Kabanata VII

1.1K 60 24
                                    

Pagkaraan ng isang linggo, natukoy ko na agad ang malaking pagkakaiba ng magkapatid na Lemuel.

Si Sylvan, aktibo sa mga gawaing pisikal. Mas mahaba ang ginugugol nitong oras sa labas ng opisina. Kaya't hindi na 'ko nagtataka na ito ang paboritong boss ng mga tauhan nila.

Si Alvaro naman, laging nasa loob ng opisina. Siya ang kumakatawan sa mga transaksyong pang-administrasyon. Hindi maipagkakaila ang galing at talino niya sa pagdedesisyon para sa ikabubuti ng negosyo.

Mailap nga lang si Alvaro sa mismong mga tauhan nila. Napapansin ko ang disgusto sa kanya ng ilan. Mahigpit at madamot daw sa ngiti. Nahihirapan daw huminga ang mga tauhan kapag nasa malapit siya.

Ah. Normal lang pala ang nararamdaman ko sa presensiya niya, kung gano'n? Nahihigit ko lagi ang paghinga ko sa tuwing nakikita ko si Alvaro...

"Mabait iyon."

Laging sinasabi ni Sylvan, pinagtatanggol palagi ang kapatid sa mga tauhan.

"Tahimik lang talaga. Mahilig mag-isip si Alvaro kaya hindi nakakausap. Ngunit sinisigurado ko sa inyo, ang iniisip niya palagi ay para sa ikabubuti ng kabuhayan niyo—nating lahat."

Gusto kong isipin na magkaparehas kami ni Alvaro Lemuel. Mas pinipiling makipag-usap sa sarili, mag-obserba, mas malalim na suriin ang mga bagay-bagay.

Magkakasundo siguro kami kung hindi lang...

Napabuntong-hininga na lang ako sa panghihinayang. Pagkuwa'y tumingala ako sa kalangitan.

Sa mga ulap, iniisip ko kung nando'n ba si Mama. Hindi ko na iisipin kung nando'n din ba ang Diyos dahil kahit saan naman ay nando'n daw Siya.

Ngunit sa ngayon, wala na muna akong tanong sa Kanya.

"Tia," tawag sa 'kin ni Salem. "Ipinapatawag ka ni Don Tomas. May bisita yata kayo."

"Salamat, Salem." Ibinilin ko sa ibang tauhan ang pagsuri sa mga koprang iaangkat ngayong araw.

Sa paglalakad pabalik ng mansyon, sumabay sa 'kin si Salem na pabalik naman sa opisina.

"Buti't nandito ka ngayong araw, Tia. Isang linggo ka ring nasa Lemuel Farm. Kumusta naman do'n?"

"Marami akong natutunan kay Sylvan at Alvaro. Mahusay silang magturo ng mga trabaho."

Napatango-tango ito. "Alam mo, hanggang sa ngayon ay hindi ko matukoy kung bakit kailangan ka pang doon magpahasa. Maaari namang ako na lang ang magturo sa 'yo rito."

"Nais ni Papa na matuto ako mismo sa sakahan ng mga Lemuel."

"Bakit daw?"

"Ang pagkakaintindi ko, baka may planong mag-negosyo rin si Papa ng sakahan. Baka may planong bumili si Papa ng bagong lupa at puwedeng pagtaniman ng palay," simpleng sagot ko. Hindi na kailangang malaman ni Salem ang iba pang inuutos sa 'kin ni Papa.

"Tila nga nabanggit 'yan ni Don Tomas. Sabagay, lahat naman ng klaseng negosyo ay magagawa niyang pasukin. Magaling ang iyong ama, Tia. Sigurado ako, minana mo 'yon at mamanahin mo lahat ng lupain at negosyo niya sa hinaharap."

Naramdaman ko ang pag-alalay sa 'kin ni Salem nang dumadaan na kami sa hindi pa patag na daanan. Madulas ang lupa kahit hindi naulanan at may mga malalaking ugat din ng puno–na nakakatapilok kung hindi mag-iingat.

Nasanay na 'ko sa daanang ito.

Hinawakan ako ni Salem sa siko kahit hindi ko naman kailangan ng pag-alalay. Pinabayaan ko na lang ito. Out of habit siguro iyon dahil baka batang maliit pa rin ang tingin sa 'kin nito.

Kiss Me One Last (Lemuel Bros. #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon