Keifer
Matapos kumain ay bumalik na rin ako sa ospital, sa mismong kwarto ni tatay. Lutang pa rin ako dahil sa nangyari kanina, nangangamba dahil sa takot na baka magkatotoo na naman ang mga binitawang salita sa akin ng matandang manghuhula. Noong una niyang hula ay alam kong hindi dumaplis ang binigay niyang impormasiyon kahit na hindi niya mismo sabihin sa akin ng direkta ang mga taong tinutukoy niya. Miski ang paliwanag niya noon na mangyayari ay nagkatotoo rin. Dumating si Hunter sa buhay ko na matagal naman nang naging parte nito, lalo na noong mga panahong wala si kuya Damian. Kung mangyayari man ang sinabi niya ngayon, sana lang ay maging handa lagi ang puso ko sa kung ano man ang naghihintay sa akin sa hinaharap, lalo na sa pagitan namin ni kuya Damian.
Alas dos ng tanghali nang bumalik si nanay sa ospital, bitbit ang mga pinamili niyang prutas para kay tatay. Iniabot niya rin ang binili niyang mga vitamins para sa akin at wala na akong nagawa kundi ang tanggapin ito.
Binahagi ko sa kaniya ang naging pag-uusap namin ng kapatid ni tatay na si tito Krisostomo at naging emosiyonal si nanay nang marinig ang mga kwento ko.
"Mabuti na lang talaga at busilak ang kalooban ng tito Kris mo na 'yon. Hindi ako nahirapang lumapit sa kaniya at humingi ng tulong," komento ni nanay sa akin.
"Kaya po kailangan kong maglinis ng bahay, 'nay para may matuluyan sila 'pag uwi nila rito sa huwebes," sabi ko naman.
"Salamat, anak. Uuwi ka ba sa atin ngayon? Sakto at may maganda akong balita sa 'yo." Huminto si nanay sa ginagawang pagtutupi ng bitbit niyang mga damit ni tatay at saka tumingin sa akin. Ngiting-ngiti siya at naging sapat 'yon para mahawa ako sa sayang nararamdaman niya.
"May pila sa covered-court natin ngayon. Mga college student ang mga 'yon, naga-apply ng scholar sa dumayong scholar progam ng Parish church sa ating baranggay. Subukan mo kayang magpasa, anak? Alam ko'y may makukuha na agad na limang libo doon oras na matanggap nila ang papel mo. Bukod pa ang budget para sa susunod na semestre," paliwanag sa akin ni nanay.
"Ano po bang requirements, 'nay?" tanong ko sa kaniya dahil interesado talaga ako. Malaking bagay ang limang libo at magagamit din namin ito ni nanay ngayon lalo na't ganito ang sitwasiyon na kinakaharap ng aming pamilya.
"Ang sabi ni aleng Cheba kanina ay Certificate of Enrollment ng unang semestre at birth certificate lang, 'nak. Ang balita ko'y hanggang alas kwarto lang sila. Kung uuwi ka ngayon doon at magpapasa ay makakaabot ka pa. Magagamit mo sa pag-aaral ang perang makukuha mo ro'n, anak," sagot niya sa akin.
"Saglitin ko muna po ang mga requirements ko sa apartment ni kuya Damian saka po ako uuwi agad sa atin para lakarin ang scholar na sinasabi niyo."
"Si Damian nga pala ay nasa meeting kanina dahil sa nangyaring insidente doon sa Beverly heights. Nasabi niya naman na yata sa iyo ang nangyari ro'n?" tanong ni nanay na sinagot ko naman ng pagtango.
"Kausap ko po siya kanina pero hanggang ngayon po ay hindi pa rin nagrereply. Baka busy pa siya, 'nay. Sige na po. Aalis na ako para makaabot ako ro'n sa scholar na 'yon." Yumakap muna ako kay nanay bago umalis. Hindi na ako nag-aksaya pa ng kahit anong oras. Mabilis akong nakasakay ng bus patungo sa baryo kung saan naroroon ang apartment ni kuya Damian. Kailangan ko munang makuha ang requirements ko para makauwi agad sa bahay at maasikaso ang dapat asikasuhin.
Nang makita ko ang apartment lalo na ang pinto nito ay agad akong nagtaka nang makita kong bahagya itong nakabukas. Teka? May bisita ba kami? O nandito na si kuya Damian? Nakauwi na siya? Bakit hindi pa rin siya nagrereply sa akin?
Isinantabi ko ang lungkot na naramdaman at mabilis na naglakad patungo sa mismong apartment namin. Nahinto pa ako nang batiin ako ni lola, iyong matanda na madalas kumausap sa akin sa kalapit naminh apartment.
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL) Completed
General FictionCOMPLETED Alam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hinayaan niya pa rin ang pusong mahulog ng husto sa mg...