Hindi na ako humabol pa sa klase dahil sa insidenteng nangyari ngayon kay tatay. Kung babalik man ako sa klase ay siguradong lulutang at lulutang din ang isip ko kahit na anong gawin kong focus sa klase.
Sumakay ako ng trike kanina. Hindi ako nagpahatid sa apartment ni kuya Damian o sa bahay mismo namin. Basta ang alam ko ay dumaan kami sa tindahan ng mga bulaklak. Binili ko ang pinakasimple at kulay puting bulaklak na natipuhan ko. Hindi naman din kasi ako maalam sa mga bulaklak basta ang sa tingin ko ay magugustuhan niya ito.
Iniabot ko lang ang bayad kay kuyang driber saka ko hinarap ang malaking gate na bumungad sa akin mula sa pagbaba ko sa kinasasakyan.
Hawak ang bungkos ng puting bulaklak ay naglakad ako papasok sa lugar. Hindi ako sanay sa pagpunta sa lugar na ito kaya hindi ko maintindihan ang nararamdaman. Hindi ko alam kung matatakot ba ako sa dami ng mga pangalan na aking nakikita. Meron kasing petsa sa ilalim ng mga pangalan na 'yon kung kailan sila pinanganak at kung kailan din ang araw na binawi ang buhay na pahiram lang sa kanila ng nasa itaas.
Imbis na magpatangay sa mga ideyang naglalaro sa isipan ko ay inalala ko na lang kung saan ba ang daan patungo sa lapida ng kapatid. Simula noong hinatid namin si Gio rito sa kaniyang huling hantungan hanggang sa ngayon ay bilang lang sa daliri kung ilang beses akong bumisita rito. Marahil ay sa isang banda ng puso ko ay may nagdidiktang hindi ko pa rin tanggap ang pagkawala niya, at alam kong oras na pumunta ako rito, mauulit lang muli ang sakit na naramdaman ko noong lumisan siya. Babalik lahat ng masasayang ala-ala naming magkapatid na siya namang papatay sa galak na dapat ay nararamdaman ko mula sa masasayang ala-alang 'yon.
Kaya naman nang masulyapan ko ang lapida niyang gawa sa magandang klase ng marmol ay nag-umpisa nang mangilid ang luha sa aking mga mata.
"Sorry, ngayon lang ulit bumisita si kuya Keifer mo," bulong ko sa hangin at lakas-loob na naglakad palapit sa lapida niya.
Naupo ako sa berdeng damuhan at saka ko inilapag ang bungkos ng puting rosas na hawak.
Gio Kris Guillermo
January 23,2022- March 20 2024Agad kong pinunasan ang luha na humaharang sa aking paningin. Ilang taon na rin ang lumipas pero parehas pa rin ang bigat sa aking dibdib. Mukhang mas naging matimbang pa nga ngayon kasi pakiramdam ko ay wala na sa akin ang lahat. Umalis si nanay para magtrabaho sa malayo tapos si tatay naman mas bumibitaw kahit na anong gawin kong pagkapit sa pag-asang magiging maayos kaming mag-ama.
"Sana kasi nandito na lang," bulong ko pa sa ere at saka ngumiti.
Pinagmasdan ko ang lapida niya. Kahit na matagal na siyang nakahimlay dito ay mukhang bago pa rin ang lapida niya. Kumikinang ito sa tuwing nasisinagan ng araw.
"Alam mo ba," nag-umpisa akong magkwento sa kaniya na tila ba nandito lang siya sa tabi ko, nakaunan sa aking binti. Kinuwentuhan ko siya sa mga nangyari sa akin nitong mga nakaraang buwan. Simula sa pag-alis ni nanay sa bahay, sa pananakit ni tatay at sa tangkang pagpatay niya sa akin, pati na rin ang pagligtas sa akin ni Kuya Damian.
Nahinto ako saglit at saka ko naisip ang maamong mukha ni kuya Damian habang nakangiti sa akin.
"Hindi pa rin talaga ako nag-iisa kasi binigay siya ni God sa akin. Siguro ay kinulit mo Siya diyan sa taas para padalhan ako ng gwang Sekyu na magmamahal sa akin, 'no? Salamat bunso," sambit ko saka tumawa.
Binalik ko ang tingin sa lapida ng kapatid at saka hinaplos ang pangalan niya. "Sa tingin mo ba ay hindi niya rin ako iiwan kagaya ng ginawa niyo sa akin nila nanay at tatay?" malungkot kong tanong sa kaniya.
Napailing na lang ako dahil para na akong siraulo na kinakausap ang sarili sa gitna ng open-space sa memorial.
"Oh, paano ba 'yan? Uuwi muna ako sa bahay natin nang malinis ko naman ang kalat na ginawa ng napakabait mong tatay! Na-miss lang talaga kita kaya binisita kita ngayon rito. Bisitahin kitang muli. Sa susunod ay kasama ko na si Kuya Damian para makilala mo rin siya," sabi ko at saka tumayo sa harapan ng lapida niya. Niyakap ko ang sarili habang iniisip na nasa loob ng bisig ko ang kapatid na si Gio. Inalala ko lang kung paano ko siya binubuhat noon sa tuwing pinatutulog ko sa ng tanghali. Na-miss ko tuloy ang maliliit niyang bisig na nakabalot sa akin sa tuwing mahimbing na siyang natutulog sa aking pagkakabitbit.
"Uwi na si kuya. I love you, bunso. Sobrang miss na kita," nakangiti kong banggit sa era.
~*~
Gaya ng plano ko kanina ay nagtungo ako sa mismong bahay namin ni tatay. Nilinis ko lahat ng dumi mula sa basag-basag na bote ng alak, tasa, baso at kung ano-ano pa. Miski ang gulo-gulong damit niya sa kwarto, pinagtutupi ko at inayos mula sa tamang kinalalagyan. Pinalitan ko rin ang kobre kama niya at lahat ng pillow case para matuwa naman siya oras na matapos ang pitong araw niya sa kulungan. Sana lang talaga kahit papano'y matauhan na si tatay sa mga pinaggagawa niya. Sana ma-appreciate niya rin lahat ng effort ko sa kaniya kahit konti lang.
Pawis na pawis ako sa dami ng mga ginawa ko. Hindi ko na rin namalayan ang oras at nang sumulyap ako sa labas ay madilim na.
"Nandito ka pala! Kanina pa kita hinahanap, e!"
Napalingon ako sa pinto at saka ko nakita si Kuya Damian nakangiti sa akin. Papalapit na sana siya sa akin nang makita ko ang matalim na kutsilyong tumagos sa tiyan niya. Napaubo siya ng dugo kasabay nito ang unti-unting paglitaw ni tatay mula sa likuran niya.
Hindi ko magawang sumigaw. Tila ba na-stuck na ang sarili ko dahil sa nasaksihan. Ni ang huminga ay tila ba nakalimutan ko nang gawin.
"Sabi ko naman sa 'yo magdurusa ka," dinig kong sabi ni tatay sa akin.
At dahil doon ay napasigaw na ako sa takot.
"Ki? Ayos ka lang ba?"
Napabangon ako mula sa pagkakadukmo at saka hinarap ang tao na nakapwesto malapit sa akin.
Hawak ni Kuya Damian ang balikat ko. Halata sa mukha niya ang labis na pag-aalala.
Sumulyap ako mula sa labas at nakumpira kong madilim na. Naalala ko na naman ang nangyari kanina kaya agad akong napayakap sa kaniya.
Buti na lang talaga panaginip lang ang lahat!
Naramdaman ko ang paghaplos niya sa likuran ko habang nakakulong ako sa kaniyang mga bisig. Ang malapad niyang dibdib ay nagsilbing malambot na kutsyon sa akin. Napakakomportable sa loob ng yakap niya. Parang ayaw ko nang kumawala pa.
"Alam kong nandito ka kahit hindi mo naisip na magpaalam sa akin. Miski text o chat hindi mo naisipan gawin."
Napaangat ako sa kaniya nang tingin at kitang-kita ko ang lungkot sa mga mata niya. Kulang na lang ay ngumuso siya sa akin dahil sa pagkadismaya. Oo, aaminin ko. Nakaramdam ako ng sobrang pagka-guilty dahil sa mga sinabi niya.
Nang magtagpo ang mga mata namin ay unti-unting naging kampante ang ekspresiyon sa mukha niya. Dahan-dahang umusbong ang mumunting ngiti sa kaniyang labi kahit na taliwas sa mga lumabas sa kaniyang bibig ang mga binanggit sa akin.
"Magagalit ka ba sa akin kung sasabihin ko sa 'yong nagtatampo ako dahil nakalimutan mo na ako?" aniya.
Parang sasabog ang dibdib ko sa sobrang lakad ng kabog nito. Natatakot ako na baka marinig niya ang pag-aalboroto ng puso ko. Nakakahiya!
"Umuwi na tayo para makapagpahinga ka na. Marahil ay napagod ka nang sobra sa mga ginawa mo ngayong araw," malambing niyang sabi sa akin na ako naman si tanga ay tumango lang sa kaniya.
Nakakahiya man aminin pero masaya akong makita at makasama si kuya Damian ngayon. Nagagalak ang puso ko na siya ang bumungad sa akin ngayon mula sa bangungot na nangyari kanina. Pwede bang humirit muli ako ng isa pang yakap?
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL) Completed
Ficción GeneralCOMPLETED Alam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hinayaan niya pa rin ang pusong mahulog ng husto sa mg...