Kabanata 8

2.7K 91 7
                                    

Nang sumapit ang gabi ay mag-isa akong kumain sa salas. Malungkot dahil hindi ko kasabay si Kuya Damian pero sa susunod na linggo ay pang-umaga naman na ang shift niya.

Naiayos ko na ang lahat-lahat. Nakapag-ligpit na ako ng mga pinggan. Pinasadahan ko rin nang pagwawalis ang buong bahay. Naiplantsa ko na ang dalawang uniporme ni Kuya Damian na nilabhan ko kaninang tanghali. Ngayon ay nasa silid niya ako. Nakahiga sa kuts'yon na hinigaan niya kanina. Nakabukas ang maliit na fan at nakatutok ito sa akin.

Amoy na amoy ko ang amoy ni Kuya Damian sa buong silid. Lalo na sa hinihigaan kong kuts'yon. Kinuha ko ang isang unan at saka niyakap 'yon. Iniisip ko na siya rin ang yakap-yakap ko.

Hindi ko mapigilang kiligin nang maalala ang nangyari kanina. Niyakap niya ako! Akala ko magagalit siya sa akin noong nadapa ako sa kaniya pero niyakap niya pa ako! Napakaswerte ko talaga kay Kuya Damian!

Ilang minuto ang lumipas saka ako dinalaw ng antok. Ipinikit ko ang mga mata at saka tuluyang nagpakahulog sa pagtulog. Bukas ay makikita ko siyang muli. Hindi na ako makapaghintay na makasama siya! Malandi na kung malandi pero isa si Kuya Damian kung bakit ako nagiging masaya. Kung wala siya ay uusigin ma naman ako ng isip ko sa mga mapapait na ala-ala sa bahay.

Naisip ko naman bigla tuloy si tatay. Kamusta na kaya siya? May nagluto kaya ng hapunan niya? Sana hindi na siya nagpapakalango sa alak ngayon dahil walang mag-aasikaso sa kaniya ro'n kung lasing siya. Si nanay kaya? Ano nang balita sa kaniya? Miss ko na si nanay. Sana mag-iba ang ihip ng hangin at makita kong muli siya. Gusto kong maramdaman ulit ang yakap niya. Sana unuwi na si nanay.

Pumihit ako sa kanang direksiyon habang yakap pa rin ang unan sa mga bisig. Hinayaan ko nang magpahinga ang sarili para sa bagong araw na haharapin kinabukasan.

~*~

Nagising ako sa kaluskos at nang magmulat ako ng mga mata ay nakita ko si Kuya Damian na naghuhubad ng damit niya. Napatakip naman agad ako sa mukha dahil sa hiya.

Narinig ko siyang tumawa.

"Para namang hindi mo pa ako nakikitang naka-boxer shorts. Halika na sa labas. Bumili ako ng goto sa nadaanan kong gotohan. Mag-almusal na tayo bago ako matulog," sabi niya sa akin.

Nauna siyang lumabas. Ramdam ko pa ang init sa mga pisngi ko dahil sa nangyari. Matagal pa siguro bago ako masanay sa tuwing nakikita ko siyang magtanggal ng damit. Iisa lang ang kwarto rito kaya lagi ko siyang makikita sa ganoong sitwasiyon dahil mahilig lang siya mag-boxer kapag nagpapahinga.

Tumayo na rin ako mula sa pagkakahiga. Nang makalabas ay nakita ko siyang nakaupo sa sahig habang nilalantakan ang dalang goto. Meron pang isa na nakalagay sa mangkok sa harapan niya.

"Tara na," pag-aya niya sa akin.

Tumango lang ako bago nagtungo sa lababo para maghilamos at mag-mouth wash. Nang matapos ay hinarap ko na rin siya at sinaluhan sa pagkain.

"Tutuloy ka ba sa pag-uwi?" tanong niya sa akin.

Tumango ako. "Sabado naman po ngayon at siguradong pumasok si tatay sa trabaho. Mabilis lang ako Kuya Damian. Hindi kasi ako makakapag-apply ng trabaho kung hindi ko kukuhanin ang mga dokumento ko," paliwanag ko saka humigop ng goto sa kutsara.

"Wala ka nga palang cellphone, ano? Paano mo ako mako-contact para alam kong ayos ka lang sa inyo? Baka mamaya nandoon ang tatay mo at saktan ka na naman niya." Nag-aalala siya sa akin at alam kong pinag-iingat niya lang ako dahil maaari naman kasi ang sinabi niya.

"Hihingi sana akong pamasahe Kuya Damian," nahihiya kong sambit.

"Sige. Hintayin mo ako at kukuhanin ko lang sa kwarto," paalam niya at saka umalis. Pagbalik niya ay iniabot nito sa akin ang isang daan.

SEKYU 1 (BL) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon