"Bakit narito ka?" tanong ko sa kanya.
"Madalas talaga akong narito," sagot niya. "Madalas akong nagdarasal kay San Gabriel. Isa pa, malapit lang dito ang bahay namin."
"Madalas din ako rito kahit medyo malayo ito sa amin. Nakapagtatakang hindi kita nakikita."
"Siguro dahil hindi naman lahat ng nasa paligid natin ay naaabot ng ating paningin." Inabutan niya ako ng panyo.
"Salamat, may panyo rin ako."
Umalis ako sa pagkakaluhod at umupo sa tabi niya.
"Ate Kara?"
"Bakit?"
"Gusto ko sanang humingi ng pasensya. Magulo lang po talaga ang isip ko noon. Marami kasi akong assignments noon tapos inutusan pa ako ni Mama."
"Wala naman sa akin iyon. Assignments lang talaga?" pag-uusisa niya.
"Opo."
"Pati ang dahilan kung bakit ka umiiyak ngayon?"
Hindi ako nakasagot.
"Maaari kang magkuwento."
"Hindi po p'wedeng ikuwento."
Hinawakan niya ang kamay ko. "H'wag kang mag-alala, wala akong pagsasabihan."
May kung ano sa tinig niya na nagtulak sa aking isalaysay ang lahat. Nagulat ako nang malaman ko na pitong taon pabalik ay nasaktan din siya dahil sa una niyang inibig.
Ngunit iba ang kuwento niya. Mas masakit.
"Ilan lang ang nakakasama hanggang sa huli ang una nilang pag-ibig. Ang iba, nakakasama na lang ito sa gunita. Alam ko na totoo ang lahat ng naramdaman namin noon sa isa't isa pero may mali rin siguro kaya mismong pagkakataon na ang humadlang," pagpapatuloy niya.
"Hindi mo na ba siya naaalala?"
"Hin—" tumigil siya saglit na tila nagpipigil ng luha. "Hindi dumaraan ang araw na hindi ko siya naaalala. Matagal ko nang natanggap na hindi siya ang pag-ibig na inilaan sa akin, pero hindi ko pa rin matanggap ang nangyari. Wala akong ibang naging kaibigan noon kung hindi siya dahil sa hindi naman ako masyadong nakalalabas ng bahay, sakitin kasi ako dati. Bilang matalik na magkaibigan ang mga ama namin ay palagi siyang dinadala roon sa amin. Noong naging maayos na ang lahat, at hindi na rin ako sa bahay lamang tinuturan, ay sa paaralang pinapasukan niya ako pinag-aral. Kaming dalawa pa rin ang palaging magkasama. Sa kanya umikot ang mundo ko. Napakahirap. Napakahirap, lalo na sa tuwing uuwi ako ng bahay ay nakikita ko iyong mismong lugar kung saan siya binawian ng buhay. Sa balkonahe ng bahay namin kung saan ko siya huling nakitang buhay, madalas kong natatagpuan ang sarili ko na lumuluha. At kapag napapasulyap ako sa ibaba ay nakikita ko pa rin ang walang buhay niyang katawan at ang dugo na ginawang kulay pula ang bato kung saan tumama ang ulo niya."
"Mas mahirap po iyon," sabi ko. "Iyong mahal na mahal mo siya ngunit wala na talagang pag-asa kahit pagbali-baligtarin pa ang mundo. At wala ka nang ibang magagawa kung hindi isuko na ang lahat."
"Totoo iyan. Sa katunayan, tinangka ko noon na tapusin na lang ang lahat sa balkonaheng iyon. Mabuti na lamang nakita ako ng ate ko at nagawa niya akong pigilan," matapat na paglalahad niya.
"Mabuti na lang po at hindi natuloy," sabi ko. Hindi ko talaga alam kung ano ba ang dapat na sabihin ko.
Tumango siya. "Naiisip ko nga minsan na napakarami ko pala sanang nasayang na nagkataon, napakarami ko sanang hindi naranasan. Sa kabila ng paminsan-minsang kalupitan ng uniberso, talagang biyaya pa rin ang mabuhay dito sa mundo."
![](https://img.wattpad.com/cover/4968650-288-k606902.jpg)
BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomansaMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...