Kabanata 10

3.4K 104 29
                                    

"Anak! Sumama ka na sa akin! Umuwi na tayo sa Bulacan, sa lolo at lola mo! 'wag ka nang magtiis sa tatay mo rito! Sumama ka na sa akin anak," pakiusap sa akin ni nanay.

Niyakap niya akong muli at pagkaraa'y hinaplos ang mga pisngi ko.

"Pasensiya na kung iniwanan kita, anak. Sorry." Nakita kong pumatak ang luha mula sa kaniyang mga mata. Ako na mismo ang nagpahid nito sa kaniyang mga pisngi at saka ngumiti.

"Hindi ako galit sa 'yo, nay. 'wag kang mag-alala, pero." Tinitigan ko siya sabay ngiti. "Hindi ko po kayang iwanan ang bahay, ang pag-aaral ko, si tatay at si Kuya Damian na kumupkop sa akin," paliwanag ko sa kaniya at saka itinuro ang ginoo na nakaupo sa rattan naming sofa set.

Nilingon siya ni nanay at nilapitan. Niyakap niya ito ngunit napagitla si Kuya Damian nang masagi ang benda niya.

"Salamat sa pagtulong mo sa anak ko, Damian. At sana mapatawad mo si Kristofer sa ginawa niya sa 'yo," sabi ni nanay sa kaniya.

"Naging saksi po kasi ako sa pananakit niya kay Keifer noong minsan na dinalhan ako ng anak niyo ng lutong ulam. Simula ho noon ay sabi ko po-protektahan ko siya mula sa asawa niyo hanggang sa malaman kong pinalayas siya ni Sir Kristofer. Inalok ko po agad ang bahay ko para kay Keifer dahil alam ko pong mabait at responsableng bata ang anak niyo, at hindi po ako nagkamali." Nakangiti si Kuya Damian habang nagpapaliwanag kay nanay. Napakasarap lang pakinggan ng mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.

Tumayo nang maayos si nanay at saka tumingin sa akin. May suot siyang shoulder bag at mas maayos na ang pananamit niya noon kumpara noong nandito siya sa bahay.

"Kuhanin mo ito," sabi niya saka inilabas ang isang smartphone na kulay itim. Hawak niya rin ang wallet at saka dumukot ng pera. "Nandiyan na ang number ko anak. Tatawagan kita at kakamustahin lagi. Tumawag ka lang din sa akin kung kailangan mo ng pera dahil nakahanap ang nanay mo ng mas magandang trabaho sa Bulacan," dagdag niya pa.

Tinitigan ko muna ang hawak niya. Hindi ko kinuha 'yon bagkus ay niyakap ko siya nang mahigpit.

"Sorry, anak. Sorry kung kailangang lumayo ni nanay. Sorry kung hindi kita sinama noong panahon na umalis ako. Sorry kung hinayaan kitang magdusa rito kasama ng tatay mo-"

"Hindi mo naman kailangang humingi ng tawad nay dahil hindi naman po ako minsan nagtanim ng sama ng loob sa inyo. Masaya ako na nandito na kayo at binalikan niyo ako. Sapat na po 'yon sa akin para malaman kong hindi niyo pa rin ako talaga inabanduna. Salamat, nay," wika ko at saka siya niyakap muli.

Nang kumalas ako ay si nanay na mismo ang naglagay ng smartphone at pera sa kamay ko. Siya na rin ang nagsara ng palad ko.

"wag kang mahiyang magsabi kay nanay ha?" paalala niya pa.

Tumango ako bilang sagot.

Hinawakan niya ang mga pisngi ko at pinagmasdan ang mukha ko. Kita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata kahit na nakangiti siya.

"Kapag handa ka nang sumama sa akin, tawagan mo lang ako. Pupuntahan kita agad," sabi niyang muli at saka ako hinalikan sa magkabilang pisngi at niyakap nang mahigpit.

Nang mabawi ang sarili niya mula sa pagkakayakap ko at panadalian niya akong pinagmasdan na tila ba inaaral ang bawat parte ng aking mukha. Pansin ko ang nagbabadiyang luha sa kaniyang mga mata ata nang pumatak ang ilang butil nito ay mabilisan niya ring pinunasan. Hinalikan pa ni nanay ang noo ko saka gumawa ng ilang hakbang palayo sa akin.

"Pasensiya na anak pero kailangan nang umalis ni nanay," sabi niya, bagay na nagpalaglag ng puso ko.

"Hindi po ba pwedeng sa susunod na araw na lang kayo umalis nay? Hindi niyo ba ako na-miss dahil ako po, sobrang nangulila sa pagkawala niyo." Mabigat ang bawat salita na lumabas sa aking labi. Kung pwede lang ay hatakin ko siya pabalik sa akin para hindi na siya ulit umalis pa at iwan muli akong nag-iisa.

"Kailangan ako ng lolo at lola mo, anak. May trabaho rin si nanay doon kaya kailangan ko nang bumalik at mahaba pa ang byahe," paliwanag niya.

"Kailangan din kita, nay," bulong ko sa hangin.

"Damian, sa 'yo ko muna ibibilin ang anak ko. Ikaw muna ang bahala kay Keifer. Maraming salamat." Pagkayari noon ay agad na lumabas si nanay ng bahay.

Hinabol ko siya at sinubukang pigilan pero hindi niya ako pinansin. Bumubuhos na ang mga luha ko at tuluyan nang nabasa ang bawat parte ng aking pisngi.

Ang pigil na iyak ni nanay ang isa pang dahilan kung bakit tila ba nilalamukos ang aking dibdib sa sakit. Hindi na siya nagbalak pang humarap sa akin. Halos yakapin ko na ang binti niya para pigilan siyang umalis ngunit hindi siya nagtinag. Iniwan niya pa rin ako.

Wala akong nagawa kundi ang umiyak at paulit-ulit na isigaw ang pangalan niya. May ibang kapit-bahay na nakakita sa nangyari at nag-umpisa na silang magbulungan ngunit hindi ko sila pinagtunan ng pansin. Masiyadong nadurog ang puso ko ngayon dahil sa pangalawang pagkakataon, iniwan na naman ako ng taong inaasahan kong magsasalba sa akin mula sa pait ng buhay. Ang sakit pala ng reyalidad. Parang isinampal sa aking wala akong karapatang sumaya.

Nahinto ako sa pag-hikbi nang maramdaman ang mga kamay na bumalot sa aking mga balikat na para bang niyakap ako mula sa likuran. Paglingon ko sa gilid ay bumungad sa akin ang maamong mukha ni Kuya Damian.

"Tara na," sabi niya sa malambing na boses.

Inalalayan niya akong tumayo hanggang sa paglalakad pabalik sa bahay. Pinaupo niya ako sa rattan na sofa at inabutan ng isang baso ng tubig.

Hawak ko pa rin sa mga kamay ang mga iniwan ni nanay. Isang itim na smartphone at pera na sa tingin ko ay nagkakahalaga ng tatlong libong piso.

Hindi ko ipagpapalit ang presensiya ni nanay sa ganitong mga bagay pero tatanggapin ko ito dahil kailangan ko. Sa katunayan ay pwede naman akong sumama sa kaniya sa Bulacan upang makawala sa tatay kong wala ng ibang ginawa kundi ang pagbuntunan ako ng galit at pagbuhatan ng kamay pero mahal ko siya. Hindi ko magagawang iwanan siya kahit na naisipan niyang kitilin ang buhay ko. Kahit na walang ginawang mabuti sa akin si tatay simula pa noon, alam kong darating ang araw na tatanggapin niya rin ako bilang anak niya. Hindi ko siya susukuan gaya ng ginawa sa kaniya ni nanay. Ako na lang ang meron siya at hindi ko magagawang abandunahin ang nag-iisa kong ama kahit na dumating ang punto na kailangan kong lumayo pandalian para rin sa kaniya.

"Salamat Kuya," sabi ko kay Kuya Damian matapos uminom sa binigay niyang basonng tubig.

"Anong plano mo?" tanong niya sa akin.

Saglit akong nagisip at saka tumingin sa pera na hawak.

"Ibibili kita ng gamot Kuya at ang matitira ay gagamitin kong pang-apply sa mga fast food restaurant. Kaya ko naman pong maging working student para makatulong sa gastusin sa bahay," paliwanag ko sa kaniya.

Hindi siya sumagot bagkus ay ngumiti lang siya sa akin nang tipid.

"Napakaswerte ng tatay mo dahil meron siyang kagaya mo," usal niya.

"Sana nga po ay mapansin niya rin ang halaga ko bilang anak niya, Kuya. Nakakapagod mahalin si tatay. Ilan beses ko man sabihing ayaw ko na! Pagod na ako! Suko na ako! Hindi ko pa rin talaga magawang iwanan siya at iabandona kagaya ng ginawa ni nanay. Kahit na kasama mo ako ngayon at nakatira tayo sa iisang bahay, naglalaro pa rin sa isip ko si tatay na mag-isa sa bahay. Kung nakakain na ba siya o ayos lang ba siya. Siguro nga ay hindi siya naging mabuting ama sa akin pero kahit anong gawin ko, paikot-ikutin man ang mundo, siya pa rin ang tatay ko," mahaba kong paliwanag sa kaniya.

Nagulat na lang ako nang yakapin ako ni Kuya Damian. Napakasarap sa loob ng mga bisig niya. Lahat ng agam-agam sa puso ko ay panandaliang nawala. Hindi ko alam kung anong ginawa niya para mapabuti ng ganito ang nararamdaman ko. Para siyang gamot na nakapagpawala ng bigat sa puso ko.

Pinakawalan niya ako at saka ako panandaliang tinitigan.

"Tara na? Uwi na na tayo?" tanong niya habang nakangiti nang tipid.

Tumango ako bilang sagot. "Opo. Uwi na tayo."

SEKYU 1 (BL) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon