Nakatutuwang pagmasdan ang ulan habang pumapatak sa kalsada. Kapag pinagmamasdan ko ang mga ito, para na rin akong bumabalik sa pagkabata—malayang nagsasaya at sumasayaw sa ulan kasama ang aking mga kalaro. Katulad ng mga patak na iyon na lalong pinaririkit ng mga ilaw sa kalsada, gumaganda rin ang kislap ng aking mga mata. Alam kong higit itong nagniningning sa mga sandaling ito.
Hindi pa rin ako kumakain ng hapunan kahit ikawalo at kalahati na ng gabi. Mas gusto ko ang ganito—tahimik lamang na nagmamasid sa mangilan-ngilang sasakyan na dumaraan. Hindi rin naman ako nakararamdam ng...mali, ang totoo ay nararamdaman ko na ang gutom. Sabihin na lang natin na ayaw kong makaramdam ng pag-iisa.
Kapag bumaba ako para kumain, haharapin ko na naman ang mesa nang nag-iisa.
Aaminin ko, nasasaktan ako kapag nakikita ko sina James at France sa mga magasin at sa telebisyon. Isang taon at apat na buwan na rin ang lumipas. Katatapos lamang magsilang ni France ng kambal na sanggol noong isang buwan, babae at lalaki ang mga anak nila.
Noong una kong nakita ang mga bata sa telebisyon, nangilid ang aking mga luha. Ano kaya ang pakiramdam na maging isang ina? Ng maging maybahay ni James?
Minahal ko naman siya noon, iniyakan at pinanghinayangan din nang mawala sa akin. Pinangarap ko naman din na magkatuluyan kami.
Kaya lang, gusto ko muna bumalik sa San Gabriel. Gusto ko na ituloy ang ipinangako ko sa sarili ko na ipakita kay Lio kung ano ang nawala sa kanya. Pero paano ko maipaliliwanag kay James ang lahat kung ayaw naman niya akong kausapin? Hanggang sa nalaman ko na lang na ikinasal na siya.
Napailing ako. Gutom lang siguro ito.
Umalis ako sa tabi ng bintana at lumabas ng aking silid.
Kring. Kring...
"Hello?" bungad ko sa taong nasa kabilang linya.
Walang sumagot sa akin.
"Sino 'to?" tanong ko.
Wala pa rin nagsalita.
"Papatayin ko na 'to."
"Almira!"
"Sino ka?"
"Ako 'to."
"Sino nga?"
"Si Noel."
"Sinong Noel? Dalawa ang kilala kong Noel."
"Fuentes."
Nabosesan ko naman talaga siya, ayaw ko lang isipin na siya ang nasa kabilang linya. Ayaw ko siyang makausap.
"Bakit ka tumawag?"
"Mag-usap tayo, nasa labas ako."
"Ayoko. Umuwi ka na."
"Hindi ako aalis dito."
"Hindi rin kita lalabasin."
"Mag-usap lang tayo."
"Gabi na."
"Gumagawa ka na naman ng dahilan."
"Ano pa bang kailangan mo? Sinabi ko naman na ayoko na sa 'yo."
"Closure."
"Anong closure ang sinasabi mo? Matagal nang nagkaroon ng closure. Doon sa may kalsada, noong iniwanan mo ako."
"Hindi mo naiintindihan."
"Malinaw na malinaw sa akin. Tinapos mo ang lahat dahil ayaw mo ng long distance relationship, na may mga relasyong nagtatagal kahit magkalayo ang dalawang tao pero hindi ang sa atin dahil hindi mo kaya."
BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
Roman d'amourMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...