at ni Amaia. Nang maalala niyang hindi makadadalaw si Lucio dahil tumungo ito sa Europa nang walang paalam sa kaniya, mas lalong sumikip ang kaniyang dibdib.

At si Lucas... hindi rin ito dumalaw. Iyon ang labis na nagpapadurog sa kaniyang puso dahil akala niya'y hindi pa man lumulubog ang araw sa araw na dinakip siya ay sumunod na agad ito papuntang Maynila upang siya ay samahan. Ngunit wala. Walang dumating na Lucas na mapagkukunan niya sana ng lakas sa panahong ito na durog na durog siya.

Ngunit pinipilit niya na lamang ang sarili na huwag munang isipin ang tungkol sa kasintahan dahil mas lalo lamang manghihina ang kaniyang loob. Ang dapat niyang isipin ngayon ay kung paano lulusutan ang dahilan kung bakit naririto siya ngayon. Kinakailangan niyang magsinungaling na hindi siya ang nagsulat sa tulang iyon at pawang sinisiraan lamang siya. Kailangan niyang maipanalo ang kaso.

Ngunit... nangangailangan siya ng abogado at hindi niya batid kung paano gayong ang mga magulang niya lang ang may kapangyarihan na magtalaga ng abogado para sa kaniyang kaso.

Napapikit na lamang si Isabella at tuluyang napaluha nang maisip na kailangan niyang kainin ang kaniyang orgullo (pride) upang mailigtas. Kailangan niyang humingi ng tulong sa kaniyang mga magulang na batid niyang mas lalong nagagalit ngayon sa kaniya.

Naiisip niya na kung wala siyang magiging abogado na magtatanggol sa kaniya, tiyak na kamatayan ang magiging parusa dahil ibig sabihin lang no'n, mapatutunayan na siya ay tunay na taksil, hindi lamang sa mga opisyales na namumuno sa San Fernando kundi sa pamahalaang Espanya na sakop ang Pilipinas. Isa lang ang ibig sabihin no'n... kamatayan ang magiging parusa niya.

"Hindi ako maaaring mamatay..." Umiiling na pagkakausap ni Isabella sa kaniyang sarili habang patuloy na umiiyak. "Babalik pa ako sa San Fernando... maghihintay kay Lucas sa loob ng ilang taon bago siya makatapos ng abogasya. Magpapakasal pa kami... Bubuo pa ng sariling pamilya. Maninirahan pa kami sa Espanya pagkatapos ng kasal. Hindi maaaring magpapatalo ako sa bangungot na ito... Kinakailangan kong ipaglaban ang aking sarili."

Kung noon ay naiisip ni Isabella na handa siyang ialay ang kaniyang buhay para sa bayan dahil sa mga panahong iyon, handa siyang salubungin ang kamatayan dahil pagod na siya buhay... ngayon naman ay malinaw na tumatatak sa kaniyang isipan ang mukha ni Lucas at ang mga pangakong kanilang binitawan sa ilog Pahimakas tungkol sa kanilang hinaharap.

"Isabella... Isabella, hermana!"

Napamulat ang mga mata ni Isabella nang marinig ang boses ni Amaia. Dali-dali niyang pinalis ang mga luha at kahit nanghihina ay tumayo siya saka dali-daling humawak sa selda nang makalapit sa kapatid na nakita niyang lumuluha ngayon habang nakatingin sa kaniya.

Unfinished Tale (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon