Pilit kong ipinikit ang mga mata kong nakapako na naman ang tingin sa itaas. Kanina pa ako nakahiga at ipinaghehele ng kama ngunit binabalewala ko lamang ito.
Mahigit walong buwan na pala ang lumipas simula noong umalis siya. Bakit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapigilan ang sarili ko na isipin siya? Nakikita ko pa rin ang kanyang mukha sa kisame; sa paningin ko ay nakapinta ito sa kisameng kung natutunaw lamang sa tingin ay matagal nang nalusaw. Nasisilayan ko ang mukhang iyon sa bawat sulyap. Ang hirap!
Ang hirap maiwan. Ganito pala kasakit na iwan ka ng kaisa-isang tao na pinangarap mong maghintay sa iyo sa harapan ng altar upang sabayan ka sa paglabas ng simbahan; tangan ang pangako na hanggang sa pagtanda ay kasabay mo pa rin siya sa bawat hakbang.
Gusto ko siyang hanapin. Gusto kong sabihin na mali siya. Pinilit kong magmahal ng iba, pinilit kong ibukas ang aking mga mata para makita ang sinasabi niyang tao na mas nararapat para sa akin, subalit nabibigo ako sa tuwina. Marahil siya na ang una at huli kong mamahalin.
Gusto kong malaman niya ito. Gusto kong gumawa ng paraan. Hindi pa naman siguro huli ang lahat. Bata pa kami. Kung mayroon man siyang iba ngayon ay hindi pa rin masasabi na silang dalawa na talaga ang magkakatuluyan. Ako ang una niyang kasintahan. Kahit pagbali-baligtarin pa ang mundo ay hindi mapapantayan ng anumang uri ng pagmamahal ang tamis ng unang pag-ibig.
Ngunit saan ako magsisimula? Saan ko siya unang hahanapin? Paano ko siya hahanapin? Wala kahit isa sa lugar na ito ang nakakaalam kung saan sila nanirahan pag-alis nila rito. Napakalaki ng bansang ito para suyurin ko ang bawat sulok. Paano pa kung sa labas pala sila ng bansa nanirahan? Hindi imposible iyon. Paano kung ganoon nga? Paano ko lilibutin ang mundo?
May pag-asa pa kaya? May pag-asa pa kaya na magkita muli kami?
Nalulungkot ako. Ilang ulit akong tumawag sa langit, sa mga anghel, sa Kanya, ngunit kahit kailan ay wala akong sagot na natanggap. Hindi ako binigyan kailanman ng hudyat para kumapit o sumuko. Nasa gitna lamang ako. Hirap na hirap na ako. Bakit kailangang pagdaanan ko ito?
Araw-araw, habang pinakikinggan ko ang mga kinukuwento ng nakatatanda kong kapatid na si Eliria tungkol sa matalik niyang kaibigan na si Althea ay parang gusto kong sumigaw sa itaas ng burol at ipaalam sa mundo kung gaano kasama ang pag-ibig sa akin. Hindi patas, hindi ito patas.
Bakit ang mga taong hindi marunong magmahal ay patuloy na minamahal? Bakit ang mga taong handang umibig nang tapat ay madalas naiiwang mag-isa? Kadalasan, bago pa man nila maipakita kung gaano nila kayang magpahalaga ay nawawala na ang minamahal nila. Parang kisapmata. Walang tanong-tanong kung handa na ba sila muling mag-isa. Wala man lang abiso na mawawalan na sila.
Hindi ko naman hinahangad na maging katulad ni Althea na halos lahat ay napapaibig. Isa lamang ang kailangan ko--si Noel. Pero nasaan siya? Nasaan na siya? Naaalala pa kaya niya ako?
Sabi niya, hindi namin kakayaning manaig sa pagsubok ng distansya kaya habang maaga pa—bago pa kami magkasakitan—ay dapat tapusin na ang lahat. Hindi ba distansya ang kadalasang naglalapit sa mga tao? Hindi ba mas minamahal mo ang dahilan ng iyong pangungulila?
Sabi ni Lolo, kayang paglapitin ng distansya ang mga taong nagkalayo dahil sa sobrang lapit nila sa isa't isa. At kaya rin nitong mas paglapitin ang mga dati nang magkalapit.
Sana ay iniibig pa rin ako ni Noel hanggang ngayon. Sana ay hindi pa rin siya nakakahanap ng kapalit ko.
---"Almira?"
Ginising ako ng tinig ni Ate.
"Bakit?" sagot ko kasabay ng muling pagpikit.
"Bakit natutulog ka pa rin?" tanong niya.
"Inaantok pa ako, Ate."
"Inaantok? Alas-otso pa lang kagabi tulog ka na, 'di ba? Halos labing-anim na oras ka nang tulog."
Hindi ako sumagot. Ang hirap talaga kapag hindi alam ng pamilya mo na may pinagdadaanan ka. Lalong bumibigat ang dinadala mo dahil kailangan mong magpanggap na walang problema. Sanay sila na masaya ako, tiyak na magtataka sila kung magmumukmok ako bigla sa silid ko. Kadalasan tuloy ay pagtulog ang nagiging solusyon ko—pagpapanggap na tulog, ibig sabihin ko. Ang totoo, umaga na ako natulog kanina.
"Hindi ba ngayon kayo pupunta sa mananahi? Isang linggo na lang bago ang prom ninyo. Noong nakaraang taon, isang buwan pa bago 'yon nagpatahi na kayo."
"Hindi ako pupunta roon, Ate."
"Pero sabi ni Mama--"
"Hindi ko pa nasasabi, pakisabi na lang. Sige na, labas ka na. Matutulog pa ako. Kung bakit ka naman kasi nakapasok dito, e."
"Hindi ka nag-lock kagabi. Sandali, hindi ka talaga sasali?"
"Hindi nga. Ate naman."
"Bakit hindi?"
"Hindi naman masaya."
"Hindi masaya pero magdamag ka gising pagkatapos ng prom natin noong nakaraang taon?"
"Tama na ang isang beses. Ayoko nang ulitin."
Katulad ng pag-ibig, tama na ang isang beses. Ayaw ko nang ulitin.
"Kahit naging masaya ka naman sa isang beses na iyon?"
"Kahit pa."
Dahil natapos din ang gabing iyon. Sobrang saya ngunit natapos din. Sa isang kisapmata ay alaala na lamang ang lahat.
"Palalagpasin mo ang pagkakataong sumaya muli?"
"May lumagpas man, ayos lang. Iyon ang pinili ko, iyon ang gusto ko."
Mas pinipili kong maiwan sa isipan ko ang gunita ng kaisa-isang naging sayaw ko sa buong buhay ko kaysa may ibang alaalang manatili sa isipan ko. Isang araw ay babalik siya, naniniwala ako. Hihingiin muli niya ang kamay ko, sasayaw kami ulit.
***
(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)
BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomansaMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...