Kabanata XVII

76 5 0
                                        

"Ate!" bungad sa akin ni Aliyah, kasabay ng pagtayo niya hagdanang kinauupuan.

Si Aliyah Diaz ay ang pinakamalapit sa akin sa bagong mundo na kinabibilangan ko. Siya ang nagdala sa akin sa ampunang ito kung saan ako tumuloy simula pa noong dumating ako rito sa Maynila.

Batid ko na pinagpala ako ni San Gabriel. Noong hapon na unang tumapak ang aking mga paa sa siyudad na ito, doon sa terminal na hinintuan ng bus, ay tila ako isang musmos na naliligaw. Hindi ko lamang ipinahahalata ngunit tigib ako ng kaba, hindi ko alam kung saan ako patungo. Hindi ako kumikilos, hindi kaagad, dahil nais ko na kapag humakbang ako ay tuluy-tuloy na ang aking lakad; para hindi mahalata ng mga tao na bago lamang ako sa pook na ito. Ayaw kong mabiktima ng mga mapagsamantala o mga mandurukot na sabi ng marami ay talamak daw dito.

Nakadama ako ng uhaw nang makita ko ang isang tindera na nagbebenta ng turon at palamig. Naisip kong bumili ng palamig at kumain na rin.

Ngunit bago pa man ako makalapit ay bumagsak na ako sa lupa. Sisigaw na sana ako nang makita ko na isang batang babae ang nabangga ko. Sa wari ko ay nasa sampung taong gulang lamang ang batang ito—maliit, mahaba ang buhok at napakainosente ng itsura.

Humingi siya ng tawad sa akin. Napansin ko na hindi kumukurap ang kanyang mga mata. Tatanungin ko na sana siya kung may iniinda ba siya o kung kailangan ba niya ng tulong sa mga panahong iyon pero bigla niyang sinabi na bulag siya.

Magaan ang loob ko sa kanya ngunit natatakot ako, paano kung hawak siya ng mga masasamang loob? Marami na akong narinig tungkol sa mga krimen na nagaganap madalas sa kasalukuyang panahon. Paano ako magtitiwala?

Pero, may espesyal sa batang ito. Tinulungan ko siyang tumayo at inalalayan hanggang sa makaupo kami sa lugar kung saan naroon ang mga naghihintay ng bus na sasakyan nila. Nag-usap kami. Sinabi niya sa akin na hinihintay niya ang kanyang kaibigan na bumibili ng makakain nila, ngunit nahirapan siya sa kinatatayuan niyang lugar noong nagsipagbaba ang mga pasahero kaya lumipat siya ng lugar. Sa tingin ko ay kami ang tinutukoy niya dahil wala naman ibang bus na dumating.

Ilang saglit lamang ay dumating ang isang lalaki na marahil ay dalawa o isang taon ang tanda sa kanya, hinihingal at pawis na pawis. Inabot ko sa kanya ang aking panyo pero hindi niya ito kinuha, subalit ay nagtanong siya kung sino ba ako at bakit ako kasama ng kaibigan niya. Kaagad naman ipinaliwanag ng batang babae ang nangyari.

Naikuwento ko na kadarating ko lamang dito at wala pa akong tiyak na matutuluyan. Hindi ko alam ngunit palagay na palagay akong magkuwento sa kanila. Marahil ay hindi naman sila masasamang tao o tagasunod ng mga masasamang loob.

Inalok nila na sumama ako sa kanila. Sa isang ampunan daw sila nakatira at napag-utusan lamang na mamalengke pero sa sobrang init ng panahon ay madaling napagod ang batang babae, na sa kalaunan ay nakilala ko bilang Aliyah. Iniwanan na lamang siya ng batang lalaki, na ang pangalan pala ay Ran, at ibilin paulit-ulit na huwag niyang lilisanin ang lugar na iyon anuman ang mangyari. Ang tinutukoy pala ni Aliyah na makakain ay ang pagkain para sa buong ampunan.

Sumama ako sa kanila at—

"Ate, napakinggan ka namin!" Napatigil ako sa pagbabalik-tanaw.

Si Ran iyon. "Ang galing mo magbigay ng payo, 'yong sa dyipni!"

"Pati ikaw gising pa?" gulat na tanong ko.

"Kakatapos ko lang initin 'yong ulam para hindi mo na gawin, alam kong pagod ka," tugon niya.

"Ate, unang gabi mo pa lang bilang DJ pero parang sanay na sanay ka na kung magpayo!" masiglang sambit ni Aliyah.

"Lumapit nga kayo sa ate ninyo," malambing na sabi ko.

Nagbalik na AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon