Masaya kaming naglalaro ni Lira sa aking silid. Ginintuan para sa akin ang mga ganitong sandali. Sa paraang ito, nararanasan kong maging bata muli. Napakasarap pala talagang maging bata, mas napagtatanto ko na ang sinasabi ko habang tinitingnan ko ang kapatid kong pitong taong gulang pa lamang.
"Bagay ba sa akin ang koronang 'to, Ate?"
Tiningnan ko siya. "Bagay na bagay, para kang totoong prinsesa."
Kumislap ang kanyang mga mata. "Sabi ni Kuya Noel, paglaki ko raw, may mga prinsipeng darating sa buhay ko para gawin akong reyna. Nangako po siya na tutulungan niya ako para malaman kung sino sa kanila ang dapat piliin ko."
"Ano namang alam niya sa bagay na iyon?" bulong ko sa sarili ko.
"Ate? Nakikinig ka po ba?" tanong ng kapatid ko.
"Oo naman. Sinabi niya iyon?"
"Opo. At magiging masaya raw kami ng prinsipeng iyon. Kaya lang wala na po siya." Para bang nalungkot ang kapatid ko. Bahagya akong nainis kay Noel. Ang galing niya talagang mangako.
"Almira?"
"Bukas 'yan."
Bumukas ang pinto.
"Lira," sabi ni Ate. "Halika muna, may bisita si Ate Almira mo."
Tumakbo si Lira sa kanya.
"Ako na lang magtatabi ng mga laruan niya mamaya," sabi ko kay Ate. Ngumiti siya sa akin at isinara na ang pinto.
Umupo kami ni Jelyn sa aking kama.
"Almira," malumanay na sabi ni Jelyn.
"May problema ba? Hindi ka naman ganiyan, ang tamlay-tamlay mo ngayon."
"Wala naman. Ano kasi—" Tumigil siya.
Hinawakan ko ang kamay niya. "Jelyn."
"Si Diego kasi."
"May problema ba?"
"Kapag ba niligawan ka niya—" Huminto siya. "May pag-asa ba si Diego sa 'yo kung sakali?"
Natawa ako. "Si Diego?"
"Oo. Hindi mo ba nahahalata? Parang may gusto siya sa 'yo."
"Jelyn, kaibigan lang ang tingin ko sa kanya. Isa pa, alam kong kaibigan lang din ang tingin niya sa akin."
"Paano mo nasabi?"
"Paano mo ba nasabi na may nararamdaman siya sa akin?"
"Palagi niya kasi tinatanong kung tapos ka na kay Noel."
"Tinatanong din naman ako nina Lucio at Carlos tungkol doon. Normal ang lahat Jelyn."
"May hihilingin sana ako."
"Ano 'yon?"
"P'wede bang h'wag mo siyang pagbigyan kung sakaling—"
"Iyon lang ba? Makasisiguro kang hindi ko siya pagbibigyan."
"Talaga? Pangako?"
"Oo naman."
Niyakap niya ako. "Salamat."
"Sinasabi ko na nga ba. Mahal mo nga si Diego."
---
"Almira!"
Lumingon ako sa pinanggagalingan ng tinig.
"Diego?"
"Sabay na tayong pumasok."
"Tayo?"
BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomanceMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...
