Kabanata XXVIII

87 7 0
                                    

Ang mga huling mensahe ni Lio ay tila namamaalam na. Sa wari ko ay ito na ang mga saglit kung kailan iniisip na niyang pakasalan si Althea.

Masaya ka na, alam ko. Nalampasan mo na ang lahat, pati ako. Lalo mo akong pinahanga sa naging katatagan mo. Alam ko na nasaktan kita noon pero hindi mo hinayaang paandarin ng kalungkutan ang buhay mo. Hindi ka nawalan ng gana sa mundo kaya naging tagumpay ka. Pero kagaya ng sabi ko noon sa Friendster, tulad ng nakalagay sa unang liham ko, hindi ako hihingi ng tawad sa mga bagay na naging dahilan para masaktan ka. Hindi mo nakita ang totoo noon. Sa kabila nito, uulitin ko ang paghingi ng paumanhin sa mga naging pagkukulang ko. Ang mga tunay na pagkakamali ko ay hindi mo napansin dahil gumawa ka ng kasalanan ko sa isip mo, may mga pagkakamali ako na ikaw lang ang gumawa. Inimbento mo lang. Sorry kung sinabi ko ito. Gusto ko lang kasi na mapaisip ka naman kahit papaano. Sana pumayag ka nang makipag-usap sa akin. Hindi na ako umaasang madudugtungan pa ang kahapon natin pero sana maging malinaw pa rin ang lahat.

Ano kaya kung binasa ko ito noon? Papayag kaya akong makipag-usap sa kanya?

Hindi ko alam.

Matatapos na akong magbasa. Ito na ang huli:

Alam ko na hindi ka na babalik. Napapagod na rin ako na maghintay. Sa huling sulat mo, sabi mo babalik ka. Naghintay ako. Alam ng Diyos na naghintay ako.

Gusto kong magalit sa 'yo. Sa unang pagkakataon, gusto kong magalit sa 'yo. Eleven years. Inunawa kita, hinintay, minahal. Kung nasaktan kita, nakabawi ka na. Nakaganti ka na. Kulang pa rin ba?

Nanghihina na ako. Bibitaw na ako. Gusto ko nang lumaya. Gusto ko nang tapusin ang paghihintay ko.

Paalam, Almira.

"Hindi." Ito lang ang nasabi ko.

Ika-22 pa ng Marso naipadala ang mensahe niya sa akin. Tapos, ikakasal na siya sa—teka, minadali lamang ang kasal. Malaki ang posibilidad na mahal pa rin niya ako at mababago ko pa ang isip niya.

Nagmadali akong sagutin ang mensahe niya:

Payag na ako. Mag-usap tayo. H'wag mong ituloy ang kasal.

Muli akong nagpadala ng mensahe:

Sorry kung ngayon lang ako nagbasa. Mahal pa rin kita. Makikinig na ako, makikinig na ako sa paliwanag mo. Huwag mong ituloy ang kasal.

Mali ito. Walang magagawa ito. Paano kung hindi niya mabasa sa oras ang mga sagot ko? May iba akong dapat gawin. May mas maganda akong magagawa.
---

Binuklat-buklat ko ang luma kong talaarawan habang nasa biyahe, ngunit hindi ko ito binabasa. Inaalala ko lang ang nakaraan sa aking isipan.

May isa pa akong naisip sa petsa ng kasal ni Lio. Abril 19, 2002 ako umalis sa lugar namin.

Napabuntong-hininga ako. Hindi mo talaga masasabi. Sino ba ang mag-aakala na ito rin ang araw na tatapak muli ako sa lugar na minsan kong inalis sa aking mundo?

Hindi ko alam kung bakit hinahabol ko ang oras noong magsimula akong maglakbay pabalik ngunit ngayon ay alam ko na.

Hindi matatawaran ang mga sandaling kasama ko si Lio. Ang mga alaala sa burol ay hindi kailanman mapapantayan ng mga gusali sa lungsod. Ang mga kanta na sabay naming inaawit dati ay hindi matutumbasan ng hiyawaan ng mga taong humahanga sa aking mga akda.

Kung paano niya ako binuo pagkatapos kong mawasak ay hindi matutumbasan ng libo-libong palakpak. Ito marahil ang mga dahilan kung bakit hindi ko binabasa ang talaarawang ito. Wala naman talaga itong dapat ipaalala—dahil wala akong nakalimutan ni isang piraso ng nakaraan.

Si Lio siguro ang tunay kong pag-ibig kaya narito ako ngayon. Handa na akong harapin ang San Gabriel. Kung may takot man ay hindi ko na alintana. Hahabol ako sa kasal, isisigaw ko na nagbalik na ako.

***

(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

Nagbalik na AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon