Nagpumilit si Kairo na sa apartment ko matulog noong mga oras na iyon.
Ang dahilan niya ay delikado raw lalo at mag-isa lang ako.
Para namang hindi ako nabuhay ng tatlong taon sa lugar na iyon nang walang nangyayaring masama sa akin.
Pero dahil gusto ko rin naman ang ideyang sa iisang bubong kami matulog ay hinayaan ko na.
Gusto ko pa ngang magtabi na lang kami sa maliit kong kama pero ayaw niya talagang magpapilit kaya naman ipinagkasya niya ang sarili sa sofa na nasa aming sala.
Mabuti nga at napalitan ko ang cover noon kaya hindi amoy laway ang sofa. Madalas pa naman akong makatulog doon sa tuwing pagod na pagod galing sa trabaho.
Maaga akong nagising kinabukasan dahil balak kong paglutuan si Kairo ng almusal pero mukhang early bird ang lalaki dahil paglabas ko sa aking kwarto ay wala na siya sa kaniyang kinahihigaan.
May kakaibang amoy akong nasisinghot mula sa kusina kaya naman pumunta ako doon at laking gulat ko nang makitang naroon si Kairo at mukhang may niluluto.
Magkasalubong ang kilay nitong hinahalo ang laman ng kawaling nasa kaniyang harapan tapos sa gilid niya ay naroon ang kaniyang iPad na mukhang ginamit niya upang manood ng tutorial. May apron pa ito kaya akala mo ay expert chef.
“Good morning.”
Gulat itong napalingon sa aking gawi pero agad din naman akong ginawaran ng isang ngiti.
Kahit na maaga pa ay hindi maikakaila ang kaniyang gwapong pagmumukha. Para itong si Apollo na ginawang tao at ibinaba sa lupa para paglutuan ako ng almusal.
“Mornin’.” His deep voice was enough to lighten up my morning.
Lumapit ako sa kaniya para silipin ang kaniyang niluluto. Pinigilan ko ang mapangiwi nang malanghap ko nang malapitan ang amoy noon.
Hindi ko maintindihan dahil mukhang adobo ang kaniyang niluluto pero ang amoy ay parang sunog na paksiw. Amoy pa lang ay parang may mali na.
“Adobo ba yan?” tanong ko para makumpirma ang hula.
He hesitantly nodded. “Uh, yeah?”
Pasimple kong kinusot ang aking ilong para matanggal ang hindi kanais-nais na amoy.
“Ano iyong itim-itim?”
Tukoy ko sa maliliit na sangkap na sobrang itim. Kumakapit ito sa karne na sa tantiya ko ay nasobrahan sa paggisa dahil malapit na itong maging bagnet.
“Uh…” Kinamot niya ang kaniyang kilay kasabay ng pamumula ng kaniyang mukha. “It’s garlic.”
“Bawang?” Hindi makapaniwalang ulit ko at pinanood siyang kumuha ng mangkok at inilipat ang niluluto doon. “Nasunog?”
Masama ang tingin niyang nilingon ako habang inilalagay sa mangkok ang adobo niya na mukhang nasobrahan na sa pagkakaluto.
“It’s not my fault!” He immediately denied.
“Eh kanino?”
He rolled his eyes. “Your pan heats so easily so basically, it’s your pan’s fault.”
Natawa ako sa kaniyang sinabi.
“Take a seat…” aniya at pinaghila ako ng upuan.
Nasa hapag na ang niluto niyang adobo at may nakahain na rin doong kanin na umuusok pa pero kahit medyo may distansiya ako mula doon ay nakikita kong medyo basa iyon. Alam kong hindi iyon dahil sa bago itong luto kundi dahil nasobrahan sa tubig.
