Wala akong magawa kung hindi ang mag-isip. Tatlong araw na akong nagkukulong dito sa bahay. Mali, apat na pala. O, Lima? Parang isang taon na nga kung pagsasama-samahin ko ang mga segundo ng lungkot at pagkainip.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Ano ba ang totoong nagpapahirap sa aking puso?
Ang mga nangyari ba bago ako maiwan muli nang nag-iisa rito? Ang misteryosong dahilan kung bakit pinauuwi ako ni Kuya sa probinsya? Ang pag-alis ni Lira nang hindi man lang yumakap sa akin? Ang mga sinabi ni Ate? Ang kasal ni Lio?
O ang hindi pagsagot ni Jelyn sa cellphone niya? Ang pinutol kong tawag kay Ate? Ang panandalian kong paglayo sa mundo?
Ang hindi ko pagpapaalam na liliban ako sa trabaho?
Hindi ko na talaga alam. Hindi ko maintindihan. Ang nasisiguro ko lang, may mali. May hindi tama. Magulo.
"Hay, San Gabriel," usal ko. "Sana naman makita ko na ang liwanag. Ano ba talaga ang dapat kong gawin? Sana ihatid mo sa akin ang mensaheng nais Niyang iparating."
Papasok na akong muli sa trabaho. Bagama't hindi pa rin naiibsan ang kirot na hindi ko alam kung saan ba nanggagaling, minabuti kong ipagpatuloy na ang buhay ko na ilang araw din huminto.
Sinalubong ako ni Sally, ang babaeng guwardiya sa opisina.
"Magandang umaga!" bati niya.
"Good morning, Sally!" tugon ko.
Napansin kong pamilyar ang hawak niyang libro. Tama, ito nga.
"Ngayon mo pa lang ba 'yan mababasa?" tanong ko habang hawak niya ang kopya ng Gabi na, Alexa.
"Hindi po, inuulit ko lang. Nabasa ko na ito noon, humiram ako sa anak ng amo ko. Wala kasi akong pambili dati." Tumawa siya. "Binigay lang ito ni Ma'am, nabanggit ko kasi na iniidolo kita kaya ako nag-apply dito pagluwas na pagluwas ko ng Maynila."
"Binola mo pa ako," natatawang sabi ko.
"Totoo 'yon, Ma'am. Palagi akong nakikinig sa 'yo sa radyo."
Ngumiti ako. "Salamat kung gano'n."
"Kumusta na si Alexa?" tanong niya.
"A-Alexa?" tanong ko.
"Oo, 'yong--"
"Paano?"
"Hiniram ko 'yong libro mo noong isang araw, 'di ba?"
"Pakialamero," naiinis na sabi ko.
"Iniipit mo kasi kung saan-saan e. Bakit sa yellow paper ka nagsusulat? P'wede naman sa isang notebook mo isulat 'yon."
Hindi ako umimik.
"Sorry."
Napabuntong-hininga ako.
Ngumiti siya. "Ang ganda."
"Hindi pa tapos iyon. Hindi ko rin alam kung isusulat ko pa ang nasa isip ko."
"Bakit naman?"
"Sa tingin mo ba may babasa? At paano ko ipababasa sa iba?"
"Ituloy mo tapos itago mo muna. Maipa-publish 'yon pagdating ng araw, maniwala ka."
Tumawa ako. "Bolero."
"Basta ipagpatuloy mo pa rin," sabi niya. "Ako muna ang babasa."
"Ewan ko sa'yo!"
Napailing ako, pero alam ko na bahagya akong napangiti habang inaalala ko ang sandaling iyon. Kung hindi niya sinabing ituloy ko, hindi ko na marahil tinapos ang nobela.
Kinuha ko ng kopya ng librong iyon sa aking mesa. Hanggang ngayon ay itinatago ko pa rin dito. Sabi ko noon, darating ang araw na babalikan ko siya para bigyan ng kopya nito. Sa mga saglit na iyon pa lang ay tila sigurado na ako sa hinaharap ng nobelang ito, hindi ko nga lang alam kung paano at kailan matutupad ang propesiya kong iyon.
Nakakatawang isipin na ang taong dahilan kung bakit ipinagpatuloy ko
ang pagsusulat ng kuwentong ito ay hindi man lang nagtagal sa buhay ko
para basahin ang kinahinatnan nito noong natapos ko.Sabi niya, siya na muna ang magbabasa pero nasaan siya noong natapos ko na ito? Nasa piling ni Althea. Pinuntahan ko siya sa bahay nila para sorpresahin ngunit ako ang nasorpresa. Magaling! Ang gagaling nila.
"Almira!" humahangos na tawag ni Laila.
"Laila!" bati ko. "Ang tagal mo."
"Pasensya na, hindi ako puwedeng magtagal dahil isinugod sa ospital ang biyenan ko."
"Ano? Naku naman, bakit ka pa pumunta rito? Tumawag ka na lang dapat sa akin. Dalian mo na!"
Niyakap niya ako.
"Malalampasan ninyo 'yan."
"Magpakatatag ka, Almira." Nagtaka ako sa tugon niya.
Inalis niya ang pagkakayakap niya sa akin.
"Ako?"
May pinahid siya sa kanyang mga mata gamit ang dalawang kamay niya.
"Aalis na ako," paalam niya.
Pagdating ko sa bahay ay naalala ko biglang buksan ang cellphone ko. Wala naman kahit isang mensahe pagbukas ko nito.
Biglang may tumawag. Sinagot ko ang tawag na iyon mula sa isang hindi nakarehistrong numero. Nagsalita ang tao sa kabilang linya, isang pamilyar na tinig ngunit hindi ko mawari kung saan ko ba narinig.
"Kanina pa ako tumatawag, ngayon lang kita—"
"Who's this?"
"Magbukas ka ng Facebook."
"What? Sino ka ba?"
"Marami kang mensaheng hindi nababasa."
"Sino ka ba talaga?"
Naputol ang tawag.
Kinabahan ako. Agad kong ginawa ang sinabi niya. Ang nakapagtataka ay wala namang bagong mensahe na dumating sa akin. Nagkamali lang marahil ito ng tinawagan.
In my life, I love you more...
Isang pamilyar na kanta ang narinig ko mula sa kung saan. Naalala ko si Lio. Aaminin ko, nangulila ako sa kanya nang marinig ko ang awit na iyon. Napalingon ako sa larawan ni San Gabriel.
"Panahon na po ba? P-para magkaroon ako ng balita tungkol sa kanya?"
Naalala ko bigla ang sinabi ng tumawag:
Marami kang mensaheng hindi nababasa.
Si Lio, marami siyang mensahe sa akin na hindi ko iniintindi. Hindi ko binuksan ni isa man sa mga iyon.
Ang mga mensahe ni Lio ang tinutukoy ng tumawag? Marahil, kaya pamilyar ang tinig nito. Hindi ko lang talaga maalala kung kaninong boses iyon.
***
(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.
Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)
BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomanceMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...