Keifer
"Hindi ko anak si Dama. Hindi rin ako ang totoong asawa ni Shina. Hindi ako pagmamay-ari ng iba dahil una pa lang, ako lang ang kumakalinga sa sarili ko. Hindi totoong may pamilya na ako. Mahal ko si Shina at Dama pero hindi ako ang haligi ng tahanan nila. Hindi nila ako pagmamay-ari, Keifer"
Isa. Dalawa. Tatlo. Makailang ulit na beses nagpaulit-ulit na ume-echo lahat ng mga sinabi sa akin ni kuya Damian. Bawat titik ng mga salita ay tila ba parte ng maliliit na piraso ng isang malaking larawan na unti-unti kong binubuo. Naiintindihan ko na ang lahat.
Agad na nangilid ang mga luha mula sa aking mga mata matapos mapagtagpi-tagpi lahat ng detalyang narinig mula sa taong naging dahilan kung bakit ako masaya at miserable sa parehas na pagkakataon.
Maraming tao sa buong lugar pero sa iisang tao lang nakatuon ang atensiyon ko. Walang ibang tao ang rumirehistro sa aking paningin kundi siya lang. Ang tao na nagpapaalala sa aking kailangan nating sumugal sa hamon ng buhay kung ayaw nating magsisi sa bandang huli.
Napansin kong naglalakad siya patungo sa akin. Nanatili ako sa kinatatayuan at hinintay siyang makalapit sa akin. Hindi niya binali ang koneksiyon ng aming mga mata hanggang sa makalapit siya't kinuha ang mga kamay ko.
Sobrang amo ng mga mata niya. Kitang-kita ko ro'n ang sinseridad niya. Damang-dama ko rin ang tunay niyang intensiyon lalo na noong maglapat ang mga balat naming dalawa. Tila ba nakuryente ako pero ito ang klase ng kuryente na talagang hahanap-hanapin ko dahil sa pagmamahal na hatid nito sa akin.
Itinaas niya ang mga palad ko at saka pinunan ang mga patlang sa pagitan ng aking mga daliri ng sa kaniya. Nang muling magtagpo ang mga mata naming dalawa ay marahan niyang inilapat ang noo sa aking noo. Napansin kong pumikit siya at hindi ko magawang mapatitig sa mapulang labi niya ngayon. Ito ang unang beses na ganito namin kalapit sa isa't-isa at dahil sa ganitong pwesto ay mas napatunayan ko ang tunay na nararamdaman ko sa kaniya. Alam ng puso ko na hindi lang simpleng pagkagusto itong nararamdaman ko kundi isang tunay na pagmamahal. Sa unang pagkakataon, masasabi kong masarap pala talaga ang feeling ng ma-inlove. Sa unang pagkakataon ay masasabi kong masaya ako dahil hindi pa pagmamay-ari ng iba ang taong mahal ko.
"Mahal kita, Keifer."
Mas lalong nagwala ang puso ko sa mga salitang binitawan ni kuya Damian. Hinayaan ko ang mga mata na pumikit at namnamin ang mga sandali na kasama siya.
"Unang beses pa lang ng pagkikita natin ay alam kong may mali na sa nararamdam ko. Ang sabi ko, hindi tama na magkagusto ako sa taong mas bata sa akin dahil para sa akin, hindi magandang makita ang matatanda na mahumaling sa mas bata sa kanila. Ang mga matatanda kasi ang dapat na nagiging mabuting modelo sa mga mas nakababata, hindi iyong sila pa ang numero unong magkakagusto, pero tingnan mo, kinain ko rin ang mga sinabi ko noon sa sarili ko." Narinig kong tumawa siya at hindi ko tinangka na buksan ang mga mata. Hinayaan kong makinig sa kaniya at mahulog sa napakalalim niyang boses. Gusto kong namnamin ang sandali at ipaalala sa sarili na hindi lang ang itsura ni kuya Damian ang minamahal ko kundi pati ang mismong tao na nagsasalita sa akin, dahil iyon ang totoo.
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL) Completed
Tiểu Thuyết ChungCOMPLETED Alam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hinayaan niya pa rin ang pusong mahulog ng husto sa mg...