Simula

865 31 0
                                    

Tama ba ang tamang panahon na nasa isip mo?

Kay tagal kong itinago ang mga salitang ito ngunit ngayon ay sasabihin ko na, palalayain hanggang makarating sa kanya. Kay tagal kong hinintay ang tamang pagkakataon para ipagtapat ang lahat ng mga lihim na ilang taon kong ikinubli. Wala nang ibang panahon para magpaliwanag kung hindi ngayon, kaya kahit hindi ko alam kung makikinig siya ay susubukan ko. Hindi pa huli ang lahat para makita siya at subukan siyang kausapin-ngunit pagkatapos nito, kung palalampasin kong muli ang sandali, ay wala nang susunod na panahon para sa mga katagang ilang taon kong sinarili.

Pero, bakit ganoon? Parang may hindi tama. Iba ito sa inaasahan kong tagpo. Alam ko pa ba ang ginagawa ko?

Bitbit ang nobelang isang dekada mahigit kong iningatan para sa muli naming pagkikita, dahan-dahan akong humakbang papasok ng simbahan.

Binigkas ko ang pangalan niya. Sa tingin ko, masyadong malakas iyon--sapat para makuha ko ang pansin ng lahat.

"Ikaw?" gulat na sabi ng isang lumang tao mula sa dati kong mundo. "Hindi ka na dapat bumalik! Umalis ka na!"

Narinig ko ang sinabi ng babaeng iyon na nasa harap ng altar, ngunit hindi ko pinakinggan. Hindi ito ang tamang panahon para magpaapekto dahil ito na ang huli.

Nagpatuloy ako sa paglalakad palapit sa tunay kong iniibig, wala na akong pakialam sa sasabihin ng mga taong nakapaligid.

Nakita ko ang reaksyon ng mga naroroon, hindi maitatangging tunay silang nabigla. Sa kabila nito, wala nang iba pang umusal ng kahit anong kataga. Lahat ng naroon ay nakatingin lamang sa akin, walang nagsasalita. Walang ibang maririnig kung hindi ang isang pamilyar na awit na hindi ko mawari kung bakit tinutugtog ngayon.

Though I know I'll never lose affection...

Hindi ako maaaring magkamali. Pero bakit?

For people and things that went before...

Sa dinami-rami ng kanta, bakit ito pa?

I know I'll often stop and think about them...

Dapat ba akong matuwa na ito ang pinili nilang awit?

In my life...

May dapat pa ba akong ikatuwa ngayon?

I love you more...

Mababago ba ng awit na ito-na noon ay alay ko sa kanya-ang mga napabayaang saglit sa loob ng labing-isang taon? Ngayong tinutugtog ito ay mababawi ko na ba ang panahon?

Nakatingin pa rin ang lahat sa akin. Ganito pala ang pakiramdam kapag hindi ka inaasahan sa isang kaganapan.

Sa kanilang mga mata ay iisa lamang ang nababasa ko: bakit ngayon ka lang, Almira?

Ang tanong na iyon ay hindi ko muna sasagutin. Nagpatuloy ang aking mga paa na kahit nanginginig ay alam kong hindi hihinto. Bumilis ang tibok ng aking puso. Ngayon ay nasa gitna na ako ng simbahan. Handa ba talaga ako?

O ang ilang taon ng paghahanda ko ay kulang pa rin sapagkat hindi bahagi ng plano ko na sa ganitong tagpo ko siya haharaping muli?

Nagpatuloy ang mabilis na pagpintig, pabilis pa nang pabilis. Sana, sana pala ay hindi na lamang ako umalis.
***

(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

Nagbalik na AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon