Kabanata XXI

88 5 0
                                        

"Wala naman talaga akong inspirasyon noong simulan ko iyon, bigla lang pumasok sa isip ko ang ideya. Pero ang dahilan kung bakit nagpatuloy akong magsulat, kahit alam naman natin na hindi ganoon kadaling sumulat ng nobela, ay hindi ko p'wede pangalanan. May sarili na siyang buhay." Ito ang naging sagot ko sa tanong ng binata kanina sa programa ni Bernadette.

Tiningnan ko ang mga mensahe sa akin ng mga kapamilya at kaibigan ko.  Ipinagmamalaki nila ako. Masayang-masaya sila sa layo ng narating ko. Tagumpay na talaga ako, kanina ko lamang napagtanto. Bakit nga ba hindi pa rin ako umuuwi sa probinsya namin?

May sarili na akong bahay dito. Iniisip ko na dapat siguro ay papuntahin ko na lang lahat sila rito. Papayag kaya sila? Gusto ko rin papuntahin ang mga kaibigan ko rito. Gusto ko na silang makita ulit. May panahon kaya sila?

Naisipan kong buksan ang akin Friendster. May bago na naman mensahe mula kay Lio. Hindi ko alam kung ilan na ba lahat ng iyon. Hindi ko sila binubuksan. Para saan pa? Mas mabuti na ang ganito na wala kaming komunikasyon.

Sa baba ng mensahe niya ay napansin ko na may isang galing kay Kara Isabel Villareal Sino si Kara Isabelle Villareal? Kara Isabelle ba ang pangalan ni Ate Kara? Pero ang alam ko ay Natividad ang apelyido niya.

Binuksan ko ang mensahe. Hindi naman mahaba ang ipinadala niya.

Kumusta na, Almira? Si Ate Kara mo ito, natatandaan mo pa ba ako? Napanood kita kanina. Malayo na talaga ang narating mo. Masaya ako para sa 'yo.

Ngayon lang kita nagawang i-message. Busy kasi ako, busy bilang isang ina at asawa. Gusto sana kitang imbitahan sa binyag ng pangalawang anak ko. P'wede ka ba maging ninang niya? Alam ko na masyado pang maaga dahil sa December pa ako manganganak, pero gusto ko nang sabihin sa 'yo. By the way, you may contact me at 09191234567. Bihira ko lang mabuksan ang Friendster account ko. Sa text mo na lang sagutin ito ha? God bless.

Masaya ako na pagkalipas ng mahabang panahon ay makakakita muli ako ng isang dating kakilala—isang lumang tao na humakbang papasok sa bago kong mundo. Natutuwa ako at magkikita na kami ulit ni Ate Kara. Sa kabilang dako ay nalulungkot ako para sa kanila ni Kuya Emil.
---

Unang araw ng taong 2011, sa isang simbahan kung saan ay naroon din si San Gabriel, bininyagan si Isabella Karisse. Siya ang pangalawang anak ni Ate Kara at ng kanyang asawang si Luisito. Lalaki ang panganay nilang anak, isinunod nila ang pangalan nito sa ama. Tatlong taon lamang ang batang si Luis.

Paminsan-minsan ay nakikita ko si Kuya Emil kay Luisito. Pakiramdam ko ay binyag iyon ng pamangkin ko. Malawak talaga ang imahinasyon ng pusong bigo, hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin ako sa kinahinatnan nila.

Napabuntong-hininga ako. Kasalanan naman ni Kuya kung bakit nawala sa kanya si Ate Kara. Hiniwalayan niya ito para makasama si Ate Lara. Bago pa iyon ay matagal na pala silang lihim na nagkikita. Awang-awa ako noon kay Ate Kara ngunit wala naman akong magagawa sa mga nagaganap, buhay iyon ng kapatid ko; ang pagdedesisyon ay nasa kanya. Hiniling ko na lamang na maging maligaya sila ni Ate Lara, ilang ulit kong hiniling iyon kay San Gabriel. Ngunit, tumigil din ako sa kalaunan.

Tumawag ako sa bahay. Nakausap ko ang kapatid ko, isang araw. Wala na pala sa bahay namin ang babaeng pinili niya. Walong araw daw marahil pagkatapos niyang basahin ang liham ko ay nagising siya sa katotohanan. Inalam sa akin kung ano ang eksaktong kinaroroonan ni Ate Kara, kung saan niya ito maaaring sulatan o kung may numero ba siyang maaaring tawagan, subalit wala rin akong nalalaman.

"Ang bagal mo pa rin kumain," bulong sa akin ng isang lalaki na biglang tumabi sa akin.

Nagulat ako. Hinarap ko kaagad siya.

"Noel? Bakit narito ka?"

Tumawa siya. "Nagulat ka ba? Nagulat din ako nang makita kita."

"Kilala mo sila?"

Nagbalik na AkoMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon