Nilaan ko ang isang libo sa gamot ni Kuya Damian at sa iba pang gastos sa paglilinis ng sugat niya. Ang isang libo ay itinabi ko para sa panggastos sa binabalak kong pag-aapply ng trabaho sa fastfood restaurant. Meron pang isang libo na maari kong gamitin na pang-gastos at pang-baon sa eskwela. Dahil sinunog din ni tatay ang mga damit ko at ang mga uniporme ko lang ang natira ay bumili na rin ako ng tatlong damit sa ukay na nagkakahalaga ng singkwenta pesos. Shorts na tigse-seventy five, tatlong piraso rin at saka isang kahon ng brief na may limang laman.
Meron pa akong apat na raan kaya naman inaya ko si Kuya Damian na kumain kami sa paborito niyang gotohan dito sa bayan. Ayaw niya kasing kumain sa Jollibee o Mcdo kaya naisip ko na hindi siya tatanggi kung dito ko siya aayain.
Nang maibigay sa amin ang orders namin ay nag-umpisa na kaming kumaing dalawa.
"Hindi mo naman kailangang bumili pa ng gamot para sa akin, Ki. Sana ay inilaan mo na lang sa pag-aaral mo ang pera na ibinigay sa 'yo ng mama mo," sabi sa akin ni Kuya Damian.
Nahinto ako at napatingin sa kaniya. "Hindi ko naman po kaya ng konsensiya kong tiisin kayo sa ganyang kalagayan. In the first place, si Tatay naman talaga ang may kasalanan kung bakit ka nasaksak," sabi ko sa kaniya.
"Ibabalik ko sa 'yo lahat ng nagastos mo sa gamot ko dahil pera mo 'yon. Bigay 'yon sa 'yo ng mama mo." Magsasalita sana ako pero pinigilan niya pa ako. "at huwag nang makulit, Keifer. Para sa pag-aaral mo 'yong binigay ni mama mo at hindi naman para sa akin."
Napabuntong-hininga na lang ako at mas pinili na lang na tumahimik. Hindi na rin naman ako mananalo at may punto naman talaga si Kuya Damian.
Pinagpatuloy namin ang pagkain. Nang mayari ako ay humingi ako ng tubig sa serbidora. Binigyan niya ako ng dalawang baso at natuwa pa ako nang makita ang maliliit na tipak ng yelo sa loob. Nagpasalamat ako saka iniabot kay Kuya Damian ang isang baso.
"Ano pong balak mo? Hindi ka pwedeng magtrabaho sa kalagayan mo! Baka pwedeng ipahinga mo muna ang sugat mo Kuya Damian para mas mabilis na humilom," suhestiyon ko sa kaniya.
"Tama ka, Keifer. Pero hindi ako maaaring tumagal ng dalawang araw na nakaliban sa duty. Kawawa naman si Mang Jerry dahil wala naman siya ibang kapalitan kundi ako lang. Isa pa, naipapahinga ko naman sa guard house ang sarili ko kaya kapag kaya ko na ay babalik agad ako sa trabaho," sanaysay niya.
Inabot niya sa akin ang baso ng tubig at sabay naming ininom ito.
...
Lumipas ang mga araw at kagaya ng napag-usapan namin ay bumalik nga agad si Kuya Damian sa duty niya. Araw-araw ko siyang pinag-aasikaso ng baon para naman may makain siya sa oras ng tanghalian. Nakakataba rin ng puso na kasama ko siya dalawang gabi na simula noong insidente dahil umaga ang duty niya sa Beverly Heights.
Iba't-ibang kwento ang napag-usapan namin ni Kuya Damian at dahil doon ay mas nakilala ko pa siya. May takot sa puso ko na baka kapag nahulog ako ng sobra sa kaniya ay baka hindi ko na magawa pang makaahon. Kahit na may pangamba ay hinayaan ko lang ang sarili na hangaan siya lalo na alam kong hanggang doon lang naman ang nararamdaman ko. Alam ko naman ang limitasiyon. Hanggang doon lang ako sa hangganan na iyon at hindi na maaari pang sumobra.
Kaninang umaga bago pumasok ay dumaan ako sa bayan upang ipasa ang mga resume ko sa iba't-ibang klase ng fast food restaurant na nadaanan ko. Miski karinderya ay pinagpasahan ko rin, nagbabaka sakaling may tatanggap sa akin kahit isa lang sa kanila.
Lahat sila ay iisa lang ang naging sagot sa akin, 'yon ay ang maghintay ng tawag. Umaasa naman ako na meron pa ring tatawag sa akin kahit papaano. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagtrabaho ako para kumita ng pera. Bata pa lang ako ay katulong na ako ni nanay sa paglalako ng mga kakanin at mga meryenda sa buong baranggay namin. Kung minsan ay ako pa ang gumagawa ng ibebenta ko para lang magkaroon ng pera pambaon kinabukasan. Kung matatanggap man ako sa fast food o sa simpleng karinderya, alam kong maibibigay ko ang lahat ko para magampanan ang trabaho na ilalaan nila sa akin.
Mabuti na lang ay hindi tirik ang araw ngayong hapon kaya naman hindi mainit ngayon sa loob ng klase. Makulimlim ang kalangitan, kalmado ang kapaligiran at tanging ang boses lang ng English Teacher namin ang maririnig mula sa diskusiyon niya ngayong araw.
Napalingon ang guro namin sa labas dahilan para magsilingunan na rin ang lahat sa gawing 'yon.
Mula sa pinto makikita ang isang pamilyar na tao mula sa aking buhay. Nakangiti siya sa guro namin at bahagyang kumaway.
Kumunot naman ang noo ko nang tumapon ang tingin niya sa akin. Bigla rin kasing naglaho ang matamis na ngiti sa mukha niya na para bang hindi siya masayang nakita ako mula sa matagal naming hindi pagpapansinan.
"Pwede pong excused muna para kay Keifer Guillermo? May importante lang pong sasabihin tungkol sa tatay niya. Salamat po," dire-diretsong paalam ni Hunter habang nakatingin pa rin sa akin.
Sa puntong 'to, lalo na noong narinig ko ang pangalan ni tatay, hindi ko na napigilan pa ang sarili na maramdaman ang pagkabuhay nang matinding kaba sa puso ko. Anong problema kay tatay?
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL) Completed
General FictionCOMPLETED Alam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hinayaan niya pa rin ang pusong mahulog ng husto sa mg...