Nagising si Ara na wala na si Antoinette sa tabi niya at mula sa kwarto, naririnig niyang humahagikgik ito. Malamang na dumating na rin ang Mama ni Kanoa kaya nagmadali rin siyang ayusin ang sarili dahil excited na siyang makita ito.
Noong nasa New York sila at wala pa si Kanoa, madalas siyang kinakamusta ng Mama ni Kanoa. Madalas itong nagse-send ng mga nakatatawang video para hindi raw siya ma-stress. Madalas rin itong nanghihingi ng pictures nila ni Antoinette dahil nami-miss na sila. It was something her mom didn't do.
Alam ni Ara na dahil na rin siguro binigyan niya ito ng rason para hindi siya kausapin. Mas gusto na rin niya iyon dahil hindi niya alam kung ano na naman ang posibleng lumabas sa bibig ng mga magulang niya tungkol kay Kanoa.
"Tita!"
Sabay na tumingin sa kaniya ang tatlo. Tumayo kaagad ang mama ni Kanoa at lumapit sa kaniya. Mahigpit siya nitong niyakap habang hinahaplos ang likuran niya.
Ara automatically smiled. The hug was comforting.
"Anong tita ka riyan!" singhal ng mama ni Kanoa bago humiwalay sa kaniya. "Mama na rin!"
Tumingin si Ara kay Kanoa na nakangiti.
"Nagluto ako ng mechado para mamayang dinner. Okay lang ba sa inyong dito muna ako matutulog? Gusto ko kayong makasama lalo na 'tong si Andra," sabi ng mama ni Kanoa habang nakatingin sa kaniya. "Ang ganda-ganda mo! Maganda ka na noong nandito kayo, pero mas gumanda ka ngayon! Blooming!"
Humalakhak si Ara dahil sa sinabi ng mama ni Kanoa. Panay pa ang haplos nito sa mahabang buhok niya habang pinupuri siya. Sinabi rin nito na gumanda ang katawan niya, mas humaba ang buhok niya, at excited na nga rin daw ito sa kasal.
Naghanda pa ito ng merienda para sa kaniya at pinaupo siya sa dining table. Ito na raw ang bahala sa lahat, sabihin lang kung ano ang gusto niya.
"Sure ka na ba kay Kanoa?" Nilingon nito si Kanoa. "Meron ka pang chance na umatras, Ara. Nako, susuportahan kita kahit na ano ang maging desisyon mo. Baka napipilitan ka lang, ha?"
Kaagad na tumingin sa kanila si Kanoa. Mukhang hindi nito nagustuhan ang sinabi ng ina kaya mas lalong natawa si Ara.
"Si Mama, parang ano!" nagsalubong ang kilay ni Kanoa. "Huwag mo nang impluwensyahan, Ma! Ikakasal na nga kami, eh."
"Magpasalamt ka at hindi nauntog 'tong si Ara. Napaswerte mo naman!" singhal ng mama ni Kanoa. "Ano, favorite ka ba ng universe?"
Nagulat si Ara sa sinabi ng mama ni Kanoa dahil hindi niya inaasahan ang salitang lumalabas sa bibig nito. Siya mismo, hindi ganoon magsalita kaya natawa siya, pero hindi na rin nagtaka. Halos ganito rin kasi magsalita si Kanoa.
"Love, alam mo ba si Mama mukhang balak makipagbalikan kay Papa?" balik ni Kanoa. "May family p—"
"Huwag mong pakinggan 'yan. Ugok 'yan, nag-i-imagine," umiling ang mama ni Kanoa at ibinaba ang binalatan nitong boiled egg. "Siraulo 'yang mapapangasawa mo. Sigurado ka na ba talaga?"
Ngumiti si Ara at tumango. "Fully paid na po kasi lahat ng suppliers. Sayang naman po kung aatras ako," pagbibiro niya. "But I'm sure naman po, sobra."
Nakita ni Ara na sumulyap ang mama ni Kanoa sa mag-ama niya at ngumiti bago ibinalik ang tingin sa kaniya. "Hindi pa kami namamanhikan. Nag-aalala ako na baka kung ano ang sabihin ng mga magulang mo. Babae ang sa kanila, dapat maging marespeto kami."
Samantalang pasimpleng nilingon ni Kanoa si Ara nang marinig ang sinabi ng mama niya. Napag-usapan nila iyon habang natutulog si Ara, pero siya mismo, hindi magawang magtanong. Kung siya lang kasi, pupunta talaga siya, pero sinunod niya ang sinabi ni Sam na huwag na lang muna.
Nakayuko si Ara kaya nagkatinginan sila ng mama niya. Nilaro niya si Antoinette para hindi na rin halatang nakikinig siya.
"I'm not comfortable po kasi to meet them muna," mahinang sambit ni Ara. "I'm sorry po na you didn't have the chance to meet them, but ayoko po muna sana," dagdag nito na umiiling pa.
Gusto sanang lapitan ni Kanoa si Ara, pero alam niyang kumportable ito sa mama niya kaya hinayaan niya ang dalawang mag-usap.
"I'm really so—"
"Wala ka namang dapat ipag-sorry! Kumusta pala 'yung plano sa kasal? Okay na ba lahat? Wala na ba akong maitutulong? Kung sakali mang may gagawin pa, sabihan mo 'ko, ha? Wala akong ginagawa ngayon kaya makakatulong ako," pag-offer ng mama niya. "Huwag ka nang masyadong ma-stress. Kung kailangan mo pa ng tulong, nandito ako."
Napaisip si Ara. "Actually po, I need to have my dress dry cleaned. Puwede mo po ba akong samahan?"
"Love, ako na lang," sabat ni Kanoa.
Kaagad na umiling si Ara. "Nope. I don't want. Makikita mo 'yung dress ko."
"Ay tama. Hindi mo puwedeng makita 'yung dress. Hindi matutuloy ang kasal!" sabi ng mama ni Kanoa.
Nagsalubong ang kilay ni Kanoa at umiling. "Ganon ba 'yon? Sige, kaya n'yo na 'yan."
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com