Ikawalo at kalahati ng gabi. Natapos akong magsulat. Alam ko na hindi maipapaliwanag ng mga liham ang lahat tungkol sa desisyon kong umalis pero malaki ang maitutulong nito sa kanila.
Bago magtupi ay isa-isa ko munang babasahin ang mga maiikling liham ko para sa kanila. Una kong babasahin ang para sa aking mahal na ina.
Mama,
Naaalala mo pa ba 'yong sinabi mo sa akin no'ng bata pa ako? Sabi mo nagbabago ang gusto ng bawat tao. Tama po kayo.
Hindi ko man po maipaliwanag kung paanong mula sa paglalaro ng manika ay nahilig akong gumuhit at pagkatapos ay nahilig sa pagsusulat. Hindi ko po alam kung ito na ba ang talagang nais ko o magbabago pa. Isa lang po ang alam ko, maraming magbabago. Ngunit, tandaan mo po sana na hindi magbabago ang pagmamahal ko sa inyo. Hindi nagbabago ang alaala, nakalilimutan lamang ang ibang detalye ng kahapon. Subalit, kung may isang alaala man na hinding-hindi mawawala sa puso at isip ko, ito ay ang mga saglit na ipinaghehele mo ako sa duyan ng pag-ibig mo—kung kailan ang mundo ay isa pang perpektong paraiso.
Patawad po kung umalis ako nang hindi personal na nagpaalam. Alam ko po na hindi kayo papayag na lumayo ako pero sana po ay unawain ninyo ako. Ipagdasal po ninyo ako. Isang araw, magugulat na lang po kayo na nagbalik na ako.
Almira
Itinupi ko ang liham at isinunod basahin ang para sa aking ama.
Papa,
Noong pitong taong gulang ako at si Ate naman ay walong taong gulang, tinuruan mo kaming magpalipad ng saranggola. Sabi po ninyo, katulad ng saranggola ay marurupok ang mga pangarap ngunit nasa may hawak pa rin ng pisi, nasa nagpapalipad pa rin kung mahahalikan nito ang langit o wasak na babagsak sa lupa. Mahirap po ang magdesisyong lumayo para tumalikod sa buhay ko rito at humarap sa mga pangarap. Aalis po akong may tinalikuran at maglalakbay upang may harapin. Balang-araw magpapaliwanag po ako. H'wag po sana kayong magalit. Pang-unawa po ang kailangan ko ngayon. Pangako, hindi ko po kayo bibiguin.
H'wag po ninyo kalimutang sabihin kay Lolo na mahal na mahal ko siya tuwing dadalaw kayo sa kanya, ha? Saglit lang po akong mawawala, hindi ninyo mamamalayan. Pasensya na po kung dinaan ko sa sulat ang pagsasabi na umalis na ako. H'wag po kayong mag-alala, personal ko pong sasabihin na, "Nagbalik na ako."
Almira
Dinampot ko ang para kay Kuya.
Kuya,
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin sa'yo. Nalulungkot ako. Ikaw ang nagturo sa akin na tumugtog ng gitara, napakahusay mo pagdating sa musika ngunit tila labis kang nalilito sa pagtotono ng buhay-pag-ibig mo. Hindi mo man hingiin ang opinyon ko ay alam kong kailangan mo ng payo. Siguro, natuwa ka lang nang husto noong nakita mo siya ulit at naging malapit kayo sa isa't isa. Sa puso mo, alam mong si Ate Kara ang mahal mo.
Alam kong alam mo iyon. Bago mahuli ang lahat, gumawa ka ng paraan. Ang distansya ay hindi nasusukat sa dami ng bansang namamagitan sa dalawang nilalang, ang tunay na distansya ay masusukat lamang kapag panahon na ang pumagitna.
Sana hindi na ganito, sana kayo na ulit ang magkasama kapag nagbalik na ako.
Almira
Sinimulan kong basahin ang para kay Ate.
Ate,
Palagi tayong nag-aagawan noon pero dahil sa sinabi mo na ipapaubaya mo na lang sa akin si Anna dahil mas mahalagang maging masaya ako ay hindi na ako nakipag-agawan pa sa 'yo kahit kailan. Sa edad na pito at kalahati ay nagawa mong itatak sa isipan ko na mas lumiligaya pala ang tao kapag may napapasaya siya.

BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomanceMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...