Hindi ko alam kung matatapos kong basahin ang mga mensaheng ito ngayong gabi. Halos araw-araw yata ay mensahe siya sa akin. Ginawa niya akong talaarawan; patuloy na kinakausap kahit hindi tumutugon.
Nakatutuwang isipin na naging maayos ang lahat sa kanya. Naging isang guro siya at, base sa mga salaysay niya, ay marami siyang nabibigyan ng inspirasyon at pag-asa.
Gayunman, para sa kanya ay mas marami pa rin akong nagagawang tulungan. Inulit-ulit niya ito. Palagi pala siyang nakikinig sa programa ko.
Masaya ang buhay ni Lio, masasabi ko. Puro masasayang alaala ang naipon sa mga hindi nabasang mensahe na ito. May kaunting kirot akong nararamdaman. Naiisip ko na sana ay kaming dalawa ang magkasamang sumasayaw sa tugtog ng buhay sa mga lumipas na taon.
Pero bakit ako manghihinayang? Kasalanan niya ang lahat. Alam ko na hindi niya pinagsisisihan ang mga iyon. Kahit kailan ay hindi siya humingi ng patawad sa akin. Paano nga naman? E mukhang naging perpekto ang buhay niya simula noong umalis ako.
Hihinto na sana ako sa pagbabasa, nasasaktan lang naman ako, ngunit bigla kong nakita ang pangalan ni James.
Muli akong nagbasa.
Napaluha ako.
Kasama ko pala siya sa mga panahong iyon. Pinalalakas niya ang loob ko. Umaasa siya na sa gitna ng kalungkutan ay hahanapin kong muli ang simple pagsasama naming dalawa. Inaasam niya na babalikan ko na lugar na iniwan ko—kung saan ang lahat ay simple lamang, malayo sa mga taong mapanghusga, at sirain man ng isang pagkakamali ang kinang ng tagumpay ay hindi pa rin ako mawawalan ng kislap sapagkat naroon ang lahat ng taong sa akin ay tunay na nagmamahal kahit na noong wala pa akong napatutunayan.
Kring... Kring...
Biglang may tumawag sa telepono ko. Sino naman kaya ang tatawag sa akin sa oras na ito? Malapit na ang ika-10 ng gabi. Marahil ay napakaimportante ng tawag na iyon. Isa siguro ito sa mga tumatawag noong mga nakaraang araw na hindi ko sinasagot.
"Hello?"
"Ate Almira," walang buhay na tugon ng nasa kabilang linya.
"Lira?"
"Umuwi ka na rito." Hindi pa rin nagbabago ang tono niya.
"Bak—"
"Sa simbahan ng San Gabriel. Bago mahuli ang lahat."
"Hindi kita maintindihan."
"Si Kuya Lio."
"Si Lio? Sa simbahan?"
"Aabot ka pa. April 19."
"Teka—"
"2 p.m."
"Ano ba...si Lio... Hindi ko... Ikakasal na ba siya?" Binabaan niya ako ng telepono.
***
(Ang Nagbalik Na Ako ay nailathala sa Definitely Filipino bilang isang serye noong 2014.
Ang pagkopya ng anumang bahagi ng nobelang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas.)

BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomanceMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...