Humigpit ang hawak niya sa kamay ko. "Almira."
Sinubukan kong bawiin ang kamay ko sa kanya ngunit hindi niya iyon hinayaan.
"Iiwanan ko na rito ang kahapon. Dito kung saan ko siya unang nakilala. Kung bakit naisip kong nakatadhana kami no'ng bumalik siya," aniya.
Tumango ako. Hinayaan ko na lang na hawakan niya ang kamay ko. Marahil nakakaramdam siya ng kapanatagan doon, iyong pakiramdam na hindi siya nag-iisa.
"P'wede ba kitang maging kasalukuyan?" tanong niya.
"Ano?" itatanong ko dapat sa kanya ngunit hindi ko na nagawang magsalita.
"At hinaharap?"
Parang nagkaroon ako ng karagdagang lakas sa sinabi niya, naging sapat ang lakas ko para kunin ang kamay ko sa kanya. Tumayo ako.
"Nabibigla ka lang," walang emosyong sabi ko.
"Almira, hindi."
"Nabibigla ka lang," ulit ko kasabay ng pagtalikod sa kanya.
Hinawakan niya ako sa braso. "Almira."
"Layuan mo muna ako," matigas kong sambit.
Inalis niya ang pagkakahawak sa akin. Lumakad ako palayo, tangan ang halu-halong emosyon.
---
"Jelyn?" sabi ko pagkabukas ko ng silid niya.
"Almira?" gulat na sambit niya.
Tiningnan ko siya. Nakasuot siya ng asul na bestida. Naamoy ko rin ang pabango niyang kumalat na ang amoy sa buong silid. "Aalis ka?"
"Oo," nakangiting sabi niya.
"Ngayon pa lang kayo pupunta sa sementeryo?"
Natawa siya. "Almira naman, sa saya kong ito? Sa ayos kong ito?"
"Kung gano'n, saan?"
"Aalis kami ni Diego. Ngayon na lang ulit kami magkakasama. Sobrang busy niya nitong mga nakaraang buwan."
"Mabuti naman. Saan kayo pupunta?"
"Sa bahay ng dean namin."
"Bakit?"
"Doon nito pinapupunta si Diego. Late na nga, e, mga 5 p.m. pa raw makararating dahil nga Undas."
"Bakit daw kailangan?"
"Hindi ko rin alam. Mama niya ang nagsabi sa akin na mabuti pa raw at samahan ko dahil may lalakarin nga."
"Hindi sinabi ng mama niya kung bakit?"
"Hindi."
"Bakit kaya?"
"Hindi ko rin alam. Kay Diego ko na lang daw itanong."
"Hindi ba p'wedeng bukas na lang?"
"Hindi siguro, e."
"Gano'n ba? Mauuna na ako, uuwi na lamang ako."
"Sandali, may problema ba?"
"Kaunti lang naman." Ngumiti ako.
"Pasensya ka na. Pupuntahan na lang kita sa inyo bukas."
"Ha? Hindi, h'wag sa amin. Magkita-kita na lang tayo nina Katrina sa burol bukas, usual time."
"Sige." Nilapitan niya ako at niyakap.
Dumaan ako sa bahay nina Katrina bago umuwi. Malapit nang lumubog ang araw kaya kailangan sumaglit lang ako.
"Bukas sa burol, usual time." Tama, ganito lang kaikli ang sasabihin ko.

BINABASA MO ANG
Nagbalik na Ako
RomanceMasasabi mo ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan kaya hindi kayo naging para sa isa't isa? Isang istorya ng paglisan upang manatili. Isang salaysay ng pagbabalik para magpaalam. Isang nobela. Ito ang kuwento ni Almir...