Ikapito ng Abril 2000, ika-18 na kaarawan ko ngayon. Narito ang mga malalapit kong kamag-aral sa mataas na paaralan at sa kolehiyo. Masaya ako at hindi ko na hinahanap-hanap si Noel. Hindi ko nga napansin na may kulang sa amin kung hindi lamang siya naalala ni Jelyn.
"Dapat may sayawan ngayon dito kung narito pa si Noel," sabi ni Jelyn.
"Loko ka talaga," natatawang sabi ko.
"May balita ba kayo sa kanya?" tanong ni Lucio.
"Nagkita sila ni Almira," sagot ni Katrina.
Tumingin silang lahat sa akin.
"Hindi naman kami gaano—" Hindi ko nagawang tapusin ang aking sasabihin.
"H'wag na natin siyang pag-usapan," biglang sabi ni Diego.
"Sinasabi ko na nga ba!" natatawang sabi ni Carlos. "May gusto ka kay Almira, 'di ba?"
"Sira," sagot niya sabay siko kay Carlos.
Habang nagkakasiyahan kami ay napansin ko ang isang lalaki na narito ngunit hindi ko naman inimbitahan—isang pamilyar mukhang hindi ko ikinatuwang masilayan.
"Sandali lang," paalam ko sa mga kaibigan ko. "Pupuntahan ko lang ang iba ko pang mga bisita."
"Go," sabi ni Katrina. "H'wag mo kaming alalahanin dito."
Habang papalayo ay naririnig ko pa sila. Mabuti raw at natanggap ko na ang lahat.
Nilapitan ko ang lalaking nakita ko mula sa hindi kalayuan.
"Magandang gabi," pinilit kong ngumiti.
"Ikaw?" bakas sa kanya ang pagtataka. "Bisita ka rin ba ng kapatid ni Ria?"
"Kilala mo siya?"
"Si Ria? Best friend siya ng girlfriend ko." Saglit siyang natigilan. "Ex-girlfriend pala, wala na kami ngayon."
"Kaya mo ba nasabing hindi marunong magmahal ang mga babae?"
"Iyon ang araw na hiniwalayan niya—"
"Bakit nandito ka?" tanong ni Althea habang nakataas ang kilay.
"Bisita ko siya, Althea," pagkukunwari ko.
"Gano'n ba? Naku, pasensya ka na. Sunod kasi nang sunod sa akin 'yan, akala ko pati rito nakaabot." Yumakap siya sa akin, sabay abot ng isang maliit na kahon. "Happy birthday. Sige, puntahan ko na si Ria."
"Ikaw pala si Almira," nakangiting sabi ng kausap ko.
Inirapan ko siya. "Huwag mo nga akong nginingitian."
"Galit ka pa rin ba dahil sa nangyari noon?"
"Mukha ba akong galit? Nagkunwari na nga akong kilala kita para hindi ka na mapahiya kay Althea."
"E bakit ang sungit mo?"
"Hindi kita sinusungitan. Ang ibig lang sabihin ng irap na 'yon ay hindi mo na kailagang magkunwari."
"Magkunwari?"
"Hindi mo na kailangang ngumiti."
Natawa siya, bakas ang pait sa kanyang mukha, alam kong naintindihan na niya ako.
"Bakit ka narito?" tanong ko.
"Sinusuyo ko siya ulit. Sabi ng kapatid mo ay pupunta siya rito ngayon."
"Sinusuyo? Kasalanan mo ba kung bakit naghiwalay kayo?"
"Oo, nagalit ako sa kanya kaya nakipaghiwalay siya."

BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomanceMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...