Kabanata 5

3.1K 109 23
                                    

Bitbit ang sarili ko, nagtungo ako sa guard house ng Beverly Heights at doon ko nakita si Kuya Damian na abala sa pagsasalansan ng mga log book sa gilid ng monitor. Huminto siya nang makita ako. Agad ding nabura ang matingkad na ngiti sa labi niya nang mapansin ang itsura ko.

"Anong nangyari sa 'yo?" alalang tanong niya sa akin. "Ang tatay mo na naman ba?" dagdag niya pa.

"Dapat sa kaniya kinakausap. Sobra-sobra na ito—"

"Isama mo na ako kuya Damian." Nahinto siya nang magsalita ako. Palabas na kasi siya ng guard house para puntahan si tatay pero dahil sa sinabi ko ay natigilan siya.

"Anong sabi mo?" tanong niya kaya humarap ako sa kaniya nang tuluyan.

Tumango-tango ako. "Payag na po akong tumira kasama ka."

Dahil doon ay umusbong ang munting ngiti sa labi niya. Hindi ito naabot ang kaniyang mga mata at kitang-kita ko kung gaano kalungkot ang ngiti na iyon pero kahit na ganoon ay ngumiti pa rin ako pabalik sa kaniya.

"Hindi ako hinayaan ni tatay na kuhanin ang mga gamit at damit ko kaya wala akong nadala kahit na ano," paliwanag ko sa kaniya.

"Pinalayas ka niya?" tanong niya sa akin.

Dahan-dahan akong tumango, "May nangyari kasi sa bahay, kuya Damian. Napuno na rin siguro ako kaya nasabi kong aalis na lang ako sa amin at hindi ko naman inakalang gusto rin pala ni tatay na wala ako kaya siya na mismo ang nagtulak sa akin palabas ng bahay. Pinalayas niya na ako sa amin."

Kumunot ang noo niya. "Nasaan ang nanay mo?"

Oo nga pala, hindi ko pa nasabi sa kaniya.

Umiling ako ulit bilang sagot. "Simula noong araw na nagwala si tatay dito, iyon din ang araw na hindi na bumalik si nanay mula sa paalam niyang may lalakarin lang. Wala na po akong ideya kung nasaan siya ngayon."

Saglit na natahimik si kuya Damian, nag-iisip. Pagkaraan ay tumango-tango siya saka ako binalingan nang tingin.

"Sige. Bukas na bukas pagkayari ng duty ko ay isasama na kita sa apartment. Pahihiramin na lang muna kita ng mga damit ko dahil malayo pa ang sahod ko. Saka na lang tayo bumili ng ilang piraso ng damit kapag may pera na. Okay ba 'yon?" nakangiti niyang tanong sa akin.

Hindi ko alam kung bakit hindi ako nakasagot sa kaniya. Nakatitig lang ako ng ilang segundo at nang maramdaman ang luhang nagbabadiyang pumatak ay nag nagkabuhay ang mga braso ko para yakapin siya. Sa unang pagkakataon, umiiyak ako dahil sa saya at hindi dahil sa sobrang takot mula sa pang-aabuso ni tatay.

Hindi ko inaakalang ang ibang tao pa ang handang kumupkop at magmalasakit sa akin. Kung sino pa ang hindi ko kadugo, sila pa ang handang magbigay ng tulong. Ganoon ba talaga ang reyalidad ng buhay?

"Kumain ka na ba?" tanong niya.

Tumango ako kahit na sa totoo lang ay hindi ko pa nauubos ang kinakain ko kanina dahil sa ginawa ni tatay. Kumakalam ang sikmura ko dahil nakakatatlong subo pa lang ako ng kanin noong pumasok siya at sinaktan ako. Wala na rin naman akong gana kumain kaya ayos lang.

"Dito ka muna matulog sa bangko. Kasiya ka naman dito. Gigisingin na lang kita bukas kapag tapos na ang duty ko para makauwi na tayo sa bahay natin." sabi niya.

Tumango akong muli at saka pumasok sa loob ng guard house. Naupo ako ro'n sa upuang tinutukoy niya habang paulit-ulit na ume-echo sa isip ko ang mga huling salita na binitawan ni kuya Damian.

Bahay natin.

May halong kilig at galak akong nararamdaman. Masaya ako na titira kasama siya at mas masaya ang kalooban ko dahil mas naramdaman ko ang mga salitang 'yon na nagmula sa kaniya kaysa sa tahanan na kinalakihan ko noon pa lang. Napangiti ako habang pinagmamasdan si kuya Damian sa ginagawa niya.

SEKYU 1 (BL) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon