"Ano?" gulat na tanong ko kay Lucio.
Tinawanan niya ako. "Ano ka ba naman, Almira? Grabe naman iyang reaksyon mo."
"Nakakagulat naman kasi ang sinabi mo," sagot ko.
"Nakakagulat na gusto ako ni Althea?" nagtatakang tanong niya.
"Nakakagulat na natutuwa kang gusto ka ni Althea," tugon ko.
"Bakit naman hindi?"
"Bakit naman oo?"
"Maraming nagkakagusto sa kanya, Almira. Suwerte nang matatawag ito. Isa pa, maganda naman siya at matalino rin," wika nito.
"Matalino pero tuso."
"Hindi naman siguro. Hindi naman siguro makakatagal si Ate Ria kung ganoon."
"Sa kaibigan siguro hindi—o baka nagayuma lang niya si Ate."
Humalakhak siya. "Gayuma?"
"Ay, bahala ka! Basta, ayoko siya para sa 'yo."
"Almira naman."
"Hindi mo ba alam na mapaglaro siya? Ang tagal mo nang nakatira rito pero parang wala kang kaalam-alam sa kung anong klaseng babae siya."
"Hihiwalayan na raw niya iyong iba."
"Paano ka naman nakasisiguro?"
"Pakiramdam ko."
"Pakiramdam lang pala, e! Isip ang gamitin mo para hindi ka mapahamak. Wala kang maaasahan sa kanya. Walang ibang alam si Althea kung hindi paglaruan ang mga katulad mong madaling nabibilog ang ulo."
"Ang sakit naman, Almira."
"Masakit talaga ang katotohanan."
"Mauna na nga ako."
"Mabuti pa, pupuntahan ko pa si Jelyn. Mag-isip ka muna. Ikaw din. Ako, ayaw ko lang na ikaw naman ang pumalit sa trono ko bilang isang hangal," mariing wika ko.
---"Busy ka?" tanong ko kay Jelyn habang papasok sa pintuan ng silid niya.
Hindi na ako kumatok pa dahil ayaw niya na kumakatok ako bago pumasok sa silid niya. Nais niya na maging komportable ako. Ganoon din ang sabi niya sa iba pa namin mga kaibigan.
Si Jelyn Ramirez ay kaibigan ko na simula pa noong nasa ikatlong baitang kami. Sa taong iyon ay hindi ko kamag-aral si Noel kaya wala akong kaibigan sa klase. Magkatabi ang upuan namin ni Jelyn kaya naging malapit kami sa isa't isa sa kalaunan.
Si Jelyn ay mayroong matalik na kaibigan, si Diego Castro. Magkasabay lumaki ang dalawa, nagkataon din na magkasabay ang araw ng kapanganakan nila. Magkatabi ang kanilang mga bahay na walong dekada na parehong naroon. Ang kanilang mga pamilya, dahil doon, ay para iisa na.
Si Diego ay ang bunso sa tatlong magkakapatid, ang kaisa-isang anak na lalaki. Habang si Jelyn ay panganay, tatlo pa ang sumunod sa kanya. Magkaibang-magkaiba ang kanilang mga gawi. Si Diego ay tahimik, misteryoso kung minsan, at napakasipag mag-aral. Si Jelyn naman ay ang pinakamahilig magkuwento sa amin, parang walang sikretong itinatago, at may pagkatamad mag-aral—maliban na lang sa Matematika. Sa kabila ng mga pagkakaibang iyon ay nananatiling matatag ang samahan ng dalawa.
Nasa ikalawang taon kami sa mataas na paaralan noong lumipat si Diego sa paaralan namin. Noon ay sa sentro siya nag-aaral ngunit sa kagustuhan niyang makasama si Jelyn ay lumipat siya ng eskwelahan.
Paminsan-minsan ay tinutukso namin silang dalawa sa isa't isa ngunit kailanman ay hindi sila nagkailangan o nagpaapekto.
"Ano ba 'yang pinagkakaabalahan mo?" tanong ko.
"Ito ba?" itinaas niya ang hawak na pahayagan.
"Bakit ang daming diyaryo rito?"
"Ginugupit ko kasi ang mga larawan ng paborito kong artista."
"Sino naman?" tanong ko habang umuupo sa kama niya.
"Si Bernadette Ruiz. Bago lang siya pero napakagaling umarte. Marunong pa mag-host," pagbabahagi niya.
"Sino ulit?" gulat na tanong ko, parang pamilyar kasi ang pangalan sa akin.
"Bernadette Ruiz."
"Patingin nga ng itsura!"
Iniabot niya sa akin ang isa sa mga larawang nagupit na niya. "Napakaganda, ano?"
"Almira!" narinig ko ang tinig ni Diego. "Narito ka pala."
Hindi ko siya nagawang pansinin. "Siya nga!"
"Sino?" halos magkasabay na tanong ng dalawa.
"Ito ang bagong kasintahan ni Noel!"
Tumahimik ang dalawa.
"Bakit?" tanong ko.
"Sorry, Almira." Si Jelyn iyon.
"Ano ka ba, Jelyn? Wala naman problema sa akin."
"Oo nga naman," sambit ni Diego. "Hindi ba sinabi na ni Almira noon sa atin na tanggap na niya."
"Magmeryenda na nga lang tao," yaya ni Jelyn.
---Lumang-luma na ang itsura ng kalsada, may ilang lubak at bitak na rin. Mahigit isa at kalahating taon na rin ang nagdaan. Iniisip ko kung ano ba ang kaugnayan ng kalsadang ito sa sakit na naramdaman ko noon. Para bang ang sakit ay naluma na rin kasabay ng pagkaluma ng kalsadang ito—pati na rin ang pag-ibig.
Oo, hindi ko na siya hinihintay pa. Nakatutuwa na hindi ako nagdesisyong kumalimot, nangyari lang nang kusa.
Hindi ko alam ngunit nagising na lang ako isang umaga at wala na ang sakit na nararamdaman ko. Siguro, ang pag-usad sa mga malulungkot na kahapon ay katulad ng pagtulog—kapag pinilit mo, lalo kang mahihirapan kahit inaantok ka na talaga. Natural kasi ang pagtulog; bahagi ito ng sistema ng buhay. Minsan, matagal ka munang matitigilan at magpapalipas ng oras para magawa ito. Minsan naman ay nagagawa mo kaagad paglapat pa lamang ng iyong likod sa higaan. Mayroon naman na ayaw matulog kahit antok na antok na, para bang naghihintay pa ng biyaya sa mga tala para gawing araw ang mapanglaw na gabi.
Natural lang naman sa tao ang makalimot sa sakit na nararamdaman. Marami lamang hindi nakakawala sa sakit na ito dahil natural sa tao ang pagkakaroon ng matalas na memorya sa mga bagay na nakasakit sa kanya. At ang mas malala pa, sa halip na huwag na itong isipin ay sinasariwa pa nila.
Sa kabila nito, ayaw ko pa rin na magmahal muli. Hindi pa ako handa na masaktan ulit kung sakaling hindi pa rin mabait sa akin ang pag-ibig.
"Bakit ganiyan kayong mga babae?" narinig kong may nagsalita sa likuran ko.
Nilingon ko siya. Sino ang lalaking ito?
"Hindi kayo marunong magmahal," wika niya.
Huminto ako at hinarap siya. "At ano naman ang alam mo sa buhay ko?"
Hindi siya nagsalita.
"Kayong mga lalaki kasi, takot kayo mahirapan!" tugon ko.
Iniwanan ko na siya.
Biglang bumalik sa akin ang mga pangyayaring nakalimutan ko na. Katulad ng mga multo na nakikisalamuha sa mga buhay, walang malay na hindi na sila para sa mundong ito.
Napaluha ako. Kung totoong may tunay na pag-ibig, nasaan ito?
***
(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)
![](https://img.wattpad.com/cover/4968650-288-k606902.jpg)
BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomanceMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...