Kabanata XIV

71 6 0
                                    

"Ano 'yang sinusulat mo? Love letter?" tanong ni Ate.

Pinatong ko nang mariin ang kamay ko sa aking isinusulat. "Ate, hindi ka kumakatok."

"Naku, nagsungit pa. Love letter talaga 'yan, 'no?" panunukso niya.

"Ate naman! Istorbo ka," naiinis na sabi ko.

"Ano nga 'yan?" pangungulit niya.

"Pinapasulat kami ng k'wento," sabi ko.

"Busy ka ba?" tanong niya.

"Hindi naman gaano," tugon ko.

Lumapit pa siya sa akin, "Mag-usap sana tayo."

"Tungkol saan?"

"Tungkol sa kaibigan mo."

"Kaibigan ko?"

"Kay Lucio."

"Ano'ng problema?"

"Bigla na lang niyang iniwasan si Althea."

"Ate, labas ako roon."

"Pero kaibigan mo siya."

"Wala naman siyang sinasabi sa akin."

"Kausapin mo siya. Importanteng magkausap silang dalawa."

"Gaano kaimportante? Baka naman p'wedeng bigyan niya muna ng panahon si Lucio. Siguradong may dahilan siya kaya--"

"May dahilan din si Althea!"

Nagulat ako sa kanya.

"Ate, hindi mo kailangang sumigaw."

"Pasenya na."

Umupo siya bigla. Ngayon ko lang napansin na kanina pa pala siya nakatayo habang nag-uusap kami.

"Kausapin mo siya, please," sambit niya. "Alam kong hindi mo gusto si Althea bilang kaibigan ko pero narito na ito, Almira. Hindi lang best friend ang turing ko sa kanya kung hindi kapatid."

Humikbi siya. Gusto kong magtanong sa kanya pero niyakap ko na lamang siya.
---

Bitbit ang kagagawa ko lang na nobela tungkol kay Alexa ay nagtungo ako kina Lio. Gusto kong mabasa na niya ito. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi ko ito matatapos. Kung hindi siya naniwala sa kakayahan ko ay hindi ko na marahil naipagpatuloy ang paggawa nito.

Sasaglit lang ako sa kanila. Gusto kong tulungan si Althea hindi lang dahil sa pamimilit ng kapatid ko ngunit dahil sa batid kong mahirap ang pinagdadaanan niya. Ngayon lamang siya naging seryoso sa pakikipagrelasyon.

Kumatok ako sa pintuan ng bahay nila Lio.

Waring nagulat si Noel sa pagdating ko. "A-Almira?"

"May problema ba?"

"Wala. Wala."

"Si Lio?"

"Ha? Ano kasi--"

"Papasok na nga ako."

Tinapik ko siya sa balikat at tuluyang pumasok.

"Almira?" Namutla si Lio nang makita ako.

Magkahalong galit at sakit ang naramdaman ko.

"Busy pala kayo. Sige, mauna na ako."

Mabilis akong lumabas. Tumakbo ako palayo sa lugar nila kahit hindi ko alam kung saan ba ako pupunta. Bahala na ang aking mga paa. Bahala na. Bahala na.

---

"Hindi ko po maintindihan. Paano niyo po nasasabi iyan? Ate Kara, kakampi kita, hindi ba?" umiiyak kong tanong.

"Kaya nga ipinaliliwanag ko sa 'yo. Hindi lahat ng natatanaw ng mga mata mo ay nakikita mo nang tama," aniya.

"Pero bakit hindi niya ako hinabol?" tanong ko.

"Kailangan ninyong mag-usap," aniya.

"Hindi ko pa po kaya."

"Magpalipas ka muna. Basta, sana sa lalong madaling panahon ay magkausap kayo."

Hindi nagtagal ay nagpaalam na ako kay Ate Kara.

Ilang hakbang bago dumating sa amin ay nakita ko si Lio.

"Almira," sabi niya.

Pinigilan ko ang aking emosyon. "Uuwi na ako."

"Mag-usap muna tayo," wika niya.

"Ayoko," mariin kong sagot.

Hinawakan niya ako sa braso. "Magpapaliwanag ako."

"Ipaliliwanag mo ba sa akin kung gaano ako kawalang-kuwenta para madatnan ko na lang ang boyfriend ko na niyayakap ang ex niya?" pagtataas ko ng boses.

"Hindi gano'n 'yon," aniya.

"Para kayong nasa TV. Magaling!"

"Hindi nga--"

"At hindi mo man lang ako nagawang sundan," panunumbat ko.

"Hindi ba iyon ang gusto mo? Maging lihim ang lahat," paliwanag niya.

Hindi ako umimik.

"Mahirap ang sitwasyon ni Althea ngayon," paliwanag niya.

"Pero paano ako? Paano tayo?"

"Wala tayong problema. Si Althea, malaki ang problema niya. Kailangan niya ng karamay."

"Bakit ikaw pa? Bakit hindi si Ate? Dinadamayan naman siya ni Ate. Kulang pa rin ba? Kailangan pati ikaw?"

Hinawakan niya ang aking mukha. "Almira."

Tumulo na ang mga luhang kanina ko pa pinipigilang pumatak.

"Bulag ka ba? Ang alam ni Althea ay mahal na mahal mo siya at--"

"Ikaw na ang mahal ko."

"Pasensya na, hindi ko maramdaman iyan ngayon."

Iniwan ko na siya.

"Sandali!"

Naramdaman ko na lang ang kanyang kamay sa aking braso.

"Ano ba?" Nagpumiglas ako.

"Almira, h'wag mo naman akong ipagtulakang lumayo."

"H'wag mo rin ako ipagtulakang pagsisihan na minahal kita."

Lumuwag ang hawak niya sa akin. Katulad ng isang ibong mailap ay nagawa kong makawala at makalipad palayo sa kanya.

***

(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

Nagbalik na AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon