Habang kinukulayan nina Ara at Antoinette ang bagong biling coloring book, nagluluto naman si Kanoa ng dinner nila. Nakayuko siyang nakangiti habang pinakikinggan ang hagikgik ng mag-ina niyang halos walang kapaguran.
Pagkatapos nila sa grocery, dumiretso na naman sila sa American Museum of Natural History dahil gusto raw ulit makita ni Antoinette ang lion, zebra, at kung ano-ano pa. Pareho naman sila ni Ara na hindi makatanggi sa anak nila. Gustuhin man nilang umuwi na, hindi sila tinigilan lalo nang sumibi na ito at lumuha na ang mga mata.
Walang pagmamaktol, basta na lang tumulo ang luha ng anak nila. Hindi alam ni Kanoa kung ano ang mararamdaman niya. Matatawa ba o ano dahil hindi rin naman niya matiis.
"Yehey!" Ara sounded excited. "Show Dada your wion, Antoinette."
Kaagad na nilingon ni Kanoa ang anak niyang papalapit sa kaniya hawak ang coloring book nito. Magulo ang pagkakakulay, pero nabuo naman ang yellow, brown, at orange sa katawan ni Simba.
Lumuhod siya para salubungin ang tingin ng anak niya. Ipinakikita nito sa kaniya ang iba't-ibang hayop na mayroong kulay. Lagpas lahat, pero dahil anak naman niya si Antoinette, maganda iyon para sa kaniya.
Kanoa praised his daughter and carried her. Ipinakita niya ang niluluto nilang baked mac dahil sa edad ng anak niya, iyon lang ang gusto nitong kainin nitong mga nakaraan.
Ara smiled when she heard Antoinette giggling and cheering when she saw their dinner. Sukang-suka na siya sa baked mac kaya bukod roon, nagpabili na lang siya ng take-out kay Kanoa. Gusto lang din nilang sabayang kumain ang anak nila.
Pasimple niyang kinuhanan ng pictures ang mag-ama niya para ipakita sa mga kapatid niya. Nami-miss na rin kasi ng mga ito si Antoinette.
Lumabas ng kwarto si Shara at nilinis ang mga kalat sa sofa.
"I'm really sad na you're going," Ara pouted. "But enjoy with your family. Babalik ka, ha? Baka mamaya you won't go back here na."
"Babalik ako, Ate Ara. Ikaw talaga! One month lang po ako 'tapos babalik na rin po ako. Perfect time rin po siguro para mas mabigyan ko kayo ng privacy ni Kuya Kanoa," sabi ni Shara. "Kung meron po kayong gustong ipadala pabalik rito, sabihan n'yo po ako para masabihan ko rin si Kuya Sam o si Ate Belle."
Tumango si Ara at ngumiti. Sandali siyang nakipagkuwentuhan kay Shara.
Sa isang taong kasama niya ito, naging masaya sila dahil sa bawat travel, kasama niya si Shara. Tinanong din niya kung gusto ba nitong mag-aral sa malapit na college sa apartment nila dahil hindi ito nakapag-college. Nag-focus kasi sa pagpapaaral ng mga kapatid at hindi na nabigyan ng pagkakataong mag-aral.
Bata pa si Shara kaya hanggat kaya sana, gusto ni Ara na tulungan ito. Mas matanda lang siya rito ng isang taon. Halos sabay silang lumaki.
Matagal iyong pinag-isipan ni Shara, pero tumanggi. Ang nangyari, namamasukan itong babysitter sa isang pilipinong kakilala nila na nasa same building lang ng apartment nila. Mayroong oras na ibinigay si Ara para sa ibang trabaho ni Shara para kahit papaano, mayroon pa itong extra income.
"Wala ka bang balak umuwi sa Pilipinas, Ate?" tanong ni Shara habang tinitingnan ang coloring book na nasa coffee table. "Akala ko noong 6th month natin, uuwi tayo, eh."
Tiningnan muna ni Ara sina Kanoa at Antoinette na nasa kusina at nagluluto. "Titignan ko muna. Baka sabay na lang kami ni Kanoa na uuwi sa Pilipinas kung sakali after ng stay niya here. I'm not sure yet, but we'll see."
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com