Kabanata XIX

79 5 0
                                        

Iniisip ko pa rin ang tungkol sa kuwento ng lolo ni Ran at ni Esperanza. Iba talaga kung maglaro ang pagkakataon. 

Pero, tama nga marahil ang lolo niya. Hindi pagkakataon ang may kasalanan sa nangyari sa kanilang dalawa. Hindi puwedeng isisi sa uniberso ang kasalanan ng mga tao na ang pakiramdam ay hawak nila ang lahat ng oras sa mundo, gayong wala naman talaga silang pag-aari kahit na isang segundo. Bawat butil ng oras ay dumadaan lamang sa ating mga palad. Walang naiiwan kung hindi mga alaala; mga bakas na minsan nating nahawakan ang mga butil na iyon. Ang lumipas ay lumipas na. Wala na tayong magagawa roon.

Ranzagani San Juan ang tunay na pangalan ni Ran, mula sa pinagsamang pangalan nila Esperanza Reyes at Isagani San Juan.

Sabay na lumaki sina Isagani at Esperanza, ayon sa nabasa ni Ran sa talaarawan ng kanyang lolo. Bagama't pinagbabawalan sila na lumapit sa isa't isa dahil anak lamang si Isagani ng hardinero at isa sa mga katulong nina Esperanza, palagi pa rin silang pumupuslit para maglaro.

Sa mga kubling lugar at sandali ay hindi lamang pagkakaibigan ang umusbong. Sa paglipas ng mga taon, namulaklak din ang pag-ibig; ang uri ng pagmamahal na ang iba ay buong buhay ang iginugol sa paghahanap ngunit hindi ito kailanman natagpuan.

Subalit walang lihim na naitatago habambuhay—at kung mayroon man ay hindi ang lihim na pagsinta nila sa isa't isa. Pinalayas sina Isagani kina Esperanza—kasama ang kanyang ina, ama, at kapatid.

Nangako si Isagani na babalikan niya si Esperanza kapag nakatagpo na siya ng suwerte at mayroon nang maipagmamalaki sa mga magulang nito.

Pero sadyang mailap ang magandang kapalaran, hindi kailanman natagpuan ni Isagani ang suwerte na kanyang hinahanap.

Isang araw ay nabalitaan na lamang niya na ikakasal na si Esperanza. Ipinagkasundo raw ito ng kanyang mga magulang sa anak ng isang negosyante.

Agad na tinahak ng binata ang daan pabalik sa kung saan niya iniwan ang kanyang musa. Layunin niyang itakas ito at isama kung saan magiging malayo na sila sa mga tutol sa kanilang pag-iibigan. Wala siyang pakialam sa malakas na ulang dala ng bagyo.

Ngunit iba ang kanyang dinatnan—mga nagkakagulo at nag-iiyakang tao. Kadarating lamang ng labi ni Esperanza.

Hindi alintana ang malakas na ulan dala ng bagyo, tumakas ang babae mula sa asawang hindi niya iniibig. Nadulas ito habang tumatawid at nabundol ng kotse. Tumama ang ulo niya sa kalsada at agad na nalagutan ng hininga.

Sa kanyang kama ay mayroong munting papel na ang nakasulat ay:

HAHANAPIN KO SI ISAGANI. HINDI KO ALAM KUNG BAKIT HINDI SIYA BUMALIK PARA ILAYO AKO SA INYO, PERO SA PUSO KO AY BATID KONG AKO PA RIN ANG MAHAL NIYA. HINDI NA AKO MAGHIHINTAY PA, PUPUNTAHAN KO NA SIYA. KAMATAYAN NA LAMANG ANG MAKAPAGHIHIWALAY SA AMING DALAWA.
---

Muli, katulad ng paulit-ulit na nangyayari kapag nag-iisa ako, ay naalala ko si Lio. Halos limang taon na ang dumaan. Tama ba na lumayo ako? Tama ba na hindi man lang ako lumaban?

May dapat ba akong ipaglaban noon? Pinili niya si Althea. Pinili niya si Althea, hindi ba? Ang nasa isip ko na sapat, ang pag-aakala kong napalitan ko na si Althea sa puso niya, at ang paniniwala ko na kuntento siya sa akin ay pawang mga ilusyon ko lang.

Tama lang ang plano ko. Isang araw, babalik ako roon na tagumpay na. Darating ang panahon na makikita niya kung ano ang pinakawalan niya. Magsisisi siya.
---

"James!" bati ko sa kanya. "Mabuti at napasyal kayo rito."

Niyakap ko si Aliyah nang mahigpit. "Miss ka na namin."

Hindi siya sumagot.

"Hindi pa rin siya nakakapagsalita?" tanong ko kay James habang inaalis ang pagkakayakap ko kay Aliyah.

"Hindi pa rin," sagot niya kalakip ang isang pilit na ngiti.

"Ngunit sabi mo ay nakikitaan mo na siya ng mga pagbabago. Paminsan-minsan 'ka mo ay ngumingiti na siya. Sabi mo malapit na siyang magsalita."

"Iyon ang sabi ng doktor noon, malapit na."

"Ano na ang nangyari?"

"Hindi rin nila maipaliwanag."

Napabuntong-hininga ako.

"Kaya narito kami. Dadalhin ko na siya sa ibang bansa para ipagamot. Sinubukan namin, e, pero wala yatang doktor dito na kaya siyang pagalingin."

"Ano?"

"Mamaya na ang alis namin."

Bigla kaming nakarinig na parang may nabasag.

"Ngayon?" bulalas ni Ran. Nakita kong dumudugo ang kanyang kanang paa. Sa kanyang harapan ay naroon ang nagkalat na lupa at mga piraso ng paso. Natalsikan siya ng isa sa mga pirasong iyon.

"Ang paa mo, Ran!" Nagmamadali akong lumapit sa kanya.

Tumakbo si Ran kay Aliyah. "Aliyah."

Pumatak na ang mga luha ni Ran habang ang kausap niya ay tulala lamang na nakatingin sa kanya. Nakakapanlumo. Pakiramdam ko ay dumilim ang langit. At ang hardin ng ampunan na puno ng iba't ibang uri ng bulaklak ay waring naging isang gubat na tigib ng mga baging at nakakatakot na anyo ng halaman.
---

Iniwanan muna namin ang dalawa pagkatapos kong gamutin ang sugat ni Ran. Sa dalawang magkatabing duyan kami umupo ni James.

"Salamat talaga," sabi niya.

Ngumiti ako.

"Akala namin ay hindi na talaga namin siya ulit makikita. Mukhang malabo na rin na mabuhay siya dahil bulag siya at hindi marunong lumangoy. Pinapapanalangin na nga namin na makita ang katawan niya. Totoo pala na may milagro. Angels, I believe, brought her to that shore. Masyadong malayo iyon sa kinalubugan ng bangkang sinasakyan nila ng tiyuhin ko na namatay sa aksidenteng iyon."

"Mabuti at napakinggan mo ang programa ko. Ilang araw ko rin iyon ina-announce on air. Puro nanloloko ang tumatawag kaya sinabi ko na pumunta na lang sa akin at magdala ng picture ng bata."

"Palagi talaga ako nakikinig sa'yo. Kaya lang, halos dalawang linggo akong busy."

"Nakikinig ka talaga sa akin?"

"Sino ba ang hindi? Sikat ka at ang programa mo."

"Sabi nga nila. Pero, hindi ako ganoon kasaya."

"Bakit?"

"Dahil kay—" Natigilan ako. "Dahil may iba akong gustong gawin."

"Ano iyon?"

"Gusto ko maging manunulat, iyon talaga ang pangarap ko."

"Maaari naman. Sigurado naman marami ang babasa. You're very popular."

Napaisip ako.

"Nagsasalita ka na!" Si Ran iyon.

Nagmadali kaming pumunta sa kinaroroonan ng dalawa.

"Salamat, Sister Graciana!"

"Ate Almira," sabi Aliyah sabay yakap sa akin.

"Paano?" namamanghang tanong ni James.

"Kinausap ko lang po siya. Pinaalala ko si Sister Graciana. Hindi ko rin po alam kung anong nasabi ko."

***

(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

Nagbalik na AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon