Kabanata III

183 13 0
                                    

Bahagya akong nainis na ako pa ang inutusan ni Mama na sumundo kay Lira. Dati-rati ay si Kuya ang sumusundo sa kanya pero ngayon ay ako ang inutusan niya. Bakit nga ba? Ang dami-dami kong tinatapos na proyekto sa paaralan, ngayon pa ako binigyan ng gawain.

Napakaraming tao ngayon dito sa sentro. Humahalo pa sa hindi ko magandang timpla ang paulit-ulit na pagkabangga sa akin ng kung sino-sino. Kung sana ay isa lamang sa mga taong nakikipagsiksikan sa masikip na bangketang ito ang nawala kong pag-ibig. Kahit mabangga niya ako nang ilang beses ay hindi ako magagalit basta masilayan ko lang siya muli. Isa pa ay sanay na akong nasasaktan nang dahil sa kanya kaya mabangga man niya ako o kahit matapakan pa ay hindi ko na iyon mararamdaman.

Sinalubong ako ni Lira ng isang mahigpit na yakap. Napakalambing talaga ng aming bunso. Nawala lahat ng pagkairita ko. Masayang-masaya siya. Paano ay mayroon siyang tatak na bituin sa kanyang kamay, sagisag na siya naging mahusay sa araw na iyon. Alam ko ang pakiramdam niya dahil ganoon din ako noong nagsisimula pa lamang mag-aral, pakiramdam ko ay napakagaling ko na at tila alam ko na ang lahat. Subalit nagkamali ako. Marami pa palang dapat matutunan at hindi natatapos ang pagkatuto habang nagpapatuloy ang buhay.

Bumibili kami ng sorbetes nang saglit na tumigil ang daigdig. Nananaginip ba ako o gumagana na naman ang imahinasyon ko? Paanong--

"Kuya Noel!" sigaw ni Lira. Totoo nga.

"Lira!" Patakbo siyang lumapit sa amin.

Nadurog ang puso ko--nadurog pa ang dati nang durog--pero pinilit kong ngumiti na para bang hindi nasasaktan. Tumakbo siyang hawak ang kamay ng isang babae na ngayon ko lamang nakita, at sana ay hindi ko na lang nakita.

"Kumusta?" tanong niya sa akin.

"Mabuti naman ako," sagot ko na may kalakip na pilit na ngiti.

"Mabuti naman. Siya nga pala si Bernadette, kasintahan ko."

Ngumiti sa akin ang babae. Napakaganda pala ng mukha nito sa malapitan. Ngumiti ako pabalik.

"Bernadette Ruiz," sabi niya sabay abot ng kamay niya.

Inabot ko ang kamay ko. "Almira Rivera."

"Kababata ko siya," sabat ni Noel.

Para bang gusto kong lumubog sa kinatatayuan ko. Kababata lang ako?

"Paano? Aalis na kami, marami pa akong gagawin."

"Sayang naman, yayayain ko pa naman sana kayo ni Lira na magmeryenda kasama namin."

"Naku, pasensya na talaga."

"Hindi ko kasi alam kung babalik pa ako rito. Sa Maynila na kami permanenteng maninirahan, may inasikaso lang kami riyan sa city hall."

"Magkikita pa naman siguro tayo. Paano, mauna na kami, ha. Mag-iingat kayo."

Pag-uwi namin sa bahay, hindi maipinta ang mukha ko. Nadatnan ko si Kuya kasama ang isang babaeng ngayon ko lamang nakita.

"Sino siya?" tanong ko.

"Si Kara, girlfriend ko."

"Kumusta?" Nakangiti at mahinahong nagsalita ang aming bisita.

Hindi ko siya pinansin.

"Girlfriend mo?" baling ko kay Kuya. "Kaya hindi ikaw ang sumundo kay Lira dahil sa kanya? Ang sasama ninyo! Makasarili kayong lahat!"

Patakbo akong umakyat sa silid ko. Hindi ko pinansin ang pagtawag sa akin ni Mama. Kahit ilang ulit niya pa akong tawagin para humingi ng tawag sa Kara na iyon ay hinding-hindi ako bababa para sundin ang sinasabi niya. Ngayon lang ako magmamatigas, hindi ba maaari iyon? Kung alam lang nila ang nangyari. Kung alam lang nila ang lahat. Pero paano nila malalaman kung hindi ko sinasabi? Paano ko sasabihin kung alam kong magagalit lang sila dahil sumuway ako?

Tulala lamang akong nakatingin sa labas ng bintana. Nakita ko si Althea, may ibang lalaki na namang kasama. Hindi ko talaga maintindihan si Ate kung bakit nananatili pa rin siyang kaibigan nito. Sa totoo lang, natatakot ako na dumating ang panahon na magaya ng kapatid ko ang mga gawi ni Althea.

Tuluyan nang nawala sa paningin ko si Althea at ang kasama niya. Iyon siguro ang sinasabi ni Ate na bagong kasintahan nito. Naawa ako bigla sa sa totoong kasintahan niya na nakatira raw sa mas liblib na parte pa ng lugar na ito. Mas nahabag ako sa kanya kaysa sa sarili ko. Mas mabuti pa palang matapos ang hindi na kayang dugtungan kaysa ipilit pa at patuloy ka lang masaktan. Anong klaseng lalaki ba iyon? Bakit nananatili pa rin siya kay Althea kahit na alam niya ang mga ginagawa nito?

Malupit ang pag-ibig kung minsan at hindi makatarungan sa maraming pagkakataon. Kaya marahil ayaw pa nila na magkaroon kami ni Ate ng kasintahan. Labing-anim na taong gulang lamang ako at siya naman ay isang taon lang ang tanda sa akin, kumpara kay Kuya na dalampu't anim na taong gulang na.

Nabalisa ako bigla nang maalala ang mga ginawa ko kanina pag-uwi rito sa bahay. Nagsisi ako. Mamaya ay hihingi ako ng tawad sa kanilang lahat.
---

Sa hindi ko na mabilang na pagkakataon mula noong iwanan ako ni Noel ay lumuhod muli ako sa harap ng anghel na si Gabriel; umiiyak, nagmamakaawa na bumalik na sa akin ang kaisa-isang lalaking inibig ko. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Pagod na pagod na rin akong magpanggap sa mundo na masaya ako.

Ang totoo, simula nang mawala siya ay tila nawalan na ako ng gana sa lahat ng bagay. Kinalimutan ko na rin marahil ang mga bagay na nagpapasigla sa akin noon kaya hindi na nila ako nagagawang pasayahin ngayon. Tumigil na ako sa pagguhit dahil walang ibang naiguguhit ang lapis ko kung hindi ang kanyang mukha. Hindi na rin ako nagpipinta dahil sa tuwing susubukan ko ay isang larawan lamang ang nakikita ko: ang sandaling wala akong nagawa kung hindi tanawin ang papawalang imahe niya. Isa lamang ang nais kong gawin ngayon, ang magsulat.

Hindi naman talaga ako mahilig magsulat noon. Madalas ay pinagtatawanan ko pa ang mga isinusulat ni Katrina noon, kahit pa aminado ako na magaganda ang mga iyon. Natatawa lamang ako sa pagiging makata niya, lalo sa mga malalalim na salitang ginagamit niya. Subalit ngayon, pagsusulat ang siyang nagiging sandalan ko sa tuwing wala akong makausap o ayaw kong makipag-usap sa kahit na sino. Sa iba't ibang simbolo katulad ng puno, bulaklak, ulan, bahaghari, bituin, buwan, araw, at iba pa ay nagagawa kong ikubli ang mga damdaming nais kong ipagsigawan sa daigdig.

Sa kabila ng pag-ibig ko sa pagsusulat ay hinahanap-hanap ko pa rin ang pakiramdam na idinudulot sa akin ng pagguhit at pagpinta na limang taon pa lamang ako ay ginagawa ko na. Kailan ko kaya muling magagawa ang mga iyon?

Muling tumulo ang aking mga luha. Mahal na mahal ko pa rin si Noel. Pero dapat pa ba akong maghintay? Tila nilimot na niya nang ganap ang kahapon naming dalawa.

Hindi pa rin nawawala sa isipan ko ang magandang mukha ni Bernadette. Sino ba naman ang hindi maaakit sa ganoon kaamong mukha? Parang nasa harapan ko lamang sila,  patakbong lumalapit habang magkahawak ang mga kamay? Waring naririnig ko pa siya habang ipinapakilala ako bilang kababata niya. May balak kaya siyang sabihin kay Bernadette na ang kababatang ipinakilala niya ang una niyang pag-ibig?

Unang pag-ibig—parang may punyal tumurok sa aking dibdib. Inibig niya ba talaga ako? Pag-ibig nga ba talaga iyon?

Kung ganoon ay bakit naging napakadali sa kanya na isuko ang pagmamahalan namin? Bakit nagawa niya kaagad akong palitan? Bakit sa isang iglap ay nakalimutan na niya ang aming nakaraan?

Pag-ibig nga ba iyon o tinawag lang naming pag-ibig dahil masyado pa kaming bata noon para maunawaan ang kahulugan ng pagmamahal?

Sa gitna ng pagpatak ng mga luhang hindi ko maampat ay ang paglapag ng isang mapagmalasakit na kamay sa aking balikat, na hindi ko pa nililingon kung kanino ay alam ko nang isang anghel ang nasa likod ko. Hindi kaya si San Gabriel ang humahaplos sa akin ngayon?

"Sabi ko na nga ba may problema ka."

Pamilyar ang tinig na narinig ko. Nilingon ko siya—hindi nga ako nagkamali.

***
(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

Nagbalik na AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon