Ang daang kinatatayuan namin ngayon ay patungo na sa labas ng nayong nag-ugoy sa aming nakaraan. Ito ay tagapaghatid ng mga taong hindi na nasisiyahan sa payak na pamumuhay sa lugar na ito–katulad ng pamilya ng lalaking pinakamamahal ko.
Hindi ko man maunawaan kung bakit sila aalis, pinipilit ko nang husto ang aking sarili na intindihin ang dahilang hindi rin naman ipinapaliwanag sa akin ni Noel. Iniisip ko na lang na ang simpleng buhay dito ang gustong iwanan ng kanyang mga magulang kahit ang totoo ay hindi isang mahirap na pook ang kinamulatan namin kahit pa may kalayuan ito sa kabihasnan. Bahagya itong tago ngunit may ibang tagarito naman, lalo ang mga nagmamay-ari ng mga lupang sakahan, na may kakayahan din sa buhay–may dalawang palapag na tahanang yari sa bato, nakakapamili ng mga gamit sa bayan, nakapagpapaaral ng mga anak sa Maynila, hindi gaanong huli sa ikot ng daigdig.
Kabilang ang pamilya ko at ang pamilya ni Noel sa mga mag-anak na pinalad nang kaunti kumpara sa iba.
Nagsimula na rin humarap sa pagbabago ang parteng ito ng aming probinsya. Paano ay may isang grupo na binubuo ng tatlo o apat na katao ang naligaw rito noong nakaraang taon, sa kalagitnaan ng buwan ng Enero. Pagkalipas ng ilang buwan, unang linggo ng Oktubre, ay bumalik ang mga ito na nagtatrabaho pala sa isang istasyon ng telebisyon at gumawa ng ulat tungkol sa lugar na ito para ipalabas sa Araw ng mga Kaluluwa. Ito raw ay para bang nilalamon ng gabi sa tuwina kaya marami ang nagaganap na kababalaghan.
May kuryente naman dito ngunit walang mga ilaw sa daan kaya kasabay ng pagpatay ng ilaw sa mga bahay ay nagmimistula itong lugar ng katatakutan. Wala kahit isa sa amin ang nakapanood sa ginawa nila dahil hindi nakukuha rito ang istayon kung saan ito pinalabas.
Nainis kami; hindi dahil sa hindi namin nakita ang lugar namin sa telebisyon, kung hindi dahil sa ipinakita nila ito bilang nakakatakot na pook. Sino lang ba ang mga kinausap nila? Ang mga batang tinatakot ng mga nakatatanda para hindi sila mahirapang patulugin ang mga ito sa ganap na ikapito ng gabi. Si Ma'am Isidra na naniniwalang kaya hindi siya nakapag-asawa ay dahil sa kapreng nagkagusto sa kanya, na nakatira raw sa puno ng kaimito sa tapat ng silid-aralan niya. Si Aling Delfina na isinisisi sa mga duwende ang pagkamatay ng mga napabayaan niyang tanim noong nagkasakit siya. Si Mauricio na nag-aral dati sa bayan at natutong gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Ang aborsyonistang si Manang Tasya na huminto na at ngayon ay nakakakita raw ng mga tiyanak sa kanyang bakuran, na halata namang inuusig lamang ng konsensya. Si Mang Maximo na hindi magawang putulin ang puno ng baleteng tumatabing sa bahay niya dahil sa mga kuwento noon ng lola niya. Si Tata Karyo na nag-uulyanin na.
Ngunit mali pala ang inisip namin. Sa dulo ng palabas ay sinabi na nagiging mukhang pugad lamang ito ng katatakutan dahil sa kakulangan ng mga ilaw na sana ay tanglaw sa madilim na gabi. Ang takot ay nasa isip lamang daw. Totoong ang kinatatakutan lamang natin ay ang mga bagay na hindi tayo pamilyar–katulad ng mga kakaibang itsura at kalagayan ng taong hindi naging kasing normal ng ordinaryo, kawangis ng kamatayan na isang hindi masagot na misteryo.
Ilang linggo matapos ipalabas ang tungkol sa aming lugar ay dumagsa ang mga tulong sa tanggapan ng alkalde. Hindi naglaon at nagkaroon na ng mga posteng may ilaw. Napansin na rin kasabay ng paglalagay ng mga posteng iyon ang mga kulang sa aming lugar. Ngayon ay sinisimulan na rin sementuhan ang mga kalyeng dati ay bato at lupa lamang ang bumubuo.
Ang bahaging ito ang inuuna, marahil ay dahil nasa bungad ito kaya kaagad na makikita ng mga pumupunta. Kung sa bagay, ganoon naman lagi. Ang agad na nakikita, mas inaalagaan at pinagaganda.
"Almira, aalis na ako," pagpapaalam ni Noel.
"Sandali lang," pagpigil ko.
"Tama na," sabi niya. "Tama na!"
Mula sa kung saan-saan ay nakarinig ako ng mga bulong. Sana wala kahit isa sa mga nakikiusyoso ngayon ang nakakakilala sa akin o sa pamilya ko. Nakakahiya ang ginagawa kong pagpigil kay Noel matapos niya akong hiwalayan. Isa pa, wala kahit isa sa pamilya ko ang nakakaalam na mayroon na akong kasintahan.
Hinawakan ko siya sa braso. "Mag-usap tayo!"
Napigilan ko siya sa pagtalikod sa akin. Saglit na katahimikan ang pumagitna, ang aming mga mata lamang ang nag-usap. Hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan ngunit tumagal iyon nang ilang segundo. Tumulo pababa ang kanyang mga luha, pati na rin ang sa akin. Sa isipan ko, nakita kong pumatak ang mga luha namin sa kalsada. Unti-unting nagkalapit ang mga iyon, nagtagpo–mabuti pa ang mga luhang iyon.
Mabuti pa ang mga luha naming dalawa, kayang maging isa. Samantalang kami, waring kailanman ay hindi na muling magsasama. Sa tagpong ito ay sigurado na ako–ito na ang huli.
From this moment, as long as I live, I will love you...
Naririnig ko pa rin ang kantang tinutugtog sa simbahan noong ibigay ko sa kanya ang aking matamis na oo. Tila napakaperpekto ng lahat. Habang ikinakasal ang dalawang taong wagas na nagmamahalan sa loob ay nangangako naman kami sa isa't isa na darating ang panahon at ikakasal din kami sa simbahang iyon–saksi ang malaking kahoy na krus na kulay tsokolate sa tabi namin. Alam kong narinig din iyon ng angel na si Gabriel na noon ay hindi lamang sa ikinakasal nakatuon ang pansin.
"Makinig ka sa akin, Almira," wika niya. Bumalik ako sa kasalukuyan.
Inalis ko ang pagkakahawak sa braso niya.
"Mayroong mga relasyon na nagtatagal kahit distansya pa ang papagitna." Napalunok siya. "Pero hindi ang sa atin. Hindi ko kaya. Isa pa, masyado pa tayong mga bata para talunin ang mga hamon nang magkahiwalay. Wala tayong laban, magkakasakitan lang tayo. Kaya habang maaga pa, tapusin na natin ang lahat. Darating din ang taong magmamahal sa iyo nang sapat. Hindi sapat ang pagmamahal ko para magpatuloy kasama ka ngayong magkakalayo na tayo."
Ayaw ko na siyang pakinggan. Isa lang ang gusto kong marinig mula sa kanya–ang mga katagang sinabi niya noong araw na iyon, noong naging magkasintahan kami.
"Ito ang pinakamasayang sandali ng buhay ko. Mahal kita, Almira. Mahal na mahal."
Sana tumigil na lang ang oras noong panahong iyon. Kahit hindi na kami ikasal. Kahit hanggang doon na lang kami. Kahit na hanggang ganoon lang. Hindi sana humatong sa ganito.
Sana tumigil na lang ang oras sa panahong iyon. Kung tumigil ang lahat sa simula, hindi sana nagkaroon kami ng wakas.
"Almira," muli kong narinig ang tinig niya. "Maaari ba na maging magkaibigan tayo ulit? Kung, kung sakaling magagawa ko pa na dumalaw dito, p'wede ba na makasama pa rin kita bilang kaibigan? Kayong lahat. H'wag sana natin masira ang grupo. Isa pa, wala naman tayong naging problema."
"Ikaw ang problema!" sigaw ko.
"Almira, matalik tayong magkaibigan noon," aniya.
"Umalis ka na!" muli akong nagtaas ng boses.
"Almira, hindi si Noel ang nakipaghiwalay sa'yo. Hindi si Noel ang kaharap mo ngayon kung hindi ang pagkakataon. Maha–"
"Alis na!" bulyaw ko. "Alis na sabi!"
Iniwan na niya ako. Ilang saglit pa ay natagpuan ko ang sarili kong nakaluhod, umiiyak. Lahat ng naroon ay nakatingin sa akin. Para akong batang iniwan ng kanyang mahal na ina—isang paslit na hindi pa natututong maglakad at walang magawa kung hindi tanawin ang papawalang imahe ng isang malaking bahagi ng kanyang pagkatao.
Makukumpleto pa kaya ako?
Ang daang ito ay patungo na sa labas ng nayong nag-ugoy sa aming nakaraan. Ito ay tagapaghatid ng mga taong hindi na nasisiyahan sa payak na pamumuhay dito. Ngunit hindi puro papalabas ang dumaraan dito, mayroon ding mga papasok. Ang daang ito ay tagapaghatid din ng mga taong hindi lumigaya sa mga pinuntahan nila.
Ibabalik pa kaya siya sa akin nito?
Natigilan ako. Kung sasaya siya roon sa pupuntahan niya, magiging masaya na rin ako.
***
(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)
![](https://img.wattpad.com/cover/4968650-288-k606902.jpg)
BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomansaMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...