UNFINISHED TALE
Ikapitong KabanataFilipinas 1820
Papasikat pa lamang ang araw ngunit gising na si Isabella habang tulalang nakatanaw sa hardin sa labas ng mansyon. Pinagmamasdan nito kung paano sinasayaw ng marahang hangin ang kaniyang paboritong bulaklak na bugambilya. Lumingon siya sa flower vase sa kaniyang kuwarto at nakitang natuyo na ang bugambilyang nailagay niya rito.
Tumayo ito at nilapitan ang flower vase. Kinuha niya ang tuyo nang bulaklak at nilagay ang tatlong bugambilya na nakatirik sa iisang tirikan at inipit ito sa pahinang wala pang sulat ng kaniyang kuwaderno. Naupo ulit siya at inilipat ang pahina nito kung saan may bagong prosa siyang naisulat ngayong umaga mula paggising niya.
Natuto akong isulat ang sariling kapalaran nang walang pluma sapagkat walang kusang nagbigay sa akin nito. Gamit ang aking mga kamay, bumubuo ako ng mga salita hanggang sa magkaroon ng koneksiyon ang bawat isa nito. Isinulat ko sa rumaragasang alon sa ilog. Isinulat ko sa isang tuyong dahon na bago pa lang naging malaya mula sa mahigpit na pagkakasakal ng sanga nito. Isinulat ko sa payapang kulay asul na ulap na imposible itong mabubura. Isinulat ko sa marahang hangin upang iparamdam sa akin ang samyo ng kalayaan.
Ngunit aking nakalimutan na ang bawat salitang naisulat sa ilog ay inaanod din hanggang sa dumaloy ang mga ito papunta sa kailaliman na imposible nang masisid. Aking nakalimutan na ang tuyong dahon ay malapit na ring halikan ng kamatayan kung kaya't ang mga salitang aking nabuo rito ay unti-unti na ring nilalason ng paparating na halik nito at tila maililibing nang buhay kasama ang tuyong dahon. Aking nakalimutan na posible pa ring mabura ang mga salitang nakasulat sa ulap sapagkat hindi sa lahat ng oras ito ay payapa. Napapalitan din ito ng kulimlim at napopoot na kidlat na maaaring makakitil sa buhay ng aking mga salita. Aking nakalimutan na ang hangin ay rumarahas at tumatalas na maaaring lalaslas sa hininga ng aking mga salita.
Ang aking mga salita ay sumisimbolo sa patuloy na umaapoy na pag-asang nanananahan sa aking puso. Pag-asa na malaya pa rin akong isulat ang sariling kapalaran kahit walang pluma na magpapanatili nitong buhay at hindi magsasadlak nito sa kamatayan. Ngunit ako'y nagkamali. Ang pag-asa na ito ay maikokompara pa rin sa isang apoy sa lampara na maaari pa ring mahipan ng hangin sa kabila ng nakayakap na proteksiyon dito. Ang pag-asa na ito ay maaari pa ring makitil sapagkat ako ay nakakulong pa rin sa isang lupaing nag-uumapaw ang kagandahan ngunit kakambal naman ay kamatayan.
At ang tanging susi na magpapalaya sa akin mula sa lupaing ito ay isang pluma. Isang makapangyarihang pluma na magbibigay buhay sa mga salitang isinulat lamang gamit ang kamay na walang tinta. Ito ay sumisimbolo ng kalayaan. Kalayaan na gawing imortal ang aking mga adhikain.
Bumuntong hininga si Isabella at pagod na sumandal sa upuan. Umaga pa lamang ngunit napapagod na siya sapagkat nagising pa rin siya sa reyalidad na palaging ibig niyang takasan. Kung siya lamang ang papipiliin ng kapalaran, nais niyang anak ni Don Rafael man o Don Maximo mula nang marinig nito ang sinabi ni Solana at ang pag-usap nina Amalia at Adelina.
Tumayo siya at lumapit ulit sa tapat ng bintana at tinanaw ang payapang ulap kung saan nakalilipad nang malaya ang mga ibon. Ibinaba niya ang tingin at tinanaw ang kalsada mula sa malayo kung saan dumaraan ang mga kalesa. Tumalikod siya pagkatapos. Namataan niya ang isang sumbrero. Naalala niyang sinabi niya kagabi kay Lucas na isasauli niya ito mismo ngayon sa kanilang mansyon. Napapikit si Isabella sa inis.
'Kung bakit ko naman kasi sinabi iyon!' sambit ni Isabella sa kaniyang isipan. Dali-dali niyang niligpit ang kuwaderno, tinta, iilang kumpol ng papel, at pluma at tinago sa kaniyang tukador dahil baka biglang dadating na naman ang kaniyang ina.
BINABASA MO ANG
Unfinished Tale (✔️)
Historical FictionWhenever Cleotha falls into deep slumber, strange and vague dreams haunt her. Vague faces of people. Vivid old places. Familiar heartbeats. Familiar euphoria. Familiar heartaches. And the familiar love that she shares with the man in her dreams. She...