Sana, sana pala ay hindi na lang ako umalis.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal naglakad papalapit sa kanya at nagawa kong makita halos lahat ng pangyayaring nagdaan. Namalas kong muli ang sarili ko na nanlulumo sa pag-iwan sa akin ni Noel. Nakita ko ulit kung paano ako naging masaya muli dahil kay Lio. Kung paano ako nasaktan sa mga sandaling mas inuuna niya si Althea. Kung paano ko napiling umalis. Kung paano ako naging matigas.
Nakita ko ang mga mukha ng mga taong naging bahagi ng buhay ko—ang mga dumating, ang mga umalis, ang mga bumalik, ang mga nanatili, ang mga bagong kakila, pati na yata ang mga nakasalubong ko sa sanga-sangang daan ng pinakamabababang sandali ko sa mundong ito—kahit na wala naman sila sa loob ng simbahan.
Ang kahoy na krus kung saan nakapako si Hesus at ang kinaroroonan si San Gabriel ay hindi ko magawang tingnan ngayon. Sa maraming pagkakataon, alam ko na inilapit nila ako sa tamang daan pero pinipili kong umiba ng ruta.
"Lio!" sigaw ko habang umiiyak.
Narinig ko ang pagbagsak ng bitbit kong aklat.
Tumutugtog pa rin ang awit. Kanina pa ito paulit-ulit. Niloloko lamang ba ako ng aking pandinig?
Hindi ko na pinulot pa ang libro. Para saan pa?
Ngunit itinuloy ko pa rin ang paglalakad—kahit alam kong huli na ako.
Hindi ako makapaniwala. Kanina lang sa biyahe ay nasisiguro kong mababawi ko pa siya pero nagkamali pala ako. Huli na pala ang lahat. Huli na ako. Huli na ang lahat.
"Umalis ka na, Almira." Nanginginig ang tinig ni Althea.
Muli ay binalewala ko ang narinig.
Sa wakas, nagawa ko na siyang lapitan. Hindi ko na nagawang pigilin pa ang aking mga luha. Gusto ko siyang yakapin nang mahigpit. Alam ng langit na hindi ko kailanman hinangad na sa ganitong tagpo kami muling magkita. Alam ni San Gabriel na hindi ko ginusto ang mga nangyari—ang paglayo ko, ang ibigay sa iba ang puso ko, ang mahuli sa pagdating.
"N-nagbalik na ako, Lio."
Pero, isang araw, magugulat ang lahat. Magugulat ang lahat na nagbalik na ako.
Ito pala ang huling pangungusap ko sa sulat ko kay Lio, ang liham na iniwan ko bago umalis. Bumalik na ako. Narito na ako. Nagbalik na ako. Nagbalik na ako at nagulat ang lahat.
---
"Hindi ako makapaniwala, Noel," sabi ko sa kapatid ni Lio. "Akala ko may namamagitan sa kanila ni Althea bago ako umalis. Hindi ko naisip na kaya pala ganoon na lang niya tulungan si Althea ay dahil naaawa siya rito. Hindi ko rin akalain na kaya madalas siyang naoospital ay dahil sa nagdadalantao siya."
"Nauna kasi ang emosyon mo," mahinahon ngunit may panunumbat na wika niya. "Sana kinausap mo siya."
"Binigyan ko siya ng pagkakataon pero hindi siya dumating. Hindi ko naman alam na nasagasaan siya ni Kuya ng motor. Hindi ko alam." Tumulo ulit ang mga luha ko. "Hindi ko man lang siya naalagaan, naputol pala ang kanyang mga paa sa aksidenteng iyon."
"Walang may gusto ng nangyari, Almira. Kaya nga hindi na niya piniling idemanda ang kapatid mo. Tutol kami noong una pero kung siya nga ay ayaw kasuhan ang kapatid mo, kung siya nga ay nagawang magpatawad—"
"Hindi man lang sinabi ni Kuya," iiling-iling na sabi ko. "Sana hindi na ako umalis."
"Wala sa sarili ang kapatid mo noon sabi ni Kuya. “Dahil sa paghihiwalay nila ni Kara."
Umiyak na lamang ako. Hindi ko na nagawa pang magsalita.
"Sa Friendster, sinabi niya ang lahat. Pero hindi ka sumagot. Hanggang sa Facebook nagpapadala siya ng mensahe. Halos araw-araw. Pero wala kang pinansin kahit isa sa mga iyon." Natigilan siya. "Kaya kita tinawagan noong nakaraan."
BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomanceMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...
