Kabanata XVIII

69 5 0
                                        

"Ate, hindi ko na alam ang gagawin ko." Pumatak na ang luha ni Ran. "Hindi na naman siya nagsasalita kagaya noong napulot siya ni Sister Graciana. Paano na 'yan? Wala na si Sister, siya ang dahilan kung bakit nakapagsalita si Aliyah noon. Wala na yatang pag-asa si Aliyah."

Wala pa rin pinag-iba si Ran sa 12-taong-gulang na nakilala ko apat na taon pabalik. Pagdating kay Aliyah ay napakahina niya pa rin. Kung paano siya hindi makakain kapag may sakit ito ay ganoon din ang pakikiisa ng kalooban niya sa pighati nito. Bukod sa dalamhati niyang pansarili sa pagkamatay ni Sister Graciana ay dinadala niya pa ang bigat ng kalooban ng kaibigan. Natatakot ako para sa kanya, higit para sa kahit na sino rito. Nangangamba ako na baka isang araw ay hindi na rin siya magsalita.

"Kailangan mong magpakatatag," payo ko. "Ikaw ang dapat niyang maging lakas. Paano mangyayari iyon kung kahinaan din ang nasa iyo?"

"Hindi ko na po yata kaya."

"Kaya mo, natin. Gagawa tayo ng paraan."

Limang araw ko ng ipinananawagan sa programa ko ang tungkol sa pagkawala ng pitong taong gulang na nawala walong taon na ang nakakaraan. Ilang araw na akong nagpapaulit-ulit sa pagsasabi ng mga detalye pero puro nanloloko lamang ang tumatawag sa amin.

"April Rain," sabi ng isang hindi pamilyar na tinig. April Rain ang ginamit kong alyas sa radyo—"April" dahil Abril ako umalis sa amin at "Rain" dahil ulan ang hiningi kong senyales noong unang beses kong nakasama sa burol si Lio. Si Lio na hanggang ngayon ay mahal ko pa rin.

Inilapag ko ang iniinom kong kape. "Sino ka?"

"Kanina pa kita hinihintay na matapos."

"Sino ka?" ulit kong tanong.

"I'm James Roxas."

"Okay. What can I do for you?"

"Dalhin mo ako kay Jane."

"Jane?"

"Sigurado akong si Jane ang tinutukoy mo. Nakasuot ng bestidang kulay pula na may itim na laso sa baywang at may kuwintas na hugis bituin. Sa probinsyang iyon, doon namin siya huling nakasama."

"May dala ka bang larawan niya noon? Sinabi ko iyon, na magdala ang nakakakilala sa kanya kung didiretso rito."

"Ito." Iniabot niya ang isang larawan. "Kuha ito bago siya mawala."

Tiningnan kong mabuti, iyon nga ang damit. Inilabas ko mula sa akin bag ang larawan nila Aliyah at Ran noong bata sila, iyon nga si Aliyah.
---

"Jane." Umiiyak niyang niyakap si Aliyah.

"Sandali," sabi ni Ran.

Hinawakan ko siya sa braso. "Ran, hayaan mo lang sila."

"Natatandaan mo ba si Kuya?" Hinaplos nito ang mukha ni Aliyah.

Wala siyang natanggap na sagot.

"Si Kuya James 'to." Lumuluha pa rin siya.

"Hindi siya kila--"

"Ran."

"Pero, Ate!"

"Bakit para siyang may sakit? Bakit hindi siya nagsasalita?"

"Saka na namin ipapaliwanag," sabi ko. "Sa ngayon, kailangan mong malaman na bulag siya."

"Dati pa siyang bulag," sabi ni James.

"Dati pa?" sabay naming tanong ni Ran.
---

"Malungkot ka na naman," puna ko kay Ran.

"Aalis na sila. Susubukan siyang ipagamot sa ibang bansa."

"Alam ko," puno ng simpatiyang sabi ko. "Pero kailangan iyon."

"Kailangang magkahiwalay kami," mapait na sabi niya.

"Minsan, kailangan natin magpalaya."

"Ayokong isipin." Huminto siya. "Ibig kong sabihin, ayoko siyang palayain."

"Walang puwang sa pag-ibig ang pagiging makasarili."

"Tama ka, Ate. Pero iba naman ang sitwasyon namin."

"Iba kanino?"

"Natatakot ako na matulad kami sa Lolo ko at sa kaisa--isang babaeng minahal niya."

"Kaisa-isa? Paano ang lola mo? Ibig kong sabihin—"

"Si Lolo Isagani, hindi siya ama ng isa sa mga magulang ko. Tiyuhin siya ng aking ina, pero siya ang nagpalaki sa nanay ko. Bunga ng pagkakamali ang nanay ko kaya wala itong kinilalang ama habang ang lola ko ay namatay sa panganganak sa kanya. Hindi nagkaroon ng asawa si Lolo Isagani."

"Nasaan na nga pala ang mga magulang mo? Hindi mo sila naikuk'wento."

Huminga siya nang malalim. "Naulit po ang nangyari sa lola ko, nabuntis din ang nanay ko at iniwan. Ayaw niya sa akin, bigla na lang siyang nawala at hindi na muling nagpakita pagkatapos niya akong isilang. Nabasa ko 'yon sa isang sulat na nakita ko sa mga gamit ni Lolo pagkamatay niya."

Hindi ko alam na ganito kalupit ang pagkakataon kay Ran. Ang alam ko lamang ay namatay ang kanyang lolo noong siyam na taong gulang siya at dinala siya ng isang kamag-anak sa ampunang ito.

"Sorry, naipaalala ko pa."

Ngumiti lang siya.

"Hayaan mo, kakausapin ko sina James na baka puwede namang subukan muna nila rito," pangako ko.

"Teka, ikuwento mo nga sa akin ang tungkol sa lolo mo, ang tungkol sa nawala niyang pag-ibig." Sinabi ko ito sa kanya para mailihis na ang usapan.
***

(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.

Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

Nagbalik na AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon