"Biglaan naman yata?" gulat na tanong ko kay Kuya.
"Umuwi ka na rin," kakaiba ang tinig niya.
"Bakit naman pati ako pauuwiin mo?"
"Doon ko na sasabihin," sabi niya.
"Kuya!" sigaw ni Lira. "Sabihin mo na nga kay Ate!"
"Hindi," mariing wika ng nakatatanda naming kapatid.
"Kung hindi mo kaya, ako na!" sabi ni Lira.
"Hindi sabi!" pagtutol ni Kuya.
"Hindi naman uuwi 'yan kung hindi natin sasabihin, e!"
"Bakit ba marunong ka pa?"
"Hindi na ako bata! Kahit ngayon lang, pabayaan mo sana akong makialam."
"Alam n'yo, kanina pa sa biyahe masakit ang ulo ko," sabat ko. "Ito pa ang isinalubong nin--"
"Kasalanan ni Kuya, e!"
"Pumunta ka na sa kuwarto mo, Lira," mariin ngunit hindi nakasigaw na sabi ni Kuya.
"Pero, Kuya!"
"Mag-impake ka na!"
"Ate," naluluhang sabi ni Lira.
"Tumigil ka, Lira!" sigaw ni Kuya.
"Sabihin na natin, Kuya." Tumulo na ang luha niya.
"Ang alin ba?" naiiritang tanong ko. "Ano ba'ng kailangan kong malaman? Alam ninyo, pagod ako ngayon. Wala akong panahon sa mga ganito. Kung ganito rin lang, mabuti na ngang umalis na lang kayo!"
Patakbo akong umakyat ng hagdanan, maluha-luha. Kadarating lang nila noong nakaraang araw tapos uuwi na sila kaagad? Ngayon lang naman ako humingi ng pabor sa kanila. Ngayon ko lang naman hiningi na makasama ko sila. Iiwan pa nila ako? Ni hindi nga sila makapagbigay ng dahilan para maintindihan ko naman kahit papaano. Pakiramdam ko tuloy hindi na ako mahalaga sa kanila, na nasanay na silang wala ako sa buhay nila.
May biglang kumatok.
"Almira?"
Boses ni Ate.
"Papasukin mo ako," mahinahong sabi niya.
"Ikaw ba 'yan, Ate?"
"Oo, mag-usap tayo."
Pinagbuksan ko siya ng pinto at agad na niyakap. Ilang buwan din marahil kaming hindi nagkita ni Ate kahit na napakalapit lang niya sa akin dahil abala siya sa pag-aalaga sa bagong silang niyang anak.
"Alam mo, hindi habambuhay ay matatakasan mo ang mga bagay sa nakaraan mo."
"Ate naman."
"Hanggang ngayon, duwag ka pa rin. Kung gaano ka katakot sa multo noong mga bata pa tayo, gano'n ka rin kaduwag harapin ang multo ng nakaraan ninyo ni Lio."
"Ate, bakit naman siya napasok dito?" tanong ko.
Napabuntong-hininga siya, malalim.
"Sa simbahan, sa kahuli-hulihang sandali ay hihintayin ka pa rin ni Kuya Lio," umiiyak na sabi ni Lira. Hindi ko pala naisara ang pintuan.
"Ate?" bumaling ako kay Ate.
Hindi siya umimik.
"Hindi ko sila maintindihan, masyado silang takot sa 'yo. Makasarili ka, Ate Almira—"
"Lira," matamlay na saway ni Ate.
"Alam mo kasi na mahal ka nila kaya gina—"
"Lira!" bulyaw ni Ate.
"Ang galing mo, Ate. Lahat sila napasunod mo para lang hindi mo putulin ang komunikasyon mo sa amin. At ako, wala akong magawa dahil ako ang pinakabata. Wala akong say sa pamilya ko! Magsisisi ka sa huli, magsisisi ka na iniwan mo si Kuya Lio at ginawa mo lahat ng ito."
---Inaapoy ako ng lagnat kanina. Mabuti na lang at natawagan ko kaagad si Ate Kara. Agad silang pumunta ng asawa niya rito sa bahay ko.
Sinusubukan kong tawagan si Jelyn, na malapit lamang dito ang tirahan ngunit hindi niya ito sinasagot. Kailangan ko pa naman ngayon ng kausap, ayaw ko naman istorbohin nang husto sina Ate Kara kaya sinabi ko na hindi na nila ako kailangang bantayan.
Mabuti na rin naman ang lagay ko kahit papaano. Pero, hindi pa rin nawawala ang kalituhang dinulot sa akin ng mga nangyari kahapon.
Una, hindi ko maintindihan kung bakit nagkaganoon si Lira. Kailanman ay hindi ko inisip na nagtatampo siya sa akin dahil bata pa naman siya noong umalis ako. Pero, higit pa pala sa tampo ang nararamdaman niya. Hindi ko talaga mawari kung bakit ganoon na lang kung ipagdiinan niya na kasalanan ko ang nangyari sa amin ni Lio. Wala pa siyang kamalay-malay sa mga nangyayari bago ako umalis.
Napailing ako. Marahil ay nabilog ni Lio ang ulo ng kapatid ko. Kung bakit at paano, hindi ko alam.
Pangalawa, iniisip ko rin kung bakit nagkakaganoon si Kuya kahapon. Natitiyak ko na may malaking problema siya kaya naisip niyang umuwi pero ang hindi ko mawari ay kung bakit kailangang isama pa nila ako, o kung bakit hindi na lamang niya iniwanan dito si Lira.
Palaisipan din sa akin ang sinabi ni Lira na sa simbahan ay—
Dinampot ko ang cellphone ko.
"Hello, Almira? May problema ba?" bungad ni Ate pagsagot niya. Hindi ko pa nga pala nasasabi na nagkasakit ako.
Pero hindi naman iyon ang dahilan ng pagtawag ko.
"Ikakasal na po ba si Althea?"
"S-si Althea?"
Nabigla rin ako sa sinabi ko. Agad kong pinatay ang cellphone ko, hindi ang tawag. Pinatay ko ang cellphone ko para iwasan ang mga tanong ni Ate.
Siguro, kahit na ilang araw lang ay kailangan kong lumayo sa lahat. Kailangan ko marahil makapagsarili.
***
(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.
Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomantiekMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...