"Ayaw ko na!"
Mga salitang binanggit ko ng makalapag ang private jet na sinasakyan ko sa apron. Bumaba ako kaagad kung saan sinalubong ako ng ilang staff.
"Sir Claude, may meeting pa po kayo kay--" natigil ito sa pagsasalita ng huminto ako sa paglalakad.
Bumaling ako sa kaniya at kinuha ang tablet na hawak niya. Tiningnan ko ang schedule ko sa araw na ito. Kakalapag ko lang galing sa Taiwan, lilipad na naman ako papuntang Thailand mamayang gabi.
"Updated schedule na po 'yan," saad niya.
Napahinga ako nang malalim kasabay ang paghawak ko sa noo ko. Dalawang linggo na puro ganito ang lakad ko kaya halos hindi na ako makauwi sa amin lalo na kina Skye at Lucian. Malapit na ang birthday nila at gusto ko sana kasama nila ako sa paghahanda ng mahalagang okasyon sa buhay nila.
Ngunit sa bawat araw na nagdadaan, mas lalong hectic ang nagiging schedule ko. Mukhang binabawian ako dahil nadadalas noong nakaraan ang pag-alis ko na lang bigla sa gitna ng trabaho, o pag-uwi ko ng mas maaga. Huling kita ko sa mag-ama ay tatlong araw na ang nakakalipas. Aba'y naging alipin na ako ng sarili kong trabaho.
Hindi p'wede! Hindi ito ang pinangarap ko noon habang may trabaho ako. Gusto ko pa ring mag-enjoy!
"Paki-cancel lahat ng meeting ko at may pupuntahan akong importante," bilin ko sa secretary ko.
"Pero Sir..." tututol pa sana ito ng iabot ko sa kaniya muli ang tablet at naglakad na.
Ang gusto ko lang gawin ngayong araw ay makita ang mag-ama at magpahinga. Ginagawa ko ng ibang barangay ang ibang bansa na babyahe ako, after ng isa o dalawang oras na meeting babalik ako sa Pilipinas o kaya lipad naman uli sa ibang bansa.
Hindi na ako nag-abala pang tumungtong sa opisina ko dahil dumiretso ako kaagad sa nakaparada kong kotse. Pinaandar ito hanggang sa makarating ako sa Portus.
Pagkarating doon, nagtungo ako kaagad sa opisina ni Kuya Claudio na alam kong nandito. Hindi nga ako nakamali. Salubong ang kilay niya ng makita akong pumasok sa loob ng opisina niya.
"Why are you here?" bungad na tanong niya na ibinaba ang hawak nitong folder.
Napabuntong hininga ako saka mas lalong lumapit sa kaniya. Umupo sa bakanteng upuan sa harap ng lamesa niya na sinusundan ako ng tingin.
"Ayaw ko na," pag-uulit ko sa mga salitang binanggit ko kanina.
"Anong ayaw mo na?" balik-tanong niya na may pagtatakha sa mukha.
Isang malalim na paghinga ang ginawad kong muli. "Ang sabi ko po sa'yo noon, sa oras na malaman ko na ang gusto kong gawin talaga, ikaw po ang unang makakaalam," paninimula ko.
Napatango naman ito. "Direktahin mo na ako, Claude," tugon niya na mas lalo kong nakuha ang atensyon niya.
BINABASA MO ANG
Smoke and Mirrors
HumorSmoke and Mirrors (idiom): irrelevant or misleading information serving to obscure the truth of a situation Claude Hesita is an aviation student who needs to disguise as a speech therapist. Hindi siya maaring pumasok sa isang gulo na malalaman ng ka...