Kabanata X

129 9 0
                                    


Unang araw ng Nobyembre ngayon. Malungkot ako hindi lang dahil sa Araw ng mga Patay ngayon, kung hindi dahil sa hindi na kami magkaklase ni Lio sa pasukan. Naiinis ako. Pero, mainam na siguro ito. Mas mapadadali marahil ang paglimot ko sa nararamdaman ko sa kanya kung matagalan na bago kami magkita.

"Anak, halika na." Si Papa iyon. "Umuwi na tayo."

"Dito na lang po muna ako kay Lolo," sagot ko.

"Sigurado ka?" tanong ni Mama.

"Opo."

Umalis na sila. Alam nila kung gaano ko kamahal ang lolo ko. Matagal akong naging bunso kaya ako ang madalas kalungin ng lolo ko. Isa pa, kahit isang taon lang ang agwat namin ni Ate ay mas malambing talaga ako. Mga bata pa lamang kami ay para nang matanda kung mag-isip ang kapatid kong iyon. Marami siyang nagagawa sa bahay kahit na hindi siya turuan. Napakaresponsable niya samantalang ako ay walang gustong gawin kung hindi ang maglaro. Mabuti na lang at hindi rin naman kami pinipilit na gumawa sa bahay, kung sino lang ang may gustong tumulong.

Pitong taon nang patay ang lolo ko. Matagal na ngunit hindi ko pa rin talaga tanggap na wala na siya. Dumudugo pa rin ang sugat.

Hinaplos ko ang lapida habang nakaupo sa damo. "Lolo."

Pumatak ang luha ko. "Ang daya mo talaga. Sa susunod na taon, magtatapos na ako ng kolehiyo. Hindi mo man lang hinintay. Ilang birthday ko na rin ang hindi mo na napuntahan, pati ang debut ko hindi mo na inabutan. Pati ang kasal ko, hindi mo na mapupuntahan." Humikbi ako.

Bahagyang lumamig ang ihip ng hangin kasabay ng paglitaw ng isang itim na paru-parong kulay pula ang katawan. Ngayon ko lamang ulit nakita ito. Madalas kong makita ito noon kapag pinupuntahan ko si Lolo sa bukid. Bata pa ako noon kaya wala pa akong malay sa mga pamahiin, ngunit ngayon ay batid ko nang naniniwala ang mga tao rito na ang mga paru-paro ay may kaugnayan sa kamatayan ng tao. Hindi ako naniniwala rito ngunit ngayon ay parang naiisip ko na ito ang sumundo sa aking lolo.

Hindi ko sana hinaharap nang mag-isa ang lahat ng ito kung buhay ang lolo ko. May nahihingian sana ako ng payo. May umaalo sana sa akin sa tuwing iiyak ako. May yumayakap sana sa akin kapag nalulungkot ako dahil sa pag-ibig.

Hahampasin ko sana ng payong na dala ko ang paru-paro ngunit bigla kong nakita ang isang puting paru-paro sa kanyang tabi.

"Lolo?"

Inikutan ako ng puting paru-paro. Pakiramdam ko ay niyakap ako ng aking lolo. Umagos ang luha ko. Umalis na ito, lumipad palayo. Sinundan ko ito ng tingin.

Tumigil ito sa 'di kalayuan. Umikot sa isang babaeng nakasuot ng kulay rosas na blusa at maong na pantalon. Sandali lamang, parang kilala ko siya.

Hinaplos ko ang lapida ni Lolo. Hindi ko alam kung may kinalaman nga siya o nagkataon lamang ang lahat pero nakaramdam ako ng tuwa. Pinunasan ko ang aking luha.

"Salamat, Lolo. Alam mo talaga kung kailan ko kailangan ng kausap."

Agad kong pinuntahan ang babae.

"Dito rin pala siya nakalibing," sabi ko.

Ngumiti lang siya.

"Hindi ba nabanggit ni Kuya na pupunta kami rito?" tanong ko habang nakatingin sa kandilang sinindihan ni Ate Kara sa puntod ni Julian.

"Hindi. Isa pa, hindi naman alam ng kuya mo ang tungkol sa first love ko."

"Hindi?" gulat na tanong ko.

"Sa tingin ko kasi e hindi na dapat maging bahagi ng relasyon namin ang nakaraan. Hindi rin naman siya nagkukuwento tungkol sa mga naging kasintahan niya," tugon ni Ate.

Nagbalik na AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon