Kabanata XIII

99 7 0
                                        

"Si Lio?"

"Naliligo, Almira. Gusto mo sabihin ko na narito ka?"

"Naku, Noel, h'wag na."

"Aalis ba kayo?"

"Hindi. Pumasyal lang talaga ako rito." Nasulyapan ko bigla ang mga nakakalat na larawan sa isang upuan, kung saan naroon si Selyang. "Mukhang busy si Selyang, ha."

"Hindi ko nga alam kung anong naisipan niya. Bigla na lang kinuha ang mga iyan sa taguan."

Nilapitan ko si Selyang. "Patingin nga ng iba."

Nakakaaliw tingnan ang mga litrato nila.

"Kamukhang-kamukha pala ng kuya ninyo ang tatay ninyo noong bata pa siya," nakangiting sabi ko.

"Kaya hindi kami magkamukha," natatawang sabi ni Noel.

"Hindi ka rin naman kamukha ni Tita Ellen."

"Si Lolo ang kamukha ko, sabi niya sa akin. Kaya lang wala na siya."

"Malapit ka rin sa lolo mo?"

"Sobra."

"Parehas pala tayo, hanggang ngayon nga ay nangungulila pa rin ako sa kanya."

"Kahit ako kay Lolo."

Kinalabit ako bigla ni Selyang sa braso. "Ate."

"Bakit?"

"Kilala mo 'to?"

Kinuha ko ang iniaabot niyang larawan. Tiningnan ko iyon.

"Ang ganda ni Althea," sambit ko. "Bagay na bagay sa kanya ang suot niyang gown."

"Mas maganda ka riyan," sabi ni Noel.

"Pero hindi siya marunong mag-make up," sabat ni Selyang.

Tumawa ako, kahit na ang totoo ay nakaramdam ako ng kirot dahil may larawan pa rin pala silang dalawa na narito.

"Selyang, 'yang bibig mo," saway ni Noel.

"Bata lang siya, Noel," buong pang-unawa kong sabi. "Kailan ito?"

"Noong kasal ni Ate Yolly," sagot niya.

"Ano 'to?" Biglang may umagaw sa akin ng hawak kong larawan.

"Tapos ka na pala, Kuya," sabi ni Noel. Bumaling siya sa akin. "Paano, Almira, maliligo muna ako. May pupuntahan pa ako."

"Sige," sagot ko.

"Hindi ko alam na may kopya pa rito 'yan," paliwanag ni Lio.

"Okay lang, naiintindihan ko."

"Sorry."

"Okay nga lang."

"Hindi ka talaga galit?"

"Hindi. Alam kong mahal mo ako."

---

"Jelyn, tama na naman. Ang tagal na niyang umalis."

"Pero mahal ko pa rin siya, Almira."

"Ano ba, Jelyn?" Parang naiinis na si Katrina. "Iniwanan ka na at lahat ni Diego nang walang pasabi, hindi mo pa rin matanggap na hindi talaga kayo magiging--"

"Katrina," pinutol ko ang sinasabi niya.

"Almira, hindi na dapat natin kinukunsinti 'yang si Jelyn."

"Palibhasa masasaya kayo!" Umiiyak pa rin siya.

"Exactly! Masasaya kami. Masasaya kami kaya ang sakit sa mata na nakikita namin na nagkakagan'yan ka. Hindi si Diego ang kahuli-hulihang lalaki sa mundo."

"Paano kung mahal niya rin pala ako?"

"Umaasa ka pa rin?"

"Katrina, intindihin muna natin siya. Hindi niya nasabi ang nararamdaman niya kay Diego. Hindi nagkaroon ng closure."

"Closure? Wala naman nagbukas, hindi ba?"

"Pero--"

Napabuntong-hininga ito. "Okay, sabihin na natin na kailangan niya ng closure. Hindi lahat ng closure pinag-uusapan. Ang iba, dapat ginagawa. Kung hindi nila naisara ang pinto nang sabay, ngayong wala na ang kasama niyang magsasara, isara niyang mag-isa para sa sarili niya."

Wala ng umimik sa amin. Sa katahimikan ay sumang-ayon ako kay Katrina.

---

Nadatnan kong umiiyak si Althea kay Ate sa may tarangkahan. Ano kaya ang nangyari?

"Halika, pumasok muna tayo bago ka magkuwento," sabi ni Ate.

"Anong nangyari?" tanong ko.

Walang sumagot sa akin. Hinaplos ko sa kanang balikat si Althea at minabuti na lang na maunang pumasok sa bahay.

Hindi naman ako galit kay Althea. Dapat pa nga akong magpasalamat dahil kung hindi dahil sa kanya ay hindi kami magtatagpo ni Lio. Maaaring magtagpo kami, bilang malapit lamang ang bahay niya sa amin, pero ang mga puso namin ay imposibleng magtagpo kung hindi dahil sa pananakit ni Althea sa kanya.

***

(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

Nagbalik na AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon