Ika-16 ng Abril ngayon, Araw ng Pagtatapos namin ni Katrina. Sa dinami-rami ng tao ay si Lio pa ang hindi nakapunta. Siguro, hindi ko naman talaga dapat inasahan na darating siya. Halos isang buwan na kaming hindi nag-uusap. Ako naman ang may gusto na dumistansya muna siya, hindi ba? Bakit hinahanap ko siya ngayon?
Alam ko kung bakit. Noon, lahat ng pagsisikap ko para sa kinabukasan ko ay para lamang sa aking pamilya. Gusto kong magtagumpay -- maabot ang kalangitan at isa-isang kunin ang mga bituin hanggang sa maging sapat ang mga ito upang ialay sa lahat ng mga taong nagtiwala sa akin.
Pero ngayon, kasama na si Lio sa mga taong iyon. Mas naging pursigido ako sa mga bagay-bagay, mas hinangad kong matuto at mapaunlad ang sarili, simula nang pumasok siya sa mundo ko at naniwala na lahat ay makakaya ko.
Hindi naman ako ganito noong magkasintahan pa kami ni Noel. Pinagbubuti ko lamang ang lahat dahil ayaw ko na kapag nalaman ng pamilya ko ang tungkol sa amin ay isisi nila sa kanya. Hindi pa ako marunong mangarap at maghanda para sa kinabukasan noon. Pag-ibig -- puro pag-ibig lamang ang alam ko. Akala ko, lahat magiging maayos at matiwasay kapag kasama mo ang taong mahal mo. Mali pala, marami pa palang dapat isaalang-alang. Dahil kay Lio, naunawaan ko ang kalakaran ng mundo -- ang sistema ng buhay ng tao.
Natigilan ako sa pag-iisip nang mapansin ko si Ate habang inaasikaso ang mga bisita. Tinawag ko siya.
"Bakit, Almira?" tanong ng kapatid ko.
"Wala yata si Althea ngayon?"
"Hindi mo ba alam?"
"Ang alin? May nangyari ba?"
"Nasa ospital siya. Hindi ba sinabi ni Lio?"
"Ni Lio?"
"Buong maghapon siyang nagbabantay kay Althea. Ako nga sana ang magbabantay kaya lang graduation mo kaya hindi na--"
"May pamilya naman siya, hindi ba? Bakit si Lio pa? Bakit siya pa?"
Hindi na nakasagot si Ate. Tumakbo ako paakyat sa silid ko; hinayaan ang mga bisitang humanap ng oras para sa mahalagang okasyon na ito. Wala akong pakialam kahit mahalata ni Ate ang tungkol sa amin ni Lio.
---Pilit kong isinantabi ang inis ko kay Lio kagabi. Handa man ako o hindi ay mali na palampasin ko pa ang pagkakataong makausap siya. Makikipagkita ako sa kanya sa burol gaya ng nakasulat sa eroplanong papel na ipinaabot niya kay Lira kanina.
Napaaga marahil ako. Sampung minuto pa bago ang ikaapat ng hapon.
Minabuti ko munang sumilong sa ilalim ng puno na madalas namin silungan.
"Almira!" May tumawag sa pangalan ko, si Carlos iyon.
Tumingin ako sa ibaba. Hindi nga ako nagkamali.
"Aakyat kami!" sigaw ni Katrina.
Sasabihin ko sana na huwag na silang umakyat dahil paparating na si Lio pero hindi ko na nagawang sumagot.
---Papalubog na ang araw ngunit wala pa rin siya. Sana pala hindi ko na lamang sinabi kina Carlos na kailangan nila akong iwanan kaagad dahil magkikita kami ni Lio.
Pinipigilan kong maluha. Ayaw kong madatnan niya ako na umiiyak. Bakit ba ang tagal niya? Magdadalawang oras na ako rito pero hindi pa rin siya dumarating. Pupunta pa kaya siya? Sana sinasadya niya lang ang lahat na ito. Sana balak niya lang ako sorpresahin.
"Almira?"
"Ate Kara?"
"Mabuti at narito ka."
Niyakap niya ako.
Parang may iba. "Ate, may problema ba?"
"Hindi ko alam kung kailan tayo magkikita ulit. O kung magkikita pa ba tayo."

BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomansaMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...