Keifer
Hindi kaya ng lakas ko ang mahawakan si tatay nang matagal kaya sabay kaming napaupo sa buhanginan.
Nagkagulo na sa buong lugar. Maraming tao ang nag-panic. Kanya-kanya sila ng takbo at ang ilan ay humihiyaw pa dahil sa nangyari. Kahit puno ng luha ang mga mata ko ay agad kong hinanap ang tao na nagpaputok ng baril.
May babae na nakatayo sa hindi kalayuan. Hawak niya ang baril na nakatutok pa sa direksiyon namin. Kitang-kita ko ang pagkagulat sa mga mata niya, halatang hindi niya inaasahan ang nangyari. Meron ding nakatayo sa harapan niyang lalaki. Kung hindi ako nagkakamali ay magkasintahan sila na merong hindi pagkakaunawaan, at nadamay lang kami sa problema nila.
May ilang tao ang naglakas-loob na lumapit sa babaeng may hawak ng baril upang pigilan siya, na sa tingin ko ay wala na rin namang balak magpaputok pa ulit.
Kung ano man ang problema nila, wala na akong pakialam. Ang kailangan naming gawin ngayon ay dalhin si tatay sa pinakamalapit na ospital.
Binalik ko kay tatay ang aking tingin at kitang-kita ko ang panghihina niya. Dahil hawak ko siya ay mariin kong pinigilan ang tama ng bala niya sa likuran upang kahit papaano'y mabawasan ang paglabas ng maraming dugo mula ro'n.
"Tay, h'wag kang matutulog. Pakiusap, h'wag mong ipipikit 'yang mga mata mo," sabi ko sa kaniya sa pagitan ng paghikbi ko.
Lumapit na sa amin si nanay at si kuya Damian. Maging sila ay nababahala na rin dahil sa nangyayari.
"K-kuya Damian, tumawag ka po ng ambulansiya. Please po," halos pabulong kong sabi sa kaniya.
Gusto kong sumigaw ng saklolo pero hindi nakikisama ang labi ko. Lubha akong nangangatal at hindi ko makontrol ang panginginig ng buo kong katawan. Halos maligo na rin ako sa dugo ni tatay.
Dapat ay nagsasaya kami ngayon pero bakit ganito?
Pinikit ko ang mga mata ko, Siya na lang ang malalapitan ko. Hindi ako pala-simba na tao pero kahit na gano'n ay sana pakinggan Niya pa rin ang panalangin ko.
Ngayon pa lang po kami nagkakaayos ni tatay. Ni hindi pa po ako nakakabawi sa kaniya. Lord, bigyan niyo pa po sana ng mas mahabang buhay ang lalaking nasa mga bisig ko ngayon. Tulungan niyo po kami.
"Ako po si Hudson Halili. I'm a Police Officer. Tumawag na rin po ako ng iba pang pulis para rumesponde sa atin dito pero mas mabuti po kung dadalhin muna po natin si tatay sa pinakamalapit na ospital. I have my car with me. Kasama ko rin po ang kaibigan kong paramedic para malapatan ng paunang lunas si tatay. Tara po,"
Napadilat ako ng mga mata at bumungad sa akin ang isang lalaki na naka-sibilyan. Tinulungan niya kami ni kuya Damian akayin si tatay at mas nabuhayan ako ng loob ng matanaw ang kulay asul na kotse sa hindi kalayuan.
Thank you po, God.
Sinalubong kami ng isang lalaki. Ito siguro iyong tinutukoy niyang paramedic.
"Dito po. Dahan-dahan lang po," sabi niya sa amin saka kami pinagbuksan ng pinto sa back seat.
Pumunta na sa driver's seat si officer Hudson. Maraming tao na rin ang nakikiusiyoso sa amin ngayon.
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL) Completed
Ficción GeneralCOMPLETED Alam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hinayaan niya pa rin ang pusong mahulog ng husto sa mg...